Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

“Ang mga babaing nakatira sa mahihirap na bansa ay 300 beses na mas malamang na mamatay sa pagbubuntis o panganganak kaysa sa mga nakatira sa mayayamang bansa.”​—BUSINESSWORLD, PILIPINAS.

Ayon sa isang surbey sa Alemanya, 40 porsiyento ng mga 11 hanggang 15 taóng gulang doon ang hindi nakakaalam na sa silangan sumisikat ang araw; 60 porsiyento naman ang hindi nakakaalam na apat na linggo ang pagitan ng mga paglitaw ng kabilugan ng buwan.​—WELT ONLINE, ALEMANYA.

Ang mga arkeologo ay may natuklasang templo ng mga Filisteo sa sinaunang Gat. Ang templong ito ay may dalawang pangunahing haligi. Ipinaaalaala nito ang ulat ng Bibliya tungkol kay Samson, na nagpabagsak din ng gayong mga haligi kaya gumuho ang templo.​—THE JERUSALEM POST, ISRAEL.

Wanted: Asawa Mula sa Asia

“Dumarami ang mga lalaki mula sa mayayamang bansa sa Asia gaya ng Hapon at Timog Korea na naghahanap ng mapapangasawa mula sa mas mahihirap [na bansa sa Asia] gaya ng Vietnam at Pilipinas,” ang ulat ng pahayagang BusinessWorld sa Pilipinas na mababasa sa Internet. Sa pagitan ng 1995 at 2006, tumaas nang 73 porsiyento ang bilang ng mga lalaking Hapones na nag-asawa ng taga-ibang bansa. Bakit? “Ang kababaihan sa kanilang bansa na may-kaya sa buhay ay pihikan,” ang sabi ng ulat, at mas atubiling magpakasal. Samantala, ang mga babae mula sa mas mahihirap na bansa ay handang magpakasal kahit sa mga trabahador sa mas mayayamang bansa dahil “nag-aalok [sila] ng mas magandang buhay.”

Pinerpektong Pagtataksil?

Isang kontrobersiyal na online dating site sa limang bansa ang may slogan na: “Maikli lang ang buhay. Makipagrelasyon.” Ayon sa tagapagtatag nito, hindi nila hinihimok ang mga tao na magtaksil sa asawa dahil ang mga pumupunta sa site ay “desidido nang gawin ito.” “Kadalasan, nagkakaroon ng mga problema sa pagtataksil kapag natutuklasan ito ng iba. Tinutulungan lang namin ang mga tao na maging maingat sa pakikipagrelasyon,” ang sabi pa niya. “Hindi kami ang nakaimbento sa pagtataksil​—pinerpekto lang namin ito.” Ipinagmamalaki ng site na mayroon silang mga 6.4 milyong miyembro sa ngayon.

Pagsasayaw​—Likas o Pinag-aaralan?

“Ang mga tao ay may natatanging kakayahan na isabay ang galaw ng kanilang katawan sa naririnig nila, gaya ng pagta-tap ng paa o pagsasayaw kasabay ng musika,” ang ulat ng mga mananaliksik mula sa mga unibersidad sa York, Inglatera, at sa Jyväskylä, Finland. Natuklasan ng mga mananaliksik na bago pa man matutong magsalita ang mga sanggol, kusa na silang sumasabay sa ritmo at nagsisikap na tiyempuhan ito. Kapag mas nagagawa nila ito, mas napapangiti sila. Ipinahihiwatig nito na ang kakayahang sumabay sa musika ay hindi pinag-aaralan kundi likas sa tao.