Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong

Paano Ako Makikibagay sa Iba?

Paano Ako Makikibagay sa Iba?

“Ako’y 21 anyos. Sa lugar namin, wala akong gaanong kaedad kaya ang nakakasama ko lang ay mga estudyante sa haiskul o mga may-asawa. Problema ng mga estudyante ang exam nila, problema naman ng mga may-asawa ang utang nila. Wala naman akong kinalaman sa mga ’yon. Ang sarap sana kung meron akong mga kaibigan na nababagay sa ’kin!”​—Carmen. *

ANUMAN ang ating edad, halos lahat tayo ay nagnanais na tanggapin ng iba. Tiyak na ganiyan din ang gusto mo. Kaya napakasakit ang ma-out of place at hindi mapansin​—“parang anino ka lang ng iba,” gaya ng paglalarawan ng 15-anyos na si Michaela sa sarili.

Kung Kristiyano ka, mayroon kang “buong samahan ng mga kapatid” na puwedeng kaibiganin. (1 Pedro 2:17) Pero kung minsan, baka ma-out of place ka pa rin. “Kapag pauwi kami galing sa mga pulong Kristiyano, nauupo ako sa likod ng kotse at umiiyak,” ang sabi ng 20-anyos na si Helena. “Habang nagsisikap akong makibagay, lalo lang akong nasasaktan.”

Ano ang magagawa mo kung pakiramdam mo’y out of place ka? Bago masagot ang tanong na iyan, alamin mo muna (1) kung aling grupo ang nahihirapan kang pakibagayan at (2) kung ano ang reaksiyon mo kapag kasama mo sila.

Lagyan ng ✔ ang grupong nahihirapan kang pakibagayan.

1. Edad

□ mga nakababata □ mga nakatatanda □ mga kaedad

2. Abilidad

Mga taong

□ mahilig sa isports □ may talento □ matalino

3. Personalidad

Mga taong

□ may kumpiyansa sa sarili □ popular □ may sariling grupo

Lagyan mo naman ng ✔ ang karaniwang reaksiyon mo kapag kasama ang mga taong napili mo sa itaas.

□ Nagkukunwari akong pareho kami ng hilig o abilidad.

□ Binabale-wala ko ang interes nila at ikinukuwento ko ang gusto ko.

□ Hindi ako kumikibo at naghihintay ng pagkakataong makaalis.

Ngayong natukoy mo na kung sino ang mga taong nahihirapan kang pakibagayan at kung ano ang reaksiyon mo kapag kasama mo sila, puwede na nating talakayin kung paano mo mapabubuti ang iyong sitwasyon. Pero alamin mo muna ang ilang hadlang na dapat mong iwasan.

HADLANG 1: Pagbubukod ng Sarili

Ang hamon. Kapag kasama mo ang mga taong iba ang interes o talento, baka maisip mong ikaw ang kakaiba​—lalo na kung mahiyain ka. “Ayokong ako ang unang makipag-usap,” ang sabi ng 18-anyos na si Anita. “Takót ako na may masabi akong mali.”

Ang sinasabi ng Bibliya. “Ang nagbubukod ng kaniyang sarili ay naghahanap ng kaniyang makasariling hangarin; laban sa lahat ng praktikal na karunungan ay sasalansang siya.” (Kawikaan 18:1) Tiyak na lalala ang sitwasyon kung ibubukod mo ang sarili mo. Kung gagawin mo iyan, ganito ang paulit-ulit na mangyayari sa iyo: Kapag malungkot ka, iisipin mong hindi ka nababagay, kaya ibubukod mo ang sarili mo, pagkatapos ay magiging malungkot ka ulit, kaya iisipin mo na namang hindi ka nababagay. At maiipit ka sa siklong iyon hangga’t hindi ka kumikilos para mapabuti ang iyong sitwasyon!

“Hindi nababasa ng mga tao ang isip mo. Hindi mo makukuha ang gusto mo kung hindi ka magsasalita. Hindi ka magkakaroon ng mga kaibigan kung ibubukod mo ang sarili mo. Dapat may effort ka rin. Sa pagkakaibigan, kailangan ang pagbibigayan.”​—Melinda, 19.

HADLANG 2: Pagiging Desperado

Ang hamon. May mga tao na desperadong magkaroon ng kaibigan, kahit sino na lang. Iniisip nila na mas mabuti ito kaysa sa wala. “Dati, nalulungkot ako dahil hindi ako kasama sa popular na grupo sa school, kaya parang gusto kong masabit sa gulo para tanggapin nila ’ko,” ang sabi ng 15-anyos na si René.

Ang sinasabi ng Bibliya. “Siyang nakikipag-ugnayan sa mga hangal ay mapapariwara,”​—o gaya ng sinasabi ng Magandang Balita Biblia, “ang kasama ng mangmang ay masusuong sa gulo.” (Kawikaan 13:20) Dito, ang mga “hangal” o “mangmang” ay hindi naman mga taong walang-alam. Baka nga matatalinong estudyante pa sila. Pero kung wala silang paggalang sa mga pamantayan ng Bibliya, mangmang sila sa paningin ng Diyos. At kung magiging tulad ka ng hunyango na nagpapalit ng kulay para lang makibagay sa kanila, mapapariwara ka.​—1 Corinto 15:33.

“Hindi lahat ng tao ay mabubuting kasama. Ayaw mo sa mga kaibigang nagpaparamdam sa iyo na kailangan mong baguhin ang sarili mo kapag kasama mo sila. Gusto mo ng mga kaibigang talagang nagmamahal sa iyo at dadamay sa iyo.”​—Paula, 21.

Magkusa

Huwag hintayin na lapitan ka ng iba at anyayahang maging kaibigan nila. “Hindi natin laging maaasahan na tayo ang lalapitan ng iba,” ang sabi ng 21-anyos na si Gene. “Kailangang tayo ang lumapit sa iba.” Narito ang dalawang mungkahi:

Kaibiganin ang mga hindi mo kaedad. Halimbawa, mga 30 taon ang agwat ng edad ng mga tauhan sa Bibliya na sina Jonatan at David, pero naging “matalik na magkaibigan” sila. * (1 Samuel 18:1, Contemporary English Version) Ano ang aral dito? Puwede mong maging kaibigan ang mas matanda sa iyo! Bakit ka maghahanap ng kaibigan sa mga kaedad mo lang at pagkatapos ay magrereklamo na wala kang puwedeng kaibiganin? Kung ganito ka, para kang isang taong nasa isla at gutom na gutom samantalang marami ka namang mahuhuling isda sa paligid. Ang totoo, may mabubuting tao na puwede mong pakibagayan at kaibiganin kahit hindi mo sila kaedad.

“Sinasabihan ako ni Nanay na kausapin ang mga nakatatanda sa akin sa kongregasyon. Sabi niya magugulat ako sa dami ng pagkakatulad ko sa kanila. Tama siya, at marami na akong kaibigan ngayon!”​—Helena, 20.

Pasulungin ang iyong kakayahang makipag-usap. Mahirap makipag-usap sa iba​—lalo na kung mahiyain ka. Pero magagawa mo ito. Kailangan mong (1) makinig, (2) magtanong, at (3) magpakita ng interes.

“Sinisikap kong makinig sa halip na magsalita nang magsalita. At kapag nagkukuwento ’ko, iniiwasan kong ibida ang sarili ko o magsalita ng masama tungkol sa iba.”​—Serena, 18.

“Kapag hindi ako pamilyar sa gustong ipakipag-usap ng isang tao, nagtatanong ako sa kaniya para magpaliwanag pa siya.”​—Jared, 21.

Baka talagang mahiyain ka, at hindi naman masama iyon. Hindi mo rin naman kailangang gumawa ng napakalaking pagbabago sa sarili mo. Kung nahihirapan kang makibagay sa iba, bakit hindi mo subukan ang mga mungkahi sa artikulong ito? Baka madama mo rin ang katulad ng sinabi ni Leah: “Mahiyain ako kaya mahirap sa ’kin na makipag-usap sa iba. Pero kung gusto mong magkaroon ng mga kaibigan, kailangan kang maging palakaibigan. Kaya nagkukusa na ’kong makipag-usap.”

Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Young People Ask” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/ype

[Talababa]

^ par. 3 Binago ang mga pangalan sa artikulong ito.

^ par. 31 Malamang na tin-edyer si David nang maging kaibigan niya si Jonatan.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 19]

ANG SINASABI NG IBANG KABATAAN

“Sa pulong Kristiyano, sinisikap kong kausapin kahit isang tao lang na ’di ko nakakausap. Napatunayan ko na puwedeng magsimula ang pagkakaibigan sa isang simpleng pagbati.”

“Madali para sa ’kin na sabihing ayaw sa ’kin ng ibang tao at na hindi ko sila makakasundo. Ang mahirap ay ang kumilos para baguhin ang sitwasyon. Pero sulit talaga kung magkukusa kang makipagkaibigan, at bubuti ang pagkatao mo.”

“Unti-unti kong sinikap na makipag-usap sa mga nakatatanda. Noong una, nakakailang talaga! Pero napabuti ako, dahil kahit bata pa ’ko, nagkaroon na ako ng panghabang-buhay na mga kaibigang laging dadamay sa ’kin.”

[Mga larawan]

Lauren

Reyon

Carissa

[Kahon sa pahina 20]

TANUNGIN ANG MGA MAGULANG MO

Nahirapan po ba kayong makibagay sa iba noong kabataan pa kayo? Kanino po kayo nahirapang makibagay? Ano po ang ginawa ninyo?

․․․․․

[Dayagram sa pahina 20]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

ANG SIKLO NG KALUNGKUTAN

NALULUNGKOT ako, kaya feeling ko . . .

. . . AYAW sa akin ng iba, kaya . . .

. . . IBINUBUKOD ko ang sarili ko, kaya . . .