Bakit Gustung-gusto ng mga Tao ang Okultismo?
Bakit Gustung-gusto ng mga Tao ang Okultismo?
ANG sagot sa tanong na iyan ay nakadepende nang malaki kung saan nakatira ang isang tao, pati na sa kaniyang relihiyosong paniniwala at kinagisnang kultura. Bakit ba gustung-gusto ng mga tao sa inyong lugar ang okultismo? Baka isa sa mga ito ang dahilan:
● Pagiging mausisa Mahiwaga ang okultismo, at likas sa tao na mag-usisa sa mga bagay na mahiwaga. Kaya gustong malaman ng ilan kung saan nanggagaling ang kapangyarihan ng okultismo. Baka mag-eksperimento ang iba gamit ang Ouija board o magbasa ng horoscope para malaman kung magkakatotoo ang sinasabi nito. Ang ilan naman ay humihingi ng tulong para makausap ang mga patay o kaya’y sumasangguni sa isang psychic.
● Libangan Nitong nakalipas na mga taon, dumagsa ang mga aklat, pelikula, at computer games na nagtatampok ng okultismo at sinaunang pamahiin ng mga pagano. Ang ilan pa nga rito ay masyadong marahas at malaswa.
● Pagkabahala sa hinaharap Inihula ng Bibliya: “Sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Iba na talaga ang panahon sa ngayon. Kaya naman marami ang humihingi ng payo sa mga nagsasagawa ng okultismo, gaya ng mga astrologo, manghuhula, nagbabasa ng palad, at mga psychic. “Iyan ang isa sa mga negosyong hindi apektado ng pagbagsak ng ekonomiya,” ang sabi ng isang psychic. “Hindi naman sasangguni sa ’yo ang mga tao kapag masaya sila.” Ganito ang sinabi ng isang manghuhula sa Canada: “Bigla na lang akong nakakatanggap ng mga tawag sa mga propesyonal sa mundo ng negosyo. Pabulong silang tumatawag sa kanilang cellphone o pribadong linya sa opisina.” Dagdag pa niya: “Sila ’yung mga tao na dati ay walang bilib at nag-aalangang kumonsulta sa psychic.”
● Sakit Sa ilang lupain, karaniwan nang sa mga albularyong nagsasagawa ng okultismo lumalapit ang mga taong may malubhang sakit na ayaw nang magpagamot sa mga doktor. Maaaring isisi sa sumpa o kulam ang kanilang sakit. Para magamot ito, baka humingi ng tulong ang mga kaibigan o kapamilya ng maysakit sa isang mambabarang o sa isang nagsasagawa ng okultismo, na maaaring maningil nang malaki.
● Pananggalang at suwerte Sa ilang lugar sa Aprika, ang mga taganayon ay kumukuha ng isang upahang “propeta” mula sa simbahang karismatiko para palayasin ang masasamang espiritu sa komunidad. Kasama sa ginagawang mga ritwal ang pag-inom ng tinimplang mga sangkap at “agua bendita.” Sa ibang lugar naman, sumasangguni ang mga tao sa espiritista para suwertihin ang kanilang bagong bahay, o puntod pa nga, yamang naniniwala sila na ang espiritu ng mga patay ay makapagdadala ng suwerte.
● Proteksiyon sa mga bata Sa Papua New Guinea, hindi inilalabas ng mga ina ang kanilang bagong-silang na sanggol kung gabi. Bakit? Natatakot kasi silang saktan ito ng masasamang espiritu. Sa Uganda, nakaugalian ng mga ina na maglagay ng tali, kung minsan ay may mga beads at shell, sa pupulsuhan at sakong ng kanilang mga sanggol bilang proteksiyon.
● Pagkamatay ng mahal sa buhay Noong Digmaang Pandaigdig I, ang Britanong awtor na si Sir Arthur Conan Doyle ay namatayan ng anak, kapatid, bayaw, at pamangkin. Dahil gulung-gulo ang isip at desperado, sumangguni silang mag-asawa sa espiritista para makausap ang namatay nilang anak. Ginagawa rin iyan ng marami sa ngayon. Sa ilang lupain, itinuturo ng tradisyonal na mga relihiyon at ng diumano’y mga simbahang Kristiyano na ang kamatayan ay kagagawan ng galít na mga espiritu. Pinipilit nila ang mga
namatayan na magpagawa ng magagastos na ritwal para wala nang sumunod na mamatay sa kanilang lugar.● Pagkatakot sa patay Napakalaki ng impluwensiya sa mga tao ng mga paniniwala tungkol sa kamatayan. Kaya sa maraming lugar, nagsasagawa sila ng iba’t ibang ritwal para payapain ang mga patay o para “patunayan” ang pagmamahal nila sa mga ito. Kasama na rito ang pananakit sa sarili. Sa ilang isla sa Pasipiko, ang mga nabalo ay pinipilit magsuot ng itim na damit at magluksa nang maraming buwan habang nakakulong sa isang bahay kung saan bawal nilang kainin ang paboritong pagkain ng yumao. Kaya naman ang mga indibiduwal na ito ay nagiging sobrang lungkot o nagkakasakit sa gutom o namamatay pa nga.
Maliwanag, maraming dahilan kung bakit gustung-gusto ng mga tao ang okultismo. Kaya napakahalagang maunawaan natin kung saan talaga nagmula ang mga turo nito. Suriin natin ang Bibliya, ang tanging aklat na makapagpapaliwanag ng lahat tungkol sa okultismo.