Isang Aklat na Mapagkakatiwalaan Mo—Bahagi 3
Ulat ng Bibliya Tungkol sa Babilonya
Ito ay ikatlo sa isang serye ng pitong artikulo sa sunud-sunod na isyu ng “Gumising!” na tumatalakay sa ulat ng Bibliya tungkol sa pitong kapangyarihang pandaigdig. Layunin nito na ipakita na ang Bibliya ay nagmula sa Diyos at mapagkakatiwalaan at na ang mensahe nito ay isang pag-asa na matatapos na ang pagdurusang dulot ng malupit na pamamahala ng tao.
KAMANGHA-MANGHA ang sinaunang lunsod ng Babilonya na nasa matabang kapatagan, mga 80 kilometro sa timog ng Baghdad ngayon. Waring hindi ito mapapasok dahil sa napakataas at dobleng pader nito. Mayroon ding bambang sa palibot nito. Kilala ang lunsod na ito sa mariringal na templo, nakabiting mga hardin, at mga tore ng mga templo. Kamakailan, binansagan ang Babilonya bilang isa sa pinakadakilang lunsod sa sinaunang daigdig.
Sa Bibliya, tinawag itong “Ginang ng mga Kaharian.” (Isaias 47:5) Ito ang kabisera ng ikatlong kapangyarihang pandaigdig sa kasaysayan ng Bibliya. Gaya ng mga imperyo ng Ehipto at ng Asirya na nauna rito, may mahalagang papel ang Imperyo ng Babilonya sa kasaysayan ng Bibliya, anupat maikukumpara natin ang sinasabi ng Bibliya sa sinasabi ng sekular na mga reperensiya.
Tumpak na Ulat ng Kasaysayan
Sinasabi sa atin ng aklat ng Bibliya na Daniel na isang lalaking nagngangalang Belsasar ang naghari noon sa Babilonya. (Daniel 5:1) Pero sinabi noon ng ilang sekular na reperensiya na bagaman makapangyarihan si Belsasar, hindi siya naging hari. Mali ba ang ulat ng Bibliya? Nakahukay ang ilang arkeologo ng ilang silindrong luwad sa mga guho ng Ur sa Mesopotamia. Mababasa sa isang silindro ang isang inskripsiyong cuneiform tungkol sa dasal ng hari ng Babilonya na si Nabonido para kay “Bel-sar-ussur, [na kilala ring Belsasar] panganay kong anak.” Nakumpirma ng mga natuklasan kamakailan na si Belsasar ay “nagsilbing pinuno nang mahigit kalahati ng panahon ng pamamahala ng kaniyang ama, at sa panahong iyon, siya ang tumatayong hari,” ayon sa New Bible Dictionary.
Makikita rin sa kasaysayan na ang sinaunang Babilonya ay isang lunsod na napakarelihiyoso. Pangkaraniwan dito ang astrolohiya at panghuhula. Halimbawa, mababasa natin sa Ezekiel 21:21 na nagtanong sa manghuhula ang hari ng Babilonya para malaman kung dapat itong sumalakay sa Jerusalem. “Tumingin [ang hari] sa atay,” ang sabi ng Bibliya. Bakit? Ginagamit kasi noon ng mga Babilonyo ang atay kapag naghahanap ng palatandaan. Sinasabi ng aklat na Mesopotamian Astrology na sa isang lugar pa lang sa sinaunang Babilonya, nakahukay na ang mga arkeologo ng “32 replika ng atay [na luwad] na lahat ay naglalaman” ng mga palatandaan.
Sinabi minsan ng kilalang arkeologo na si Nelson Glueck: “Tatlumpung taon na akong naghuhukay na may hawak na Bibliya sa isang kamay at panghukay sa kabila, at pagdating sa kasaysayan, wala pa akong nakitang mali sa ulat ng Bibliya.”
Maaasahang mga Hula
Ano ang magiging reaksiyon mo kung may magsabi sa iyo na ang isang maunlad na kabisera—gaya ng Beijing, Moscow, o Washington, D.C.—ay magiging guho at hindi na paninirahan? Siguro hindi ka maniniwala. Pero iyan ang nangyari sa sinaunang Babilonya. Mga 200 taon patiuna, noong mga 732 B.C.E., ipinasulat ng Diyos na Jehova sa Hebreong propeta na si Isaias ang hula tungkol sa pagbagsak ng makapangyarihang Babilonya. Isinulat niya: “Ang Babilonya, ang kagayakan ng mga kaharian, . . . ay magiging gaya noong gibain ng Diyos ang Sodoma at Gomorra. Hindi siya kailanman tatahanan, ni mananahanan man siya sa sali’t salinlahi.”—Isaias 13:19, 20.
Pero bakit inihula ng Diyos ang pagbagsak ng Babilonya? Noong 607 B.C.E., winasak ng hukbo ng Babilonya ang Jerusalem at dinala sa Babilonya ang mga nakaligtas, kung saan sila pinagmalupitan. (Awit 137:8, 9) Inihula ng Diyos na kailangang danasin ng kaniyang bayan ang ganitong kalupitan sa loob ng 70 taon dahil sa kanilang masasamang gawa. Pagkatapos ay ililigtas sila ng Diyos at ibabalik sa kanilang lupain.—Jeremias 25:11; 29:10.
Gaya ng inihula ng Diyos, noong 539 B.C.E—sa pagtatapos ng 70-taóng pagkatapon ng mga Isaias 46:9, 10.
Judio—ang waring di-malulupig na lunsod ng Babilonya ay pinabagsak ng mga hukbo ng Medo-Persia. Di-nagtagal, ang lunsod ay naging bunton ng guho—gaya ng inihula. Walang sinumang tao ang makapanghuhula ng gayong tagumpay. Tiyak na ibang-iba ang Awtor ng Bibliya—ang tunay na Diyos, si Jehova—sa ibang diyos dahil sa kaniyang panghuhula, o pagsasabi ng mga mangyayari sa hinaharap.—Pangakong Tiyak na Matutupad
Pero may isa pang hula na kapansin-pansing natutupad sa panahon natin ngayon. Tungkol ito sa hari ng Babilonya na si Nabucodonosor at sa kaniyang panaginip hinggil sa isang pagkalaki-laking imahen. Ang katawan nito ay nahahati sa limang bahagi—ang ulo, ang dibdib at mga bisig, ang tiyan at mga hita, mga binti, at mga paa—na gawa sa iba’t ibang metal. (Daniel 2:31-33) Ang metal na mga bahaging ito ay kumakatawan sa magkakasunod na pamamahala, o mga kaharian, na nagsimula sa Babilonya hanggang sa Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano, ang ikapito sa ulat ng Bibliya.—Daniel 2:36-41.
Isiniwalat ni Daniel na may kapansin-pansing pagbabago sa materyales sa mga paa at daliri nito. Ano? Ang purong metal ay napalitan ng pinaghalong bakal at mamasa-masang luwad. Ipinaliwanag ni Daniel kay Nabucodonosor: “Samantalang nakita mo na ang bakal ay may halong mamasa-masang luwad, ang mga iyon ay Daniel 2:43) Oo, mahinang tambalan ang bakal at luwad; ito ay “hindi magkakadikit.” Ganiyang-ganiyan nga ang daigdig natin ngayon na nagkakabaha-bahagi sa pulitika!
mahahalo sa supling ng sangkatauhan; ngunit ang mga iyon ay hindi magkakadikit, ang isang ito at ang isang iyon, kung paanong ang bakal ay hindi humahalo sa hinulmang luwad.” (Isiniwalat din ni Daniel ang isa pang mahalagang pangyayari. Sa panaginip ni Haring Nabucodonosor, nakita niya ang isang bato na natibag mula sa isang malaking bundok. Ang batong ito ay itinaas at “tinamaan nito ang imahen sa mga paa nitong bakal at hinulmang luwad at dinurog ang mga iyon.” (Daniel 2:34) Ano ang ibig sabihin nito? Sinabi ni Daniel: “Sa mga araw ng mga haring iyon [sa panahon ng huling kapangyarihang pandaigdig] ay magtatatag ang Diyos ng langit ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kaharian ay hindi isasalin sa iba pang bayan. Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang ito, at iyon ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda.” (Daniel 2:44) Ang hulang iyan ay tumutukoy sa Kaharian na ibang-iba sa pamamahala na alam ng sangkatauhan. Ang Hari nito ay si Jesu-Kristo, ang Mesiyas. Gaya ng nabanggit na sa mga naunang artikulo sa seryeng ito, dudurugin ni Jesus si Satanas at ang mga tagasunod nito, tao man o espiritu. Kung gayon, magkakaroon ng kapayapaan at pagkakaisa sa buong uniberso.—1 Corinto 15:25.
[Blurb sa pahina 11]
“Tatlumpung taon na akong naghuhukay . . . , at pagdating sa kasaysayan, wala pa akong nakitang mali sa ulat ng Bibliya.”—Nelson Glueck
[Kahon sa pahina 12]
INIHULA ANG PANGALAN
Isa sa pinakakapansin-pansin sa hula hinggil sa pagbagsak ng Babilonya ay ang tungkol sa manlulupig nito na si Haring Ciro ng Persia. Halos dalawang siglo bago maging hari si Ciro, binanggit ng Diyos na Jehova ang kaniyang pangalan at inihula Niya na lulupigin nito ang Babilonya.
Kung tungkol sa gagawing panlulupig ni Ciro, ipinasulat kay Isaias: “Ito ang sinabi ni Jehova sa kaniyang pinahiran, kay Ciro, na ang kanang kamay ay hinawakan ko, upang manupil ng mga bansa sa harap niya, . . . upang buksan sa harap niya ang mga pinto na may dalawang pohas, nang sa gayon ay hindi maisara ang mga pintuang-daan.” Inihula rin ng Diyos na ang Ilog Eufrates ay, sa diwa, matutuyo.—Isaias 45:1-3; Jeremias 50:38.
Kinumpirma ng Griegong mga istoryador na sina Herodotus at Xenophon ang katuparan ng kahanga-hangang hulang ito. Sinabi nila na inilihis ni Ciro ang tubig sa Ilog Eufrates kaya bumabaw ang tubig nito. Dahil dito, nakapasok ang mga hukbo ni Ciro sa pintuang-daan, na naiwang bukas. Gaya ng inihula, ang makapangyarihang Babilonya ay “biglang bumagsak” sa isang gabi lang.—Jeremias 51:8.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 12, 13]
BABILONYANG DAKILA
Binabanggit sa aklat ng Bibliya na Apocalipsis ang tungkol sa simbolikong patutot na tinatawag na “Babilonyang Dakila.” (Apocalipsis 17:5) Saan ito lumalarawan? Ipinakikita ng mga katibayan na ito ay isang relihiyosong organisasyon.
Ang sinaunang Babilonya ay napakarelihiyosong lunsod, na may mahigit sa 50 templo para sa kanilang iba’t ibang diyos. Naniniwala ang mga Babilonyo sa mga tatluhang diyos. Naniniwala rin sila na pagkamatay ng isang tao, ang imortal na kaluluwa nito ay mapupunta sa madilim na daigdig ng mga patay. Doon, “ang pag-iral ng tao . . . ay miserable, at ito ay nakapanlulumong larawan ng buhay sa lupa,” ang sabi ng Funk & Wagnalls New Encyclopedia.
Nang maglaon, ang mga turong iyon ay lumaganap sa daigdig. Sa ngayon, ang mga ito o ang mga katulad nito ay itinuturo ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan. Ang mga relihiyong ito ang bumubuo sa malaking bahagi ng pandaigdig na relihiyosong organisasyon, ang Babilonyang Dakila!
[Mga larawan]
Sinamba ng mga Babilonyo ang mga tatluhang diyos. Makikita rito ang simbolo ng isa sa mga tatluhang diyos na ito—Sin, Shamash, at Ishtar
[Credit Line]
Both images: Photograph taken by courtesy of the British Museum
[Larawan sa pahina 10]
Iginuhit ng isang pintor ang sinaunang lunsod ng Babilonya
[Larawan sa pahina 11]
Silindrong luwad na naglalaman ng pangalang Belsasar
[Credit Line]
Photograph taken by courtesy of the British Museum
[Picture Credit Lines sa pahina 10]
Time line: Egyptian wall relief and bust of Nero: Photograph taken by courtesy of the British Museum; Persian wall relief: Musée du Louvre, Paris