Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Kamangha-mangha ang Pagkakagawa” sa Iyo!

“Kamangha-mangha ang Pagkakagawa” sa Iyo!

“Kamangha-mangha ang Pagkakagawa” sa Iyo!

NAIISIP mo ba na sana’y nagagawa mo ang kayang gawin ng iba’t ibang hayop? Halimbawa, baka gusto mong makalipad na gaya ng albatros, makalangoy na gaya ng dolphin, makakita na gaya ng agila, o makatakbong simbilis ng cheetah.

Talagang kahanga-hanga ang abilidad ng mga hayop. Pero gayon din tayo. Sa katunayan, inilarawan ang katawan ng tao bilang isang perpektong makina. Siyempre, higit pa tayo sa isang makina. Tayo ay malikhain, mausisa, at may malawak na imahinasyon. Kaya naman, nakaiimbento tayo ng mga makinang nakagagawa ng halos anumang maisip natin. Nakalilipad tayo nang mas mabilis kaysa sa bilis ng tunog; nakapaglalakbay sa ibabaw o sa ilalim ng dagat; nakakakita hanggang sa layong mga 14 na bilyong light-year sa kalawakan; napag-aaralan ang buháy na selula; at nakagagawa tayo ng mga gamot, terapi, at teknolohiya para masuri at malunasan ang mga sakit.

Kahit wala ang tulong ng teknolohiya, kamangha-mangha pa rin ang kayang gawin ng malulusog at sinanay na mga tao. Halimbawa, sa Olympic Games, humahanga ang mga manonood sa mga gymnast, high diver, ice-skater, skier, at iba pa dahil sa kanilang liksi, pagkamalikhain, at husay.

Pinahahalagahan mo ba ang iyong espesyal na mga kakayahan? Kahit hindi ka atleta sa Olympics, marami kang kakayahan na dapat mong ipagpasalamat sa Diyos. Isang manunulat ng Bibliya ang nagpahayag ng gayong pagpapahalaga: “Pupurihin kita sapagkat sa kakila-kilabot na paraan ay kamangha-mangha ang pagkakagawa sa akin.” * (Awit 139:14) Pag-isipan iyan habang binabasa mo ang susunod na mga artikulo. Detalyadong tatalakayin doon ang ilang natatanging bahagi ng katawan ng tao, pati na ang iba pang mahahalagang katangian na talagang nagpapaiba sa atin.

[Talababa]

^ par. 5 Sa mga interesadong malaman kung alin sa paglalang at ebolusyon ang tama, maaari ninyong basahin ang mga brosyur na Saan Nagmula ang Buhay? at The Origin of Life​—Five Questions Worth Asking. Makukuha ang mga ito mula sa mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar o mula sa mga tagapaglathala ng magasing ito.

[Kahon sa pahina 3]

DINISENYO PARA MAKATIPID NG LAKAS

Ang ating kakayahang tumayo nang tuwid ay nakatitipid ng lakas dahil di-gaanong napupuwersa ang ating mga kalamnan. Sa katunayan, “mga 7% lamang ang karagdagang lakas na kailangan natin kapag tayo’y nakatayo kaysa kapag nakahiga,” ang sabi ng mananaliksik sa neuroscience na si John R. Skoyles. Sinabi pa niya na mga 70 porsiyento ang karagdagang lakas na kailangan ng aso kapag nakatayo ito (gamit ang apat na paa) kaysa kapag nakahiga ito.