Tulog—Gaano Ito Kahalaga?
Tulog—Gaano Ito Kahalaga?
● Ipinakikita ng kasalukuyang mga pag-aaral na ang karaniwang taga-Hilagang Amerika ay nakakatulog nang pito hanggang pito’t kalahating oras sa gabi. * Gaano kahalaga ang tulog? Sa pagtulog, nangyayari ang tinatawag na rapid eye movement, o panaginip kada 60 hanggang 90 minuto sa buong magdamag. Sa yugtong ito, aktibung-aktibo ang utak, at naniniwala ang mga mananaliksik na sa panahong iyon, may ginagawa itong ilang pag-aayos sa katawan. Sinasabi ng mga eksperto na kapag naputol ang tulog ng isa, malaki ang magiging epekto nito sa kaniyang katawan. Hindi na masyadong gagana ang kaniyang utak at madali na siyang tatablan ng mga sakit.
Maaaring pansamantalang pigilan ng mga substansiyang gaya ng caffeine ang chemical compound na nagpapaantok sa atin. Pero kung kulang sa tulog ang katawan, dinidiktahan ito ng utak na matulog. Ito ay tinatawag na microsleep. Ayon sa diyaryong The Toronto Star, “anuman ang ginagawa mo, ang iyong utak na kulang sa tulog ay manaka-nakang makakatulog sa pagitan ng sampung segundo hanggang sa mahigit isang minuto.” Isipin na nagmamaneho ka nang mga 48 kilometro kada oras at nakaidlip ka nang sampung segundo. Sa sandaling iyon, natakbo mo na ang mga 100 metro. Isa pa, kapag kulang ka sa tulog, hihina ang resistensiya mo. Sa panahon ng pagtulog, gumagawa ang katawan ng mga T cell na lumalaban sa mga organismong sanhi ng sakit. Sa pagtulog din naglalabas ang katawan ng hormon na leptin na kumokontrol sa ating ganang kumain. Maliwanag, kailangan ng katawan ng tulog kung paanong kailangan nito ng tamang ehersisyo at nutrisyon.
Nagkukulang ka na ba sa tulog dahil sa sobrang trabaho? Masyado ka bang nag-aalala sa araw-araw at sa iyong kinabukasan? Minsan ay sinabi ng matalinong haring si Solomon: “Matamis ang tulog ng isang naglilingkod, kaunti man o marami ang kaniyang kinakain; ngunit ang mayaman ay hindi pinatutulog ng kaniyang kasaganaan.”—Eclesiastes 5:12.
[Talababa]
^ par. 2 Tingnan ang “Kakulangan sa Tulog—Biktima Ka Ba?” sa Pebrero 8, 2004 isyu ng Gumising!