Mga Katangiang Nagpapaiba sa Atin
Mga Katangiang Nagpapaiba sa Atin
ISANG 50-anyos na construction worker ang naghihintay ng tren sa isang subway sa New York City. Sa di-kalayuan, isang binata ang natumba at nahulog sa riles habang paparating ang tren. Hindi nagdalawang-isip ang construction worker. Tumalon siya sa riles at dinaganan ang binata habang dumaraan ang tren.
Noong panahon ng mga Nazi, tumangging magsabi ng “Heil Hitler!” ang mga Saksi ni Jehova sa Europa dahil ang salitang Aleman na heil ay nangangahulugang “kaligtasan.” Nanindigan sila na si Jesu-Kristo ang kanilang Tagapagligtas at na “walang kaligtasan sa kanino pa man.” (Gawa 4:12) Dahil tumanggi silang sambahin si Hitler, marami ang inilayo sa kanilang pamilya at dinala sa mga kampong piitan kung saan patuloy silang nanghawakan sa kanilang mga prinsipyong Kristiyano.
Ipinakikita ng mga halimbawang ito na maaaring unahin ng isang tao ang kapakanan ng iba—kahit hindi niya kakilala—bago ang kaniyang sarili. Puwede rin niyang piliin ang mga prinsipyo kaysa sa kaniyang sariling kalayaan. Kung gayon, tumutugma ba iyan sa paniniwala na ang mga tao ay mga hayop lang na produkto ng ebolusyon? O ipinahihiwatig nito na tayo ay mas matataas na uri ng nilalang? Pag-isipan iyan habang binabasa ang sumusunod na mga tanong:
● Bakit mayroon tayong budhi, ang kakayahang kumilala ng tama at mali?
● Bakit tayo humahanga sa sangnilalang?
● Bakit tayo nasisiyahan sa musika, tula, pagpipinta, at iba pang uri ng sining gayong hindi naman kailangan ang mga ito para mabuhay tayo?
● Bakit halos lahat ng tao mula sa iba’t ibang kultura ay nakadarama ng pangangailangang makipag-usap sa isang diyos?
● Bakit natin itinatanong: ‘Bakit ako naririto?’ ‘Ano ang layunin ng buhay?’
● Kapag may namatay, bakit tayo nagsasagawa ng iba’t ibang seremonya at ritwal?
● Bakit halos lahat ng tao ay naniniwala sa kabilang buhay? Ang pagnanais ba nating mabuhay magpakailanman ay isang imposibleng hangarin na resulta lang ng ebolusyon?
Kung Saan Matatagpuan ang mga Sagot
Ang pinakamakatuwirang sagot sa mga tanong na ito ay matatagpuan sa Bibliya—ang sagradong kasulatan na makukuha ng halos lahat ng tao. Pansinin kung ano ang sinasabi nito:
Kalikasan ng tao. Nilalang ang tao “ayon sa larawan ng Diyos,” ibig sabihin, maaari nating ipakita ang mga katangian ng ating Maylalang. (Genesis ) Kaya naman, ang unang tao ay isang “anak ng Diyos.”— 1:27Lucas 3:38.
Ang pangangailangan nating umibig at ibigin. “Ang Diyos ay pag-ibig,” ang sabi ng 1 Juan 4:8. Palibhasa’y nilikha tayo ayon sa larawan ng Diyos, kailangan natin ng pag-ibig mula sa ating pagsilang hanggang sa kamatayan. Kung “wala akong pag-ibig, ako ay walang kabuluhan,” ang isinulat ni apostol Pablo. (1 Corinto 13:2) Sinabi rin niya: “Maging mga tagatulad kayo sa Diyos, bilang mga anak na minamahal.”—Efeso 5:1.
Ang ating espirituwal na pangangailangan. “Ang tao ay mabubuhay, hindi sa tinapay lamang, kundi sa bawat pananalitang lumalabas sa bibig ni Jehova.” (Mateo 4:4) Ang mga pananalita ng Diyos ay nakaulat sa Bibliya. Isinisiwalat ng mga ito ang kaniyang personalidad at layunin para sa atin. Hindi magkakaroon ng tunay na kahulugan ang ating buhay kung wala tayong kaugnayan sa Diyos.
Kung bakit tayo namamatay. “Ang kabayaran na ibinabayad ng kasalanan ay kamatayan, ngunit ang kaloob na ibinibigay ng Diyos ay buhay na walang hanggan.” (Roma 6:23) Ang kasalanan ay ang pagkabigong mamuhay ayon sa mga pamantayan ng Diyos sa moralidad at pagsamba. Pero layunin ng Diyos na alisin ang kasalanan, akayin sa kasakdalan ang lahat ng umiibig at sumusunod sa kaniya, at bigyan sila ng buhay na walang hanggan sa Paraisong lupa.—Awit 37:10, 11, 29; Lucas 23:43.
Gusto mo bang masiyahan nang lubos sa iyong buhay, marahil ay magkaroon ng mga talentong pinapangarap mo? Gusto mo bang matuto nang higit tungkol sa iyong Maylalang at sa kaniyang napakagandang layunin para sa iyo? Kung oo, inaanyayahan ka naming pag-aralan ang Bibliya, ang pinagmumulan ng espirituwal na katotohanan. Ito lang ang gawaing makapagbibigay sa iyo ng higit na kaligayahan ngayon at sa hinaharap.—Mateo 5:3; Juan 17:3.
[Kahon/Larawan sa pahina 9]
KAILANGAN NATIN NG PAG-IBIG MULA SA PAGKABATA
“Kailangan ng mga bata ang pampasigla at pag-ibig,” ang sabi ng siyentipikong si Gerald L. Schroeder. Napakahalaga ngang sundin ng mga magulang ang utos ng Bibliya, na ibinigay lalo na sa mga ina, na “ibigin ang kanilang mga anak”!—Tito 2:4.
[Larawan sa pahina 8, 9]
Nasisiyahan tayo sa magagandang bagay na hindi naman kailangan para mabuhay tayo
[Larawan sa pahina 9]
Hindi lang tubig at pagkain ang kailangan ng tao. Kailangan din nila ang patnubay ng kanilang Maylalang