Safety Tips Para sa mga May-edad
Safety Tips Para sa mga May-edad
ISANG bata ang nakikipaghabulan sa kaniyang mga kalaro. Mayamaya, nadapa siya, pero agad siyang nakatayo at nagtatatakbo na naman. Hindi man lang niya ininda ang pagkadapa. Samantala, isang may-edad na babae ang nadulas sa bahay at nabalian ng balakang. Inoperahan siya at gumugol ng maraming buwan sa kaniyang therapy. Sa takot na madulas uli, ayaw na niyang magkikilos kaya lalo tuloy siyang nanghina.
Sa isang bansa sa Kanluran, mahigit sangkatlo ng mga edad 65 pataas ang nadudulas o nadadapa taun-taon. At ito ang pangunahing sanhi ng kamatayang dulot ng aksidente para sa mga nasa ganiyang edad. Kaya ganito ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga may-edad: “Natatakot sila dahil lamang sa kataasan, at may mga kakilabutan sa daan.”—Eclesiastes 12:5.
Bagaman maraming hamon ang kaakibat ng pagtanda, may magagawa ka naman para maging mas ligtas at mas masaya ang iyong buhay. Halimbawa, maaari mong pagsikapang manatiling malusog at malakas. Puwede mo ring gawing mas ligtas ang iyong tahanan.
Manatiling Malusog at Malakas
Habang nagkakaedad tayo, bumabagal ang koordinasyon ng ating katawan, lumalabo ang ating paningin, at nawawala ang ating panimbang. Nananakit na rin ang ating mga kalamnan at rumurupok ang mga buto. Pero makatutulong ang regular na ehersisyo at tamang pagkain. “Mahalaga ang mga ehersisyo para sa panimbang, tindig, lakas, at pagkilos,” sabi ni Nita, isang physical therapist.
Ganito ang sabi ng isang publikasyon ng U.S. Department of Health and Human Services: “Gaano man sila kalusog o kalakas, makabubuti sa mga may-edad kung mananatili silang aktibo. Kahit hirap kang tumayo o maglakad, makikinabang ka pa rin sa pag-eehersisyo. Ang totoo, kadalasan nang mas makakasamâ sa iyo kung wala kang ginagawa.” * Makatutulong ang ehersisyo para maiwasan ang sakit sa puso at kasukasuan, osteoporosis, at depresyon. Mapabubuti nito ang sirkulasyon ng dugo, panunaw, at pagtulog. Magiging mas alerto ka rin at may kumpiyansa sa sarili.
Kung hindi ka nag-eehersisyo, kumonsulta muna sa iyong doktor bago mo ito gawin. At kung mahilo ka o manakit ang dibdib mo kapag nag-eehersisyo, sabihin ito sa kaniya. Sa katunayan, kapag nakaramdam ka ng ganito, makabubuting tumawag sa mga emergency
hotline. Huwag balewalain ang mga sintomas na ito! Iminumungkahi rin na patingnan mo sa doktor ang iyong mga mata taun-taon.Iwasan ang mga pagkaing madaling ihanda pero kulang sa sustansiya. Kailangan ng mga may-edad ang pagkaing sagana sa vitamin D at kalsyum na parehong nakatutulong para manatiling malakas ang buto o mapabagal man lang ang pagrupok nito. Kaya kumain ng mga whole grain, low-fat dairy product, at sariwang prutas at gulay. Kumonsulta rin sa iyong doktor bago baguhin ang iyong diyeta. Masasabi niya sa iyo kung ano ang puwede at hindi mo puwedeng kainin depende sa iyong kondisyon.
Laging uminom ng tubig. Ang dehydration ay karaniwang problema ng mga may-edad, lalo na ng mga nagsosolo o nakatira sa nursing home. Dahil dito, mas madali silang madulas o madapa, malito, at maimpeksiyon. Nahihirapan din silang dumumi, nangungulubot ang balat, at namamatay pa nga.
Gawing Mas Ligtas ang Iyong Tahanan
Kadalasan nang sa bahay nadudulas o nadadapa ang mga may-edad. Pero maiiwasan ito kung gagawa ka ng ilang praktikal na hakbang. Isipin ang bahay mo habang binabasa ang sumusunod.
Banyo:
● Dapat na hindi madulas ang sahig kahit basâ.
● Hindi dapat madulas ang sahig ng paliguan o ng bathtub. Kung naliligo ka nang nakaupo, dapat na madaling maabot ang pihitan ng shower o gripo. Mas maganda rin kung mayroon kang nahahawakang showerhead para hindi ka na patayu-tayo.
● Makabubuti kung may makakapitan ka sa banyo o kubeta. Dapat na matibay ang mga ito. Tiyakin din na tama ang taas ng inidoro para hindi ka mahirapan sa pag-upo at pagtayo.
● Mag-iwan ng bukás na ilaw sa gabi o gumamit ng flashlight.
Hagdanan:
● Dapat na ito ay masinop, maayos, at may sapat na ilaw.
● Hangga’t maaari, dapat na mayroon itong matitibay na hawakan sa magkabilang panig. Maglagay rin ng mga nonslip strip sa bawat baytang at mga switch ng ilaw sa magkabilang dulo.
● Ang pag-akyat-baba sa hagdanan ay nagpapalakas ng binti ng mga may-edad. Pero kung mayroon kang problema sa panimbang, huwag umakyat o bumaba nang mag-isa.
Silid-Tulugan:
● Maglaan ng sapat na espasyo sa palibot ng kama at iba pang muwebles.
● Maglagay ng upuan na magagamit habang nagbibihis.
● Maglagay ng lampshade o flashlight na abót mo kahit nakahiga ka.
Kusina:
● Panatilihing masinop ang mga patungan sa may lababo para may mapagpatungan ka ng iyong mga pinamili at iba pang bagay.
● Ang sahig ay hindi dapat madulas at nakakasilaw.
● Dapat na madaling maabot ang mga kabinet sa kusina. Iwasang gumamit ng mga hagdan at tuntungan, at huwag na huwag tumuntong sa upuan.
Karagdagang Paalaala:
● Mag-iwan ng bukás na ilaw papunta sa banyo at iba pang parte ng bahay na pinupuntahan mo sa gabi.
● Makatutulong kung gagamit ka ng baston o walker sa gabi, lalo na kung inaantok ka.
● Ang iyong mga upuan ay dapat na hindi mabuway (walang gulong), may patungan ng braso, at tama ang taas.
● Para maiwasan ang pagkatalisod, ayusin, palitan, o alisin ang sirang karpet, tuklap na linoleum,
o baság na tiles. Ilagay ang mga kurdon ng kuryente sa mga gilid at huwag sa daanan.● Iwasang maglagay ng maliliit na rug sa ibabaw ng karpet dahil puwede itong makatalisod. Kung ilalagay naman ito sa ibabaw ng tiles o kahoy, dapat na nakapirme ang mga ito.
● Huwag gumamit ng tsinelas na maluwag, sira, madulas, o bukás ang likod. Huwag ding magsuot ng sandalyas o sapatos na mataas ang takong.
● May mga gamot na nakakahilo. Kapag nahilo ka pagkatapos uminom ng isang gamot, sabihin ito sa iyong doktor. Baka baguhin niya ang dosis o ang gamot mismo.
Kung may napansin kang dapat ayusin na hindi mo kayang gawin, magpatulong sa mga kapamilya, kaibigan, o sa mga nangangalaga ng gusali. Huwag itong ipagpaliban.
Kung Ano ang Magagawa ng Iba
Kung mayroon kang may-edad na mga magulang, lolo’t lola, o mga kaibigan, ano ang magagawa mo para makaiwas sila sa pagkadulas o pagkadapa? Puwede mong ipakipag-usap sa kanila ang mga nabanggit na at tulungan silang ayusin ang mga problema. Kung kailangan, maaari mo silang ipagluto nang isa o dalawang beses linggu-linggo. Kailangan din ng mga may-edad ang regular na ehersisyo. Para makapaglakad-lakad sila, puwede mo ba silang isama sa iyong pupuntahan? Maraming may-edad ang gustong lumabas ng bahay kung mayroon silang mapagkakatiwalaang kasama. Sa ilang bansa, ang gobyerno ay nagbibigay ng tulong gaya ng home nursing, physical o occupational therapy, at home safety. Alam ng iyong doktor ang tungkol sa mga serbisyong ito.
Ang ating Maylalang, na tinatawag na “Sinauna sa mga Araw,” ay humihiling na magpakita tayo ng paggalang sa mga may-edad, lalo na sa ating mga magulang. (Daniel 7:9) Iniutos niya: “Parangalan mo ang iyong ama at ang iyong ina.” (Exodo 20:12) Itinagubilin din niya: “Sa harap ng may uban ay titindig ka, at pakukundanganan mo ang pagkatao ng isang matanda, at matakot ka sa iyong Diyos.” (Levitico 19:32) Oo, kapag nagpapakita tayo ng paggalang sa mga may-edad, ipinakikita natin na may takot tayo sa Diyos. At kung pinahahalagahan naman ng mga may-edad ang tulong na tinatanggap nila, lalo silang igagalang at tutulungan ng iba. Hindi pabigat ang pagtulong sa mga may-edad. Dapat na malugod nating gawin ito!
[Talababa]
^ par. 7 Ipinaliliwanag ng isyu ng Gumising!, Mayo 22, 2005, ang mga pakinabang ng regular na pag-eehersisyo.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 15]
TULONG SA ISANG PINDOT LANG
Sa ilang bansa, ang mga senior citizen ay puwedeng makakuha ng isang maliit na gadyet na magagamit sa panahon ng emergency. Halimbawa, kapag nadulas sila o nadapa, makahihingi agad sila ng tulong sa isang pindot lang. Ang mga gadyet na ito ay ikinukuwintas o ikinakabit sa pupulsuhan. Kung mayroon nito sa inyong lugar, magandang samantalahin ang serbisyong ito, lalo na kung nag-iisa ka sa bahay.