Pahalagahan ang Iyong Espesyal na mga Kakayahan
Pahalagahan ang Iyong Espesyal na mga Kakayahan
NAPAKARAMING nagagawa ng katawan ng tao. Walang hayop ang nagtataglay ng ganito karaming kakayahan. Ang isang dahilan ay ang kakayahan nating tumayo nang tuwid, kung kaya malawak ang naaabot ng ating paningin at malayang nakakakilos ang ating mga braso at kamay. Paano na kaya kung pati mga kamay natin ay ginagamit natin sa paglalakad?
Ang isa pang dahilan ay ang ating napakahusay na sistema ng pandama. Kasama rito ang ating mga kamay, tainga, mata at, siyempre, ang ating utak. Isa-isa nating talakayin ang mga ito.
Ang Iyong mga Kamay
Ang mga kamay ay napakahusay na mga instrumento ng ating katawan. Sa pamamagitan ng mga ito, nakapagpapasok tayo ng sinulid sa butas ng karayom, nakapagsisibak, nakapagpipinta, o nakatutugtog ng piyano. Napakatalas din ng pandama ng ating mga kamay. Sa isang haplos lang, nalalaman natin kung ang isang bagay ay balahibo, papel, balat, metal, tubig, o kahoy. Pero higit pa riyan ang nagagawa ng ating mga kamay. Sa tulong ng mga ito, natututo tayo sa ating kapaligiran at nakapagpapahayag tayo ng pagmamahal.
Bakit nga ba napakaraming nagagawa ng ating mga kamay? Maraming dahilan, pero apat lang ang tatalakayin natin.
1. Ang ating dalawang kamay ay may mahigit na 50 buto, na halos 25 porsiyento ng bilang ng mga buto sa buong katawan natin. Dahil sa masalimuot na disenyo ng kamay at pagkakaayos ng mga buto, hugpungan, at mga litid nito, marami itong puwedeng gawin.
2. Ang ating kamay ay may hinlalaki na nasa isang espesyal na hugpungan. Dahil sa hugpungang ito, pati na sa mga kalamnan at iba pang himaymay nito, ang hinlalaki ay malakas at madaling ikilos.
3. Tatlong grupo ng mga kalamnan ang kumokontrol sa kamay. Ang dalawang pinakamalakas na grupo ay ang mga extensor at mga flexor. Ang mga ito ang nagpapagalaw sa mga daliri sa pamamagitan ng mga litid. Mabuti na lang at nasa braso ang mga ito, dahil kung hindi, tiyak na magiging napakalaki ng kamay at napakahirap kontrolin. Ang ikatlong grupo naman ng mga kalamnan, na mas maliit at nasa mismong kamay, ang dahilan kung bakit nakagagalaw nang eksakto ang mga daliri.
4. Ang ating mga daliri ay parang mga sensor, dahil ang bawat dulo nito ay may mga 2,500 receptor sa bawat sentimetro kuwadrado. Iba’t iba ang nadarama ng bawat receptor. Nararamdaman nito kung ang isang bagay ay makinis o magaspang, mainit o malamig, basâ o tuyo. Nakadarama rin ito ng pintig, diin, at kirot. Kaya naman, ang ating daliri ay mas sensitibo kaysa sa alinmang sensor na ginawa ng tao.
Ang Iyong mga Tainga
Bagaman may mga hayop na mas matalas ang pandinig kaysa sa tao, sinasabi ng mga eksperto
sa pandinig na kamangha-mangha pa rin ang kombinasyon ng mga tainga at utak ng tao. Natutukoy ng ating pandinig ang lakas at tono ng tunog, at kung saan at kung gaano kalayo ang pinanggagalingan nito. Kung walang problema sa pandinig ang isang tao, mga 20 hanggang 20,000 hertz, o siklo ng sound oscillation sa bawat segundo, ang frequency ng tunog na maririnig niya. Pinakasensitibo ang ating tainga kapag ang tunog ay mula 1,000 hanggang 5,000 hertz. Bukod diyan, nadedetek nito ang kahit isang hertz lang na pagbabago.Talagang napakatalas ng ating tainga anupat nakaririnig ito ng mga tunog kahit na ang vibration, o galaw, ng hangin sa eardrum ay wala pa sa isang diyametro ng isang atomo! Ayon sa isang kurso sa unibersidad may kinalaman sa pandinig, “ang sistema ng pandinig ng tao ay malapit na sa ipinapalagay na pisikal na mga hangganan ng pandinig. . . . Hindi na kailangang maging mas matalas pa ang ating pandinig,” dahil kung gayon, maririnig na natin ang tunog na resulta ng paggalaw ng mga atomo at molekula ng hangin.
Ang mga vibration sa eardrum ay pinalalakas at inihahatid sa inner ear sa pamamagitan ng mga ossicle—maliliit na butong tinatawag na hammer, anvil, at stapes. Pero paano kung biglang may nakabibinging tunog? Mayroong likas na proteksiyon ang iyong mga tainga dahil ina-adjust ng mga kalamnan ng mga ito ang mga ossicle para mabawasan ang puwersa ng tunog. Pero hindi dinisenyo ang mga tainga para mahantad nang matagal sa ingay. Puwedeng permanenteng masira ang pandinig dahil dito. Kaya pakaingatan mo ang ‘kamangha-manghang’ kaloob na ito mula sa iyong Maylalang.—Awit 139:14.
Nakatutulong din ang iyong sistema ng pandinig para matukoy mo ang pinagmumulan ng isang tunog. Nagagawa natin ito dahil sa tulad-shell na hugis at mga uka ng outer ear, distansiya
ng dalawang tainga, at kakayahan ng utak na magkalkula. Kaya naman, kung ang tindi ng tunog ay bahagyang magkaiba sa bawat tainga o kung ang tunog ay unang marinig ng isang tainga nang kahit ika-30 milyong bahagi ng isang segundo kaysa sa kabila, agad na tuturuan ng iyong utak ang iyong mga mata na tumingin sa pinagmumulan ng tunog.Kaya mo bang kalkulahin iyan? Magagawa mo lang iyan kung marunong ka ng advanced mathematics—at kailangang napakabilis mo! Kung may makapagdidisenyo ng sistema ng “pandinig” na hawig man lang nang kaunti sa pandinig na ibinigay sa atin ng Maylalang, tiyak na tatanggap siya ng maraming parangal. Pero kumusta naman ang kagila-gilalas na mga gawa ng Diyos? Naririnig mo bang pinasasalamatan Siya ng mga tao dahil sa mga ito?—Roma 1:20.
Ang Iyong mga Mata
Ayon sa ilang mananaliksik, nakukuha ng mga taong malilinaw ang mata ang mga 80 porsiyento ng kanilang impormasyon tungkol sa mga bagay na nasa paligid nila sa pamamagitan ng kanilang mga mata. Sa tulong ng ating utak, ang ating mga mata ay nakakakita ng iba’t ibang kulay, nakasusubaybay sa gumagalaw na mga bagay, nakakakilala ng mga disenyo at hugis, at nakakakita ng taas, haba, at lapad ng isang bagay.
Nakakakita rin tayo ng iba’t ibang tindi ng liwanag. Paano ito nagagawa ng mata? Halimbawa, ang diyametro ng balintataw ng mata ay puwedeng lumaki nang mula 1.5 milimetro hanggang 8 milimetro para dumami nang 30 ulit ang liwanag na pumapasok sa mata. Saka naman tumatagos ang liwanag sa lente, na nagpopokus nito sa retina, anupat tumitindi ang enerhiya ng liwanag nang 100,000 ulit. Kaya huwag na huwag tumitig sa araw kung wala kang suot na proteksiyon sa mata!
Sa retina naman ay may dalawang uri ng photoreceptor—ang mga cone (mga 6 na milyon), na nagbibigay ng kulay at high resolution sa ating paningin, at ang mga rod (120-140 milyon), na mahigit sanlibong ulit na mas sensitibo sa mga cone at tumutulong sa atin para makakita kahit medyo madilim. Sa katunayan, kapag maganda ang kalagayan, kayang madetek ng isang rod ang isang photon, o maliit na partikula ng liwanag!
Mayroon ding ginagampanang papel ang mga neuron ng retina na konektado sa mga cone at rod. Kayang mag-adjust ng mga neuron “sa loob lang ng ilang segundo at mapalilinaw nito nang 10 ulit o higit pa ang paningin kung gabi,” ang sabi ng American Optometric Association. “Ang kakayahang mag-adjust ng mga neuron ay maihahalintulad sa pagkakaroon ng low-speed at high-speed na film sa iyong kamera.”
Kadalasan, ang mga inhinyero ay nagdidisenyo ng mga kamera, scanner, at computer, pati na ng mga software para sa mga ito. Pero hindi pa rin kayang tapatan ng mga ito ang pagtutulungan at kahusayan ng mga sangkap ng ating sistema ng pandama. Kung gayon, tanungin ang sarili, ‘Makatuwiran bang sabihin na nagkataon lang ang ating napakahusay na sistema ng pandama, gaya ng sinasabi ng mga ebolusyonista?’ Kumpara sa atin, maaaring kaunti lang ang alam noon ng lingkod ng Diyos na si Job tungkol sa katawan ng tao. Pero naudyukan siyang sabihin sa Diyos: “Ang iyong sariling mga kamay ang humubog sa akin.”—Job 10:8.
Ang Iyong Utak
Napakahusay ng utak sa pagpoproseso ng mga signal na dumarating dito sa pamamagitan ng mga nerbiyo ng mga sangkap sa pandama. Iniuugnay rin ng utak ang mga signal na ito sa mga impormasyong nakaimbak dito. Dahil sa isang partikular na amoy, puwedeng maalaala ng iyong utak ang isang matagal nang karanasan o pangyayari. At kahit maliit na bahagi lang ng isang pamilyar na bagay ang makita mo—halimbawa, ang dulo ng buntot ng iyong pusa—pupunan ng iyong utak ang kulang na detalye kaya alam mong nariyan lang sa tabi ang pusa mo.
Siyempre pa, hindi nakaprograma sa iyong utak ang hitsura ng mga pusa, kung paanong hindi nakaprograma rito ang amoy ng rosas o lagaslas ng tubig o pakiramdam ng balahibo ng hayop. Ang mga bagay na ito ay natutuhan ng iyong utak. Pinatutunayan iyan ng kaso ng mga taong ipinanganak na bulag pero nakakakita na, marahil ay sa tulong ng operasyon. Kailangang matutuhan ng kanilang utak na bigyang-kahulugan
ang mga nakikita na nila ngayon. Kumusta ang mga taong ito?Sa kalaunan, nakakadetek na sila ng kulay, galaw, at simpleng mga bagay. Pero pagkatapos nito, iba-iba na ang pagsulong nila. Halimbawa, mabilis matuto ang mga bata. Pero iba ang kaso ng matatanda. Hiráp silang kumilala man lang ng mga mukha. Nakalulungkot pa, pangkaraniwan sa mga adultong ito ang makadama ng “labis-labis na kagalakan na susundan naman ng pagkadismaya at kalituhan dahil sa pagkakaroon ng paningin, na kadalasa’y humahantong sa matinding depresyon,” ang sabi ng Koch Laboratory sa California Institute of Technology.
Kaya naman, higit nating napahahalagahan ang pagpapagaling na ginawa ni Jesu-Kristo noong panahon ng ministeryo niya sa lupa. Hindi lang nabuksan ang mga mata at tainga ng mga bulag at bingi kundi nakilala rin nila ang mga tanawin at tunog sa paligid nila. Ang mga pipi rin ay nagsalita nang normal, na talagang kamangha-mangha lalo na para sa mga isinilang na may ganitong kapansanan. (Mateo 15:30; Marcos 8:22-25; Lucas 7:21, 22) At nakatitiyak tayo na walang sinuman sa mga bulag na pinagaling ni Jesus ang nagkaroon ng depresyon. Sa katunayan, isang lalaking pinagaling ni Jesus ang nagtanggol sa kaniya at nagsabi sa kaniyang mga kalaban sa relihiyon: “Mula noong sinauna ay hindi pa narinig kailanman na may sinumang nagdilat ng mga mata ng isang ipinanganak na bulag. Kung ang taong ito ay hindi mula sa Diyos, wala siyang magagawang anuman.”—Juan 9:1-38.
Tatalakayin sa susunod na artikulo ang ilan sa mga katangian natin, gaya ng lakas ng loob at pag-ibig. Bakit kaya mga tao lang ang nakapagpapakita ng ganitong mga katangian? Ang pagtataglay natin ng pambihirang mga katangiang ito ay tiyak na malaking hamon para sa mga taong nagsasabi na matataas na anyo lang tayo ng hayop.
[Kahon sa pahina 7]
ANG IYONG KAMANGHA-MANGHANG UTAK
Paano nagagawa ng iyong utak na makadama, makarinig, makakita, at makaamoy? Hindi ito maipaliwanag ng mga siyentipiko. “Walang pahiwatig sa iyong utak kung paano mo nakikita ang mga salitang binabasa mo ngayon,” ang sabi ng siyentipikong si Gerald L. Schroeder.
Isinulat pa niya: “Ang pagsisiwalat sa dati’y di-maunawaan at masalimuot na mga proseso sa utak ay naging hamon sa napakasimpleng teoriya ng di-sinasadyang ebolusyon ng buhay.” Idinagdag niya: “Kung alam lang ni Darwin ang karunungang nakakubli sa buhay, natitiyak kong ibang-iba ang teoriyang itataguyod niya.”
[Dayagram/Mga larawan sa pahina 5]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Maliliit na buto
Hugpungan
Kontrol ng kalamnan
Matalas na pandamdam
[Larawan]
Bakit maraming nagagawa ang ating mga kamay?
[Larawan sa pahina 7]
Ang mga signal na mula sa mga sangkap ng pandama ay pinoproseso ng utak at iniuugnay sa mga impormasyong nakaimbak dito