Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong

Bakit Pinagbabawalan Akong Mag-enjoy ng mga Magulang Ko?

Bakit Pinagbabawalan Akong Mag-enjoy ng mga Magulang Ko?

Para kay Allison, * isang tin-edyer sa Australia, nakaka-stress ang Lunes ng umaga dahil iyon at iyon din ang nangyayari sa school.

“Pinag-uusapan ng lahat kung ano’ng ginawa nila n’ung weekend,” ang sabi niya. “Parang ang saya-saya nila, ikinukuwento nila kung ilang party ang napuntahan nila, at kung ilang guys ang nahalikan nila​—pati kung paano nila natakasan ang mga pulis . . . Parang nakakatakot, pero masaya! OK lang sa mga magulang nila kahit alas singko na ng umaga sila umuwi. Samantalang dapat tulog na ’ko bago pa sila gumimik!

“At pagkatapos nilang magkuwento, tatanungin naman nila ako kung ano’ng ginawa ko. Ano nga bang ginawa ko? Dumalo ako ng pulong. Nangaral ako. Pakiramdam ko, para akong napag-iwanan. Kaya sinasabi ko na lang sa kanila na wala akong ginawa. ’Tapos sasabihin nila na sana sumama na lang ako sa kanila.

“Kapag tapos na ang Lunes, ’kala ko wala nang problema. Hindi pa pala! ’Pag Martes na, pinag-uusapan naman nila kung ano’ng gagawin nila sa darating na weekend. Kaya makikinig na lang ako sa kanila at hindi kikibo. Talagang nakaka-out of place!”

GANIYAN din ba ang Lunes mo? Pakiramdam mo tuloy, ang saya-saya sa labas ng bahay pero ayaw kang palabasin ng mga magulang mo​—o para bang nasa amusement park ka pero ayaw ka namang pasakayin sa mga ride. Hindi naman sa gusto mong gawin ang lahat ng ginagawa ng mga kaedad mo. Gusto mo lang mag-enjoy paminsan-minsan. Halimbawa, alin sa mga ito ang gustung-gusto mong gawin ngayong weekend?

◯ magsayaw

◯ manood ng concert

◯ manood ng sine

◯ mag-party

◯ iba pa ․․․․․

Kailangan mong maglibang. (Eclesiastes 3:1, 4) Ang totoo, gusto ng iyong Maylalang na maging masaya ang iyong kabataan. (Eclesiastes 11:9) At sa maniwala ka man o hindi, iyan din ang gusto ng mga magulang mo. Pero malamang na gusto nilang matiyak ang dalawang bagay na ito: (1) kung ano ang gagawin mo at (2) kung sino ang mga kasama mo.

Kaya paano kung yayain ka ng mga kaibigan mo pero hindi mo alam kung papayag ang mga magulang mo? Kapag nagpapasiya, iminumungkahi ng Bibliya na pag-isipan mo ang iyong mga opsyon, mabuti man o masama, pati na ang magiging epekto ng mga ito. (Deuteronomio 32:29; Kawikaan 7:6-23) Ano ang mga opsyon mo kapag niyaya ka ng mga kaibigan mo?

OPSYON A: HUWAG MAGPAALAM​—BASTA SUMAMA NA LANG.

Kung bakit gusto mo itong gawin: Gusto mong magpasikat sa mga kaibigan mo at ipakitang independent ka. Iniisip mong mas marunong ka sa iyong mga magulang, o hindi ka gaanong bilib sa pagdedesisyon nila.​—Kawikaan 15:5.

Ang posibleng epekto: Iisipin ng mga kaibigan mo na kaya mo palang magsinungaling. Kung kaya mo itong gawin sa iyong mga magulang, baka gawin mo rin ito sa kanila. At kapag nabisto ka ng mga magulang mo, masasaktan sila dahil niloko mo sila. Kaya malamang na maging grounded ka! Maling-mali na sumuway sa iyong mga magulang at basta na lang sumama sa mga kaibigan mo.​—Kawikaan 12:15.

OPSYON B: HUWAG MAGPAALAM​—HUWAG SUMAMA.

Kung bakit gusto mo itong gawin: Napag-isipan mo ang paanyaya sa iyo, pero sa tingin mo, labag sa mga prinsipyo mo ang gagawin ninyo o baka hindi mabubuting kasama ang ilang naroroon. (1 Corinto 15:33; Filipos 4:8) O baka naman gusto mong sumama pero wala kang lakas ng loob na magpaalam sa mga magulang mo.

Ang posibleng epekto: Kung hindi ka sasama dahil sa tingin mo ay mali ito, mas madali sa iyo na mangatuwiran sa mga kaibigan mo. Pero kung hindi ka sasama dahil wala ka lang lakas ng loob na magpaalam, baka magmukmok ka sa bahay at maawa sa sarili mo.

OPSYON C: MAGPAALAM​—AT TINGNAN KUNG PAPAYAGAN KA.

Kung bakit gusto mo itong gawin: Kinikilala mo ang awtoridad ng iyong mga magulang at iginagalang mo ang kanilang desisyon. (Colosas 3:20) Mahal mo sila at alam mong masasaktan sila kung palihim kang sasama sa mga kaibigan mo. (Kawikaan 10:1) Kung magpapaalam ka, may pagkakataon ka ring magpaliwanag.

Ang posibleng epekto: Mararamdaman ng mga magulang mo na mahal mo sila at iginagalang. At kung sa tingin nila ay makatuwiran naman ang paalam mo, baka payagan ka nila.

Kung Bakit Hindi Ka Nila Papayagan

Paano naman kung hindi ka payagan ng iyong mga magulang? Baka sumamâ ang loob mo. Pero kung maiintindihan mo ang dahilan nila, mas madaling tanggapin ang kanilang desisyon. Halimbawa, baka iyon ay dahil sa mga sumusunod:

Mas marunong sila at makaranasan. Kung magsu-swimming ka, malamang na mas gusto mo sa beach na may mga lifeguard. Bakit? Dahil kapag nag-e-enjoy ka na, hindi mo mapapansin ang panganib. Pero mas madali itong makita ng mga lifeguard.

Sa katulad na paraan, dahil mas marunong at makaranasan ang mga magulang mo, mas nakikita nila ang mga panganib. Tulad ng mga lifeguard sa beach, gusto nilang mag-enjoy ka, at kasabay nito, makaiwas din sa mga panganib na makasisira ng kaligayahan mo sa buhay.

Mahal ka nila. Gusto kang protektahan ng mga magulang mo. Hangga’t maaari, gusto ka nilang pagbigyan dahil mahal ka nila. Kapag nagpaalam ka sa kanila, nag-iisip din sila kung puwede ka nilang pagbigyan at kung kaya nilang tanggapin ang kahihinatnan nito. Papayag lang sila kung natitiyak nilang hindi ka mapapahamak.

Kulang sila sa impormasyon. Nag-iingat ang mga magulang mo. Kung hindi nila naiintindihan ang paalam mo, o sa tingin nila ay hindi mo sinabi sa kanila ang importanteng mga detalye, malamang na hindi ka nila payagan.

Kung Paano Mo Sila Mapapapayag

Apat na bagay ang kailangan.

Maging tapat: Una, dapat kang maging tapat sa sarili mo. Itanong sa sarili: ‘Bakit ko ba gustung-gustong sumama? Dahil ba sa iyon talaga ang gusto kong gawin, o gusto ko lang maging “in” sa mga kaibigan ko? O baka naman dahil nandun ang crush ko?’ Maging tapat ka rin sa mga magulang mo. Dumaan din sila riyan, at kilalang-kilala ka nila. Kaya malamang na alam nila kung bakit mo gustong sumama. Matutuwa sila kung magsasabi ka ng totoo, at matututo ka mula sa kanila. (Kawikaan 7:1, 2) Pero kung magsisinungaling ka, mawawalan sila ng tiwala sa iyo at lalo kang mahihirapang mapapayag sila.

Tamang panahon: Huwag kulitin ang iyong mga magulang kapag kauuwi lang nila mula sa trabaho o kapag may importante silang ginagawa. Magpaalam kapag mas relaks na sila. Pero huwag silang apurahin. Ayaw ng mga magulang mo na minamadali sila sa pagdedesisyon. Pahahalagahan nila kung magpapaalam ka nang maaga.

Maging espesipiko: Huwag maglihim. Ipaliwanag sa kanila kung ano talaga ang gusto mong gawin. Ayaw ng mga magulang ang sagot na “Hindi ko po alam,” lalo na kapag itinatanong nila: “Sino’ng mga kasama mo?” “May kasama ba kayong matanda?” o “Anong oras kayo uuwi?”

Saloobin: Huwag ituring na killjoy ang mga magulang mo. Isipin mong kakampi mo sila​—dahil kakampi mo naman talaga sila. Kung gagawin mo iyan, hindi ka magtitinging palaban at mas malamang na pumayag sila. Kung hindi naman sila pumayag, magalang na itanong kung bakit. Halimbawa, kung ayaw ka nilang payagan sa isang concert, alamin mo ang dahilan. Pinuproblema ba nila kung sino ang magpe-perform? saan ito gaganapin? sino ang mga kasama mo? magkano ang tiket? Huwag sabihin, “Wala kayong tiwala sa akin,” “Pero pupunta po lahat ng kaibigan ko,” o “Bakit po ’yung mga kaibigan ko pinayagan?” Ipakita sa iyong mga magulang na nauunawaan at iginagalang mo ang kanilang desisyon. Sa gayon, igagalang ka rin nila. At sa susunod na magpaalam ka, mas malamang na pumayag sila.

Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Young People Ask” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/ype

[Talababa]

^ par. 3 Binago ang pangalan.

[Kahon/Larawan sa pahina 11]

“Tiwala sa ’kin ang mga magulang ko dahil napatunayan nilang responsable ako. Kilala nila ang mga kaibigan ko. Hindi rin ako takót umalis sa isang party kapag hindi ko na gusto ang nangyayari doon.”

[Larawan]

Kimberly

[Kahon sa pahina 12]

TANUNGIN ANG MGA MAGULANG MO

Gusto mo bang malaman kung ano ang masasabi ng iyong mga magulang tungkol sa mga bagay na tinalakay sa artikulong ito? Bakit hindi mo sila tanungin? Pumili ng tamang panahon para ipakipag-usap sa kanila ang tungkol dito. Isulat sa ibaba ang mga gusto mong itanong sa kanila.

․․․․․

[Larawan sa pahina 12]

Tulad ng mga lifeguard sa beach, mas nakikita ng mga magulang mo ang panganib at mabibigyan ka nila ng babala