Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Wala pang 25 porsiyento ng mga Aleman na edad 39 pababa ang pabor sa pagdarasal araw-araw kasama ng mga anak, at sa mga miyembro ng simbahan, 4 lang sa 10 ang nagsasabing importante ito.—APOTHEKEN UMSCHAU, ALEMANYA.
Isang sperm donor na may di-matukoy na problema sa gene na may kinalaman sa sakit sa puso ang nagpamana ng sakit na ito sa 9 sa 24 na batang naging anak niya. Isa sa mga ito ang namatay sa edad na dalawa.—JAMA, E.U.A.
“Mahigit 50% ng mga Ruso ang naniniwala na ang kurapsyon ay normal na bahagi ng buhay ng tao.”—RIA NOVOSTI, RUSSIA.
Iilan Lang ang Tunay na Kaibigan
“Ang karaniwang Britano ay mayroon lang tatlong tunay na kaibigan na kaniyang mapagkakatiwalaan,” ang sabi ng The Daily Telegraph ng London. Ayon sa isang pag-aaral, ang mga dahilan kung bakit nawawalan ng kontak ang isang karaniwang tao “sa mga 36 niyang kaibigan sa paglipas ng mga taon” ay ang “napakaabalang buhay,” ‘basta na lang nagkalayo,’ at sa kaso ng 43 porsiyento ng mga sinurbey, “di-pagkakasundo . . . at hindi na pakikipag-ayos pang muli.” Halos 20 porsiyento ng sinurbey ang naghihinga ng kanilang problema sa mga katrabaho, dahil “wala na silang ibang mahihingan ng payo.” Sinabi ng tagapagsalita ng mga nagsurbey: “Hindi talaga ganun kadali para pagkatiwalaan ng iba.”
Hi-tech na Pagpupuslit ng Droga
Sobrang hi-tech na ang mga taga-Colombia na nagpupuslit ng cocaine sa Sentral Amerika, Mexico, at Estados Unidos. Mula 1993, mga 42 hi-tech na bangkang nagpupuslit ng droga ang nasabat ng mga awtoridad sa Colombia. Natuklasan din nila kung saan-saan ginagawa ang mga bangkang ito. Ang mga ito ay pinatatakbo ng diesel at hindi kayang pumailalim sa dagat, pero hiráp pa rin itong madetek ng radar. Kaya nitong maglakbay nang hanggang 3,200 kilometro at kaya ring maglulan ng anim hanggang sampung tonelada ng mga kontrabando. Malamang na mga $1 milyon (U.S.) ang halaga ng bawat bangka.
Pakinabang ng Pagkaing Sama-sama ng Pamilya
Sa isang surbey sa Finland kamakailan, wala pang kalahati sa mga kabataang 14 hanggang 16 anyos ang kumakain kasama ng kanilang pamilya. Ipinakikita nito na sa maraming tahanan, talagang walang inihahandang pagkain sa hapag-kainan. Pero ang totoo, sabik na sabik dito ang mga kabataan. Nang tanungin kung ano ang kailangan nila sa kanilang mga magulang, malinaw ang sagot: “Bagong-lutong pagkain, makasalo ang pamilya, at mga taong makikinig at may oras sa ’yo,” ayon sa pahayagang Helsingin Sanomat. Ang pagkaing sama-sama ng pamilya ay may malaking epekto sa mental na kalusugan ng mga anak. Ayon sa artikulong iyon, “ang mga anak na nakakasalo ng pamilya sa pagkain ay karaniwan nang mahusay sa klase, hindi naninigarilyo, umiinom, o nagdodroga, at hindi madaling madepres.”