Punô ng Pagpapala ang Buhay Ko
Punô ng Pagpapala ang Buhay Ko
Ayon sa salaysay ni Herawati Neuhardt
Isinilang ako sa Indonesia, sa lunsod ng Cirebon na kilalá sa makulay na tela nito na tinatawag na batik. Ang batik ay tinitina ng matitingkad na kulay at may mga disenyong gawa ng kamay. Ang buhay ko bilang misyonera ay parang batik—makulay at pinagyaman ng iba’t ibang kultura sa Timog-Silangang Asia at sa Timog Pasipiko. Narito ang aking kuwento.
NOONG 1962, nang ako’y sampung taóng gulang, nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova ang nanay ko. Siya at ang tatay ko ay parehong Tsino na ipinanganak sa Indonesia. Nang maglaon, sila at ang lima sa kanilang mga anak, kasama na ako, ay naging mga Saksi.
Laging bukás ang aming tahanan sa mga misyonero at mga naglalakbay na tagapangasiwang dumadalaw para patibayin sa espirituwal ang aming kongregasyon. Talagang humanga ako sa kanilang halimbawa at mga karanasan. Kaya naman noong 19 na ako, ipinasiya kong maging isang buong-panahong ministro. Pagkaraan nang mga isang taon, nagpakasal kami ni Josef Neuhardt, isang misyonerong Aleman na dumating sa Indonesia noong 1968. Pagkatapos ng aming honeymoon, lumipat kami sa Sumatra, ang ikalawang pinakamalaki sa mahigit na 17,000 isla ng Indonesia. Sinamahan ko roon si Josef na dumadalaw bilang naglalakbay na tagapangasiwa sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova.
Pangangaral sa Sumatra
Ang sakop ng aming sirkito, o iniatas na teritoryo, ay mula sa mainit at abaláng lunsod ng Padang, sa West Sumatra, hanggang sa magandang Lawa ng Toba, isang lawa sa bulkan na nasa bulubundukin ng North Sumatra. Nang maglaon, inatasan kaming dumalaw sa timugang bahagi ng isla. Sakay ng aming lumang Volkswagen Beetle, naglakbay kami sa lubak-lubak na mga daan sa gubat, tumawid sa mabubuway na tulay na gawa sa mga puno ng niyog, at lumibot sa paanan ng nagtataasang mga bulkan na ang ilan ay tulóg at ang iba ay aktibo. Natutulog kami sa lapag ng mga kubong walang kuryente, tubig, o banyo. Naliligo kami at naglalaba sa mga lawa at ilog. Simple lang ang buhay namin, pero mahal namin ang mga tagaroon. Pinatutuloy nila kami at pinakakain, at marami ang nagkainteres sa Bibliya.
Sa Padang, nagulat at natuwa ang mga Minangkabau, na karaniwa’y mga Muslim, nang ipakita namin mula sa Bibliya na ang Diyos ay Deuteronomio 6:4) Marami ang tumanggap ng mga magasing Bantayan at Gumising!, at may ilang interesado na sumulong sa espirituwal. Sa Lawa ng Toba, alam ng mga Batak, na karaniwa’y nag-aangking Kristiyano, ang pangalan ng Diyos na Jehova, dahil nabasa nila ito sa kanilang Bibliyang Batak. (Awit 83:18) Pero kailangan pa nilang maunawaan nang higit ang tungkol sa Diyos at sa kaniyang layunin para sa mga tao. Marami sa kanila ang tumanggap ng pag-aaral sa Bibliya at naging masisigasig na Kristiyanong ebanghelisador.
iisa at hindi isang Trinidad, gaya ng turo ng mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan. (Pagpapatotoo sa Java
Noong 1973, kami ni Josef ay inatasan sa Java, isang isla na kalahati ng laki ng Gran Britanya at may mahigit 80 milyong populasyon. * Nangaral kami sa mga Javanese, Sundanese, at Tsino.
Dahil ako’y Tsino na taga-Indonesia, marami akong alam na wika, gaya ng Javanese, Sundanese, at Indones, pati na ang Ingles. Kaya naman nasiyahan akong makausap ang maraming tao tungkol sa Bibliya sa kanilang sariling wika.
Sa Jakarta, na kabisera ng Indonesia at nasa isla ng Java, ibinahagi ko sa isang malungkot na 19-anyos na dalaga ang pag-asang buhay na walang hanggan sa Paraisong lupa. Napaiyak siya habang nagbabasa ako ng Bibliya. “Salamat po at itinuro n’yo sa ’kin ang mga bagay na ito, Auntie,” ang sabi niya, gamit ang katawagang may pagmamahal at respeto. Sabi pa niya: “Kailangan ko po bukas ng karagdagang 1.5 milyong rupiah [$160, U.S.] na pambayad sa university, kaya iniisip ko po sanang ipagbili ang aking pagkabirhen. Bago kayo dumating, nagdadasal po ako dahil hindi ko alam ang aking gagawin. Ngayon, alam ko na. Hihinto muna po ako sa pag-aaral para hindi ako magkasala.” Tumanggap pa ng karagdagang espirituwal na tulong ang dalagang ito.
Mula noon, marami pang Javanese, pati na mga Sundanese at Tsino, ang nagbagong-buhay ayon sa mga pamantayan ng Salita ng Diyos. Kaya naman nagkaroon sila ng tunay na kaligayahan at kapayapaan ng isip, gaya ng ipinangako ng Diyos.—Isaias 48:17, 18.
Ang Kalimantan—Tahanan ng mga Dayak
Mula sa Java, lumipat naman kami ni Josef sa Kalimantan. Ang Kalimantan ay probinsiya ng Indonesia at nasa Borneo, na ikatlong pinakamalaking isla sa daigdig (kasunod ng Greenland at New Guinea). Ang Borneo ay may makakapal
na kagubatan, matatarik at mababatong kabundukan, at malalaking ilog. Tahanan ito ng mga Tsino, mga Malay na Muslim, at ng mga katutubong Dayak, na karaniwa’y mga tagailog at dating mga mamumugot ng ulo.Para marating ang liblib na komunidad ng mga Dayak, kadalasa’y namamangka kami sa mga ilog sa gitna ng masusukal na kagubatan. Dito, nagbibilad sa pampang ang mga buwaya, nakatingin sa amin ang mga unggoy na nasa mga puno, at nagpapasikat ang makukulay na ibon. Talaga ngang kapana-panabik ang buhay-misyonero!
Karamihan sa mga Dayak ay nakatira sa mga kubong nakaangat sa lupa at yari sa materyales na galing sa gubat. Maliliit ang ilang kubo samantalang ang iba ay mahahabang bahay na tinitirahan ng maraming pamilya. Marami sa kanila ang hindi pa nakakakita ng Europeo, kaya gustung-gusto nilang makita si Josef. Nagtatatakbo sa nayon ang mga bata at sumisigaw, “Pastor! Pastor!” Pagkatapos ay dumaragsa ang lahat para pakinggan ang ministrong puti. Nagsasalita si Josef at isinasalin naman ito ng mga Saksing tagaroon. Isinasaayos din nila ang mga pag-aaral sa Bibliya ng mga taong interesado.
Biyaheng Papua New Guinea
Dahil sa tumitinding pagsalansang ng ibang mga relihiyon, ipinagbawal ng pamahalaan ng Indonesia ang mga Saksi ni Jehova noong Disyembre 1976. Kaya naman, kami ni Josef ay inatasan sa Papua New Guinea.
Pagdating namin sa kabisera, ang Port Moresby, sumailalim kami sa dalawang-buwang kurso para sa pag-aaral ng Hiri Motu, isang lokal na wikang ginagamit sa kalakalan. Pagkatapos ay lumipat kami sa Daru, isang maliit na isla sa isang liblib na probinsiya sa kanluran. Doon ko nakilala si Eunice, isang babaing madaling makagaanan ng loob kahit siya’y malaki, malakas, at may mga ngiping mapula’t maitim dahil sa matagal na pagnguya ng nganga. Nang matutuhan ni Eunice na gusto ng Diyos na ang Kaniyang mga lingkod ay maging malinis sa pisikal, pati na sa moral at espirituwal, inihinto niya ang kaniyang bisyo at naging tapat na Kristiyano. (2 Corinto 7:1) Sa tuwing nakakakita kami ni Josef ng mga taong handang magbago dahil sa katotohanan ng Bibliya, lalo naming napahahalagahan ang sinasabi sa Awit 34:8: “Tikman ninyo at tingnan na si Jehova ay mabuti.”
Muling inatasan si Josef bilang naglalakbay na tagapangasiwa. Halos nadalaw namin ang bawat sulok ng Papua New Guinea, isang bansang may mga 820 wika. Para mas maraming makausap, nag-aral kami ng isa pa sa mga wikang iyon, ang Tok Pisin, na pinakakaraniwan doon. Para marating ang iba’t ibang bayan at nayon, kami ay naglakad at sumakay ng kotse, bangka, at maliit na eroplano. Tiniis din namin ang napakatinding init, mga lamok, at pabalik-balik na malarya.
Noong 1985, tumanggap kami ng bagong atas bilang mga misyonero—sa Solomon Islands, na nasa silangan ng Papua New Guinea. Doon ay nagtrabaho kami sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova at naglakbay sa buong kapuluan para patibayin ang mga kongregasyon at daluhan ang mga asambleang Kristiyano. Kinailangan na naman naming mag-aral ng wika, ang Solomon Islands Pidgin. Pero sulit dahil napakasayang makipag-usap sa mga taga-Solomon Islands na mapagpahalaga sa Bibliya!
Ang Pinakamalungkot Kong Paglalakbay
Noong 2001, inalis ang pagbabawal sa mga Saksi ni Jehova sa Indonesia kung kaya bumalik kami ni Josef sa Jakarta. Pero di-nagtagal pagkatapos nito, natuklasan na ang mahal kong asawa ay may malignant melanoma, isang agresibong uri ng kanser sa balat. Umuwi kami ni Josef sa kaniyang bansang Alemanya para magpagamot. Pero noong 2005, sa ika-33 anibersaryo ng aming kasal, si Josef ay natulog sa kamatayan, na naghihintay ng pagkabuhay-muli sa Paraisong bagong sanlibutan. (Juan 11:11-14) Siya ay 62 anyos noon at nakagugol ng 40 taon sa buong-panahong ministeryo.
Nanatili ako sa Jakarta at naglilingkod pa rin bilang misyonera. Nangungulila pa rin ako kay Josef. Pero nakakatulong sa akin ang pagtuturo ng Salita ng Diyos sa iba dahil ito ang nagbibigay ng kahulugan at layunin sa buhay ko. Talagang masasabi kong binigyan ako ni Jehova ng makulay na buhay na punô ng pagpapala.
[Talababa]
^ par. 10 Sa ngayon, ang populasyon ng Java ay mahigit 120 milyon.
[Mapa sa pahina 25]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
INDONESIA
Java
JAKARTA
Cirebon
Sumatra
Padang
Lawa ng Toba
Borneo
PAPUA NEW GUINEA
PORT MORESBY
Daru
SOLOMON ISLANDS
[Larawan sa pahina 26]
Si Herawati kasama ang mga inaaralan niya ng Bibliya sa Solomon Islands
[Larawan sa pahina 26]
Kasama ni Josef sa Holland, bago siya namatay noong 2005