Tip #2—Alagaan ang Iyong Katawan
“Wala ngang napopoot sa sariling katawan, ngunit pinakakain at inaalagaan niya ito.” (Efeso 5:29, Biblia ng Sambayanang Pilipino) Gaganda ang iyong kalusugan kung aalagaan mo ang iyong katawan.
Magpahinga nang sapat. “Mas mabuti ang sandakot na kapahingahan kaysa sa dalawang dakot ng pagpapagal at paghahabol sa hangin.” (Eclesiastes 4:6) Ninanakaw ng mga gawain at pang-abala sa ngayon ang ating panahon sa pagtulog. Pero napakahalaga nito para sa mabuting kalusugan. Ipinakikita ng mga pag-aaral na habang natutulog tayo, ang katawan at utak ay nagkukumpuni kaya tumatalas ang ating memorya at gumaganda ang ating mood.
Ang tulog ay nagpapalakas ng resistensiya at nagsisilbing proteksiyon laban sa impeksiyon, diyabetis, istrok, sakit sa puso, kanser, sobrang katabaan, depresyon, at marahil pati sa Alzheimer’s disease. Huwag labanan ang antok sa pamamagitan ng caffeine, matatamis na pagkain, o iba pang pampagising; dapat itong itulog. Karamihan ng adulto ay nangangailangan ng pito hanggang walong oras na tulog para gumanda ang kanilang hitsura, pakiramdam, at pagtatrabaho. Mas mahabang tulog pa ang kailangan ng mga kabataan. Ang mga kabataang kulang sa tulog ay mas malamang na magkaroon ng problema sa isip at makatulog habang nagmamaneho.
Lalong kailangan ang tulog kapag tayo’y may sakit para mas mabilis tayong gumaling. Halimbawa, kapag may sipon, makatutulong ang dagdag na tulog at pag-inom ng maraming tubig.
Ingatan ang iyong mga ngipin. Ang pagsisipilyo at pagpo-floss pagkatapos kumain, at lalo na bago matulog, ay tutulong para maiwasan ang pagkasira ng ngipin, sakit sa gilagid, at pagkabungi. Hindi natin mapapakinabangan nang husto ang ating kinakain kung wala ang ating tunay na mga ngipin. Ayon sa ulat, hindi pagtanda ang ikinamamatay ng mga elepante kundi unti-unti silang namamatay sa gutom kapag nasira na ang kanilang mga ngipin at hindi na sila makanguya nang maayos. Kaya naman, ang mga batang naturuang magsipilyo at mag-floss pagkatapos kumain ay nagiging mas malusog hanggang sa pagtanda.
Magpatingin sa doktor. May mga sakit na kailangang ikonsulta sa doktor. Kung maaagapan mo ang mga ito, makatitipid ka at mas mabilis kang gagaling. Kaya kung masama ang pakiramdam mo, magpatingin sa doktor para matukoy at magamot ang iyong sakit, sa halip na remedyuhan lang ang mga sintomas nito.
Maiiwasan ang malulubhang problema kung regular kang magpapa-checkup sa mahuhusay na health-care provider, gaya ng pagpapatingin sa doktor sa panahon ng pagbubuntis. * Pero tandaan na ang mga doktor ay hindi naghihimala. Lubusan lang tayong gagaling sa lahat ng ating karamdaman kapag ginawa nang “bago [ng Diyos] ang lahat ng bagay.”—Apocalipsis 21:4, 5.
^ par. 8 Tingnan ang artikulong “Malusog na Mommy, Malusog na Baby,” sa Gumising!, isyu ng Nobyembre 2009.