Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maging Mas Malusog!

Maging Mas Malusog!

NATATANDAAN mo pa ba si Ram na nabanggit sa unang artikulo ng seryeng ito? Gaya ng maraming tao sa daigdig, hindi alam ni Ram kung gaano kahalaga sa kalusugan ang tamang pagkain at iba pang pang-araw-araw na gawain. Sinabi niya: “Ang artikulo sa Gumising! na ‘Masustansiyang mga Pagkain na Madali Mong Makukuha’ (Mayo 8, 2002) ay nakatulong sa akin na maging palaisip sa nutrisyon.”

Ipinaliwanag pa ni Ram: “Sinikap ng aming pamilya na sundin ang natutuhan namin sa artikulo. Nang maglaon, lumakas ang aming resistensiya. Noong hindi pa kami nag-iingat sa pagkain, lagi kaming sinisipon. Natutuhan din namin ang madali at matipid na paraan sa pagkuha ng malinis na tubig na maiinom, salamat sa artikulo sa Gumising! na ‘Anim na Paraan Upang Ingatan ang Iyong Kalusugan.’”​—Setyembre 22, 2003.

“Ang isa pang artikulo sa Gumising! na nakatulong sa amin ay pinamagatang ‘Sabon​—Isang “Pambakuna sa Sarili,”’ sa isyu ng Nobyembre 22, 2003. Sinunod namin agad ang mga mungkahi sa artikulong ito pagkabasa namin. Ngayon, hindi na kami nagkakaroon ng impeksiyon sa mata na kasindalas nang dati.

“Sa aming lugar, pinababayaan lang ng mga tao ang napakaraming langaw at lamok. Pero natutuhan ng aming pamilya sa video na The Bible​—Its Power in Your Life, * na dapat mag-ingat sa mga iyon. Nakatulong din sa amin ang kaalamang ito para manatiling malusog.”

Huwag sumuko! Anumang pagbabago ang kailangan mong gawin, makabubuting magsimula nang unti-unti at huwag magtakda ng di-makatuwirang mga tunguhin. Halimbawa, bawasan muna ang mga pagkaing di-nakapagpapalusog sa halip na tuluyang iwasan ang mga ito. Sikaping matulog nang mas maaga at dagdagan pa nang kaunti ang iyong pag-eehersisyo. Mas mabuti na iyon kaysa sa wala kang ginagawa. Kadalasan, kailangan ng panahon​—mga linggo o buwan​—bago makasanayan ang isang magandang rutin. Samantala, huwag sumuko agad kung wala kang nakikitang resulta sa iyong mga pagsisikap. Kung magtitiyaga ka kahit may mga hadlang, gaganda ang kalusugan mo.

Imposibleng magkaroon ng perpektong kalusugan sa di-sakdal na mundong ito. Kapag nagkasakit ka, baka hindi naman ito dahil sa kapabayaan mo kundi dahil sa likas na marupok ang katawan ng tao. Kaya huwag kang masyadong ma-stress at mabalisa dahil sa kalusugan o iba pang bagay. “Sino sa inyo ang sa pagkabalisa ay makapagdaragdag ng isang siko sa haba ng kaniyang buhay?” ang tanong ni Jesus. (Lucas 12:25) Sa halip, iwasan ang mga bagay na makapagpapaikli sa iyong buhay o makaaapekto sa kalidad ng iyong pamumuhay. Maaari itong makatulong sa iyo na maging malusog hanggang sa dumating ang bagong sanlibutan ng Diyos kung saan “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’”​—Isaias 33:24.

^ par. 5 Ginawa ng mga Saksi ni Jehova.