Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Paano Tatanggapin ang Katotohanan

Kung Paano Tatanggapin ang Katotohanan

Kung Paano Tatanggapin ang Katotohanan

“Nabigla ako at nanlumo nang mabalitaan kong patay na si Tatay. Sising-sisi ako na wala ako sa tabi niya nang mamatay siya. Walang kasinsakit ang mawalan ng mahal sa buhay. Miss na miss ko na si Tatay!”​—Sara.

PARA sa marami, anuman ang kanilang kultura o relihiyon, nakaaasiwang pag-usapan ang kamatayan. Sa ilang wika, ang mga tao ay gumagamit ng ibang pananalita kapag pinag-uusapan ito. Halimbawa, sa halip na sabihing “namatay” ang isang tao, sinasabi na lang na “wala na siya,” “namayapa na siya,” o “iniwan na niya tayo.”

Pero kahit ano pang mga salita ang gamitin, hindi nito kayang ibsan ang napakatinding lungkot ng mga naiwang mahal sa buhay. Para sa ilan, sadyang napakabigat nito kaya hindi nila ito basta matanggap.

Kung nawalan ka na ng mahal sa buhay, baka nahihirapan ka ring tanggapin ito. Baka nagkukunwari ka pa ngang okey ka lang. Siyempre, hindi naman pare-pareho ang pagdadalamhati ng mga tao. Kaya kung hindi mo ito ipinakikita, hindi naman ibig sabihin na kinikimkim mo ito. * Pero magkakaroon ng problema kung iniisip mong kailangan kang gumawi sa paraang inaasahan ng iba​—baka ng mga kapamilya mo pa ngang nangungulila rin.

“Wala Akong Panahong Magdalamhati”

Isaalang-alang ang karanasan ni Nathaniel, na namatayan ng ina nang siya ay 24 anyos: “Noong una, naguguluhan ako,” ang sabi niya. “Pakiramdam ko, kailangan kong maging malakas para kay Tatay at sa mga kaibigan ni Nanay. Wala akong panahong magdalamhati.”

Pagkalipas ng mahigit isang taon, hindi pa rin tanggap ni Nathaniel na wala na ang kaniyang ina. “Tinatawagan pa rin ako ni Tatay kapag malungkot siya,” ang sabi ni Nathaniel, “okey naman yun. Kailangan niyang ilabas ang nararamdaman niya, at masaya ako na nakakatulong ako sa kaniya. Pero kapag kailangan ko na ng tulong, wala naman akong matakbuhan.”

Minsan, ang mga nag-alaga sa namatay​—pati na ang mga nasa larangan ng medisina​—ay naoobliga ring magkimkim ng niloloob. Isang halimbawa rito si Heloisa, mahigit 20 taon nang doktor sa isang maliit na komunidad kaya naman malapít siya sa kaniyang mga pasyente. “Nasa tabi ako ng marami sa kanila nang malagutan sila ng hininga,” ang sabi niya, “at ang ilan sa kanila ay malalapít na kaibigan ko.”

Natanto ni Heloisa na malaking tulong ang pag-iyak. “Pero hiráp akong umiyak,” ang sabi niya. “Inisip ko na kailangan kong maging matatag para sa iba kaya pinipigil ko ang nararamdaman ko. Tingin ko, ’yan ang inaasahan sa akin ng iba.”

“Hindi Na Kumpleto ang Bahay Ngayong Wala Na Siya”

Isa sa pinakamalaking hamon na dapat harapin ng mga namatayan ay ang kalungkutan. Ganito ang sinabi ng 19-anyos na si Ashley nang mamatay sa kanser ang kaniyang nanay: “Pagkamatay niya, parang wala na akong ganang mabuhay. Bestfriend ko si Nanay. Lagi kaming magkasama.”

Kaya naman, talagang napakahirap para kay Ashley na hindi madatnan sa bahay ang nanay niya kapag umuuwi siya araw-araw. “Hindi na kumpleto ang bahay ngayong wala na siya,” ang sabi niya. “Madalas, dumederetso na lang ako sa kuwarto at umiiyak habang tinitingnan ang mga larawan niya at inaalaala ang mga bagay na ginagawa naming magkasama.”

Kung nawalan ka na ng isang kapamilya o kaibigan, hindi ka nag-iisa. Malalaman natin sa susunod na artikulo kung paano nagtagumpay ang iba sa pagharap sa hamon na ito.

[Talababa]

^ par. 5 Dahil hindi pare-pareho ang pagdadalamhati ng mga tao, hindi dapat husgahan ng iba ang mga taong hindi nagpapakita ng kanilang damdamin kapag namatayan sila.

[Blurb sa pahina 5]

“Parang wala na akong ganang mabuhay. Bestfriend ko si Nanay”​—Ashley