Nagagalak na Maging Isang Pastol
Nagagalak na Maging Isang Pastol
Ayon sa salaysay ni Alymbek Bekmanov
Sa edad na tatlo, nagsimula na akong mag-alaga ng mga tupa at nagustuhan ko ito. Pagsapit ng edad na 17, isa na akong makaranasang pastol. Nang maglaon, natutuhan ko ang tungkol sa isa pang uri ng pastol, ang pagiging isang espirituwal na pastol. Hayaan ninyong ikuwento ko kung paano ako naging mas maligaya dahil sa gawaing ito.
ISINILANG ako noong 1972. Ang aming malaking pamilya ay mula sa nayon ng Chyrpykty, sa baybayin ng magandang Lake Issyk Kul. Ang lugar sa palibot ng lawa ay kilaláng pasyalan ng mga turistang nagpupunta sa Kyrgyzstan, na dati’y isang republika ng Unyong Sobyet. Sa ngayon, kami ng asawa kong si Gulmira ay nakatira sa Bishkek, ang kabisera ng Kyrgyzstan, mga 200 kilometro mula sa lugar na kinalakhan ko.
Ang Pastol at ang mga Tupa
Noong bata pa ako, dinadala namin ang mga tupa sa matataas na bundok tuwing tagsibol. Mahigit 3,000 metro ang inaakyat namin nang ilang araw. Pinipili ng ilang pastol ang mas maikling ruta, kaya mas mabilis silang nakakarating doon. Pero malapit iyon sa mga bangin, kaya naman ang mga tupa na naliligaw ay nasusugatan, at ang iba ay namamatay pa nga.
Marami ring lobo roon na nananakot o sumasalakay sa mga tupa. Inihihiwalay nila ang mga tupa sa kawan at pinapatay ang mga ito. Kaya pinili ni Tiyo ang ruta na mas madali at mas ligtas, bagaman mas matagal ito nang mga isang araw o higit pa. Kung minsan, gusto kong magmadali, pero sinasabihan ako ni Tiyo, “Alymbek, isipin mo ang mga tupa, huwag ang sarili mo.”
Sa itaas ng bundok, gumagawa kami ng pansamantalang mga kural bilang proteksiyon ng mga tupa sa gabi. May mga pastol na tanghali nang gumising kaya mataas na ang araw kapag nagsimulang manginain ang kanilang mga tupa.
Mayamaya lang, magsisiksikan na ang mga tupa, nakayuko at hirap na hirap huminga. Dahil hindi sila nakakaing mabuti, nanghihina sila at namamayat. Pero gisíng na si Tiyo bago magbukang-liwayway—mga alas kuwatro ng umaga. Kaya bago pa sumikat ang araw, dinadala na niya ang kaniyang mga alagang tupa sa magandang pastulan. Doon, nanginginain ang mga tupa sa nakarerepreskong simoy ng hangin. Gaya nga ng madalas sabihin ng mga tao, “Makikita mo sa tupa kung mahusay ang kanilang pastol.”
Matapos manginain, magandang panahon ito para inspeksiyunin at gamutin ang mga tupa
habang sila’y nagpapahinga. Malaking problema ang mga langaw na nangingitlog sa pusod ng tupa. Namumula ang pusod at namamaga. Kapag hindi ito naagapan, nagiging makirot ito kung kaya ang tupa ay puwedeng lumaboy at mamatay. Dahil dito, halos araw-araw namin silang iniinspeksiyon para gamutin. Bagaman matrabaho ito, natutuwa kami dahil nagiging malusog at masaya ang mga tupa.Gabi-gabi pag-uwi namin sa kural, binibilang namin ang mga tupa. Pumapasok sila sa isang makitid na pintuan—kung minsan ay sabay-sabay ang tatlo o apat. Daan-daan ang tupa namin, pero sanáy na kami at kaya naming bilangin ang hanggang 800 tupa sa loob lang ng 15 o 20 minuto. Mahirap iyan pero nagawa namin!
Kapag may nawawalang tupa, kumukuha si Tiyo ng baril at baston para hanapin ang isang iyon—kahit pa maulan at madilim. Tinatawag niya ang tupa sa malakas na tinig. Naitataboy nito ang mababangis na hayop. At kapag narinig ng tupa ang kaniyang tinig, maiisip-isip mong naramdaman ng tupa na ligtas na ito.
Binibigyan namin ng pangalan ang bawat tupa, depende sa kanilang hitsura o ugali. Sa bawat kawan, tila laging may matigas ang ulo. Sa di-malamang dahilan, basta ayaw nilang sumunod sa pastol. Kung minsan, ginagaya ng iba ang pasaway na tupa. Kaya sinisikap ng pastol na sanayin at disiplinahin ang matigas ang ulo. Halimbawa, iiwan niya itong mag-isa sa kural. Sa kalaunan, ang ilang tupa ay nagtatanda at sumusunod na sa utos ng pastol. Ang mga tupa na ayaw magbago ay ginagawa naming hapunan.
Naiibang Uri ng Pastol
Noong 1989, nag-aral ako ng martial arts at naging mahusay rito. Nang sumunod na taon, sapilitan akong pinaglingkod sa hukbong Sobyet. Habang naglilingkod sa Russia, ang mga kasamahan ko sa martial arts ay bumuo ng sindikato. Pagbalik ko sa Kyrgyzstan, sinabi nila na kung sasali ako sa kanila, makukuha ko ang lahat ng gusto ko. Pero nang panahong iyon, nakilala ko ang mga Saksi ni Jehova.
Sinagot ng mga Saksi ang mga tanong na naglalaro sa isip ko mula pa sa aking pagkabata, gaya ng Bakit namamatay ang tao? Sa tulong nila, naunawaan ko na ang kamatayan ay resulta ng kasalanan ng unang taong si Adan. (Roma 5:12) Natutuhan ko rin mula sa Bibliya na isinugo ng tunay na Diyos na si Jehova ang kaniyang Anak na si Jesus bilang Manunubos natin, at kung mananampalataya tayo kay Jehova at sa kaniyang Anak, puwede tayong matubos mula sa ating minanang kasalanan. Dahil dito, maaari tayong mabuhay magpakailanman sa Paraiso sa lupa, gaya ng orihinal na layunin ng Diyos para sa mga tao.—Awit 37:11, 29; 83:18; Juan 3:16, 36; 17:1-5; Apocalipsis 21:3, 4.
Napakalinaw at napakadaling maintindihan ng mga sagot mula sa Kasulatan na ibinigay sa akin ng mga Saksi kung kaya nasabi ko, “’Yan ang tama!” Ayaw ko na rin sa dati kong mga kasamahan. Ilang beses nila akong kinumbinsi na sumama uli sa kanila pero mas matindi ang pagnanais kong mag-aral ng Bibliya at isagawa ang mga natutuhan ko. Ito ang umakay sa akin sa pagiging isang espirituwal na pastol.
Nang panahong iyon, isang kilalang faith healer sa aming lugar ang dumadalaw kay Nanay. Isang araw pag-uwi ko, nagsagawa siya ng sesyon para makipag-ugnayan sa mga espiritu. Sinabi niya na mayroon akong espesyal na kaloob, at pinapupunta niya ako sa moske para tumanggap ng isang anting-anting dahil matutulungan daw ako nito. Muntik na niya akong mapaniwala na magkakaroon nga ako ng kapangyarihang manggamot.
Kinabukasan, pumunta ako sa mga Saksing nagtuturo sa akin ng Bibliya at ikinuwento ko ang pagdalaw ng espiritista. Mula sa Bibliya, ipinakita nila sa akin na ayaw ni Jehova sa lahat ng anyo ng espiritismo dahil konektado ang mga ito sa masasamang espiritu. (Deuteronomio 18:9-13) Ilang gabi akong hindi makatulog dahil sa mga demonyo. Tinuruan ako ng mga Saksi kung paano mananalangin ayon sa kalooban ni Jehova, kaya hindi na ako binabangungot. Kumbinsido ako na natagpuan ko na ang tunay na Pastol, si Jehova.
Awit 23:1-6) Gusto kong tularan ang Anak ni Jehova na si Jesus, na tinatawag na “pastol ng mga tupa.” (Hebreo 13:20) Sinagisagan ko ang aking pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig sa isang asamblea sa Bishkek noong 1993.
Natutuhan ko na si David, ang sumulat ng maraming awit sa Bibliya, ay pastol din noong kabataan niya. Tinawag niya si Jehova na “aking Pastol,” at napahalagahan ko ang mga damdamin niya kay Jehova. (Isang Mahalagang Miting
Marami sa aking mga kamag-anak at kapitbahay ang nagsimulang magtipon para mag-aral ng Bibliya. Mga 70 katao mula sa aming nayon ang nagtitipon malapit sa Lake Issyk Kul. Isang kamag-anak ko, na pinuno ng konseho sa aming nayon, ang interesadung-interesado. Sinabi niya na magsasaayos siya ng isang malaking miting para maipaliwanag namin ang aming bagong pananampalataya. Pero sinulsulan ng lokal na mga lider ng relihiyon ang mga tagaroon para salansangin ang aming pangangaral. Nagsabuwatan sila na gamitin ang miting na ito para magalit sa amin ang mga tao.
Nang dumating ang araw na iyon, mga isang libo ang nagtipon, kasama ang mga tao mula sa tatlong kalapít na nayon. May ilang Saksi na naroroon, at isa sa kanila ang nagpaliwanag tungkol sa aming mga paniniwalang salig sa Bibliya. Pero wala pang limang minuto, may tumayo na at nagbangon ng mapanghamong mga tanong. Sumunod na rin ang mga bintang at banta, kaya nagalit sa amin ang mga tao at gusto nila kaming saktan.
Sa pagkakataong iyon, tumayo ang isa sa mga kuya ko, na kamakailan lang nag-aral ng Bibliya, para ipagtanggol kami. Takót sa kaniya ang lahat dahil mahusay siyang makipaglaban. Pumagitna siya sa galít na grupo ng mga tao at sa mga Saksi, at nakaalis kami nang walang nangyayaring karahasan. Nang sumunod na mga taon, marami sa mga dumalo sa miting na iyon ang naging Saksi. Sa mga 1,000 mamamayan sa aming nayon, mahigit 50 na ang Saksi ni Jehova.
Ang Anak na Dalaga ng Isang Pastol
Noong Agosto 1993, mga ilang buwan bago ang malaking kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Moscow, Russia, nakilala ko si Gulmira, isang Saksi na mula rin sa isang nayon sa Kyrgyzstan. Mga pastol din ang kaniyang pamilya. Noong 1988, nang bawal pa ang gawain
ng mga Saksi sa Unyong Sobyet, nakipag-aral ng Bibliya ang nanay ni Gulmira sa isang Saksing nagngangalang Aksamy. Noong dekada ’70, si Aksamy ang unang Kirghiz na naging Saksi ni Jehova sa lugar na iyon.Sumali rin si Gulmira sa pakikipag-aral sa Bibliya ng kaniyang ina kay Aksamy. Noong 1990, pareho silang naging bautisadong mga Saksi. Naantig ang puso ni Gulmira, kaya di-nagtagal, pumasok siya sa buong-panahong ministeryo bilang payunir.
Nang sumunod na dalawang taon, bihira ko lang makita si Gulmira dahil mga 160 kilometro ang layo ng tirahan ko sa kanila. Noong Marso 1995, ipinasiya kong kilalanin siya nang higit. Kaya isang araw, pumunta ako sa kaniyang tinitirhan. Nagulat ako nang malaman kong kinabukasan ay paalis na siya para maglingkod sa tanggapang pansangay sa Russia, na mahigit 5,633 kilometro ang layo!
Samantala, naglingkod ako bilang buong-panahong ministro at nag-aral ng wikang Ruso dahil wala pa kaming literatura ng mga Saksi sa wikang Kirghiz. Tatlong taon kaming nagsulatan ni Gulmira at nagkasundo kaming basahin ang parehong mga talata sa Bibliya na matatalakay namin sa aming mga liham. Naglingkod din ako sa unang kongregasyon sa wikang Kirghiz, sa bayan ng Balikchi.
Paglilingkod kay Jehova Kasama ni Gulmira
Noong 1998, nagbakasyon si Gulmira sa Kyrgyzstan, at nagpakasal kami. Inanyayahan akong maglingkod sa tanggapang pansangay sa Russia kasama niya. Buti na lang at nagsimula na akong mag-aral ng wikang Ruso! Nang maglaon, inatasan akong magtrabaho kasama ng mga tagapagsalin ng literatura sa Bibliya sa wikang Kirghiz. Nanalangin ako kay Jehova at humiling na magkaroon ako ng karunungan at maging matiyaga. Siyempre pa, malaking tulong ang katrabaho kong si Gulmira.
Noong 2004, ang aming pangkat ng mga tagapagsalin ay ipinadala sa Bishkek, kung saan inatasan akong maglingkod sa komiteng nangangasiwa sa gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Kyrgyzstan. Doon ay may pitong kongregasyon sa wikang Kirghiz at mahigit 30 kongregasyon sa wikang Ruso. Sa ngayon, mayroon nang mahigit 20 kongregasyon sa wikang Kirghiz at maraming grupong nagsasalita ng Kirghiz, na bumubuo sa mga 40 porsiyento ng 4,800 Saksi sa Kyrgyzstan.
Ipinasiya namin ni Gulmira na mag-aral ng Ingles yamang makatutulong ito sa aming ministeryo. Naging daan ito para anyayahan kami sa punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Estados Unidos noong 2008. Doon ay dumalo ako sa pantanging paaralan para sa mga nangunguna sa gawaing pangangaral sa isang bansa.
Alam namin ni Gulmira na mas matutulungan namin ngayon ang mga tao sa Kyrgyzstan na makilala ang Diyos. Ang mga pinagdaanan namin ay nakatulong sa aming maunawaan na si Jehova ay talagang isang maibiging pastol. Personal kong naranasan ang sinasabi ng isang awit sa Bibliya: “Si Jehova ang aking Pastol. Hindi ako kukulangin ng anuman. Sa mga madamong pastulan ay pinahihiga niya ako; sa tabi ng mga pahingahang-dako na natutubigang mainam ay pinapatnubayan niya ako. Ang aking kaluluwa ay kaniyang pinagiginhawa. Inaakay niya ako sa mga landas ng katuwiran alang-alang sa kaniyang pangalan.”—Awit 23:1-3.
[Larawan sa pahina 23]
Ang mga tupa namin habang nanginginain
[Larawan sa pahina 23]
Gabi-gabi, binibilang namin ang mga tupa para matiyak na walang nawawala
[Larawan sa pahina 24]
Kasama si Gulmira