Isang Bagay na Mas Mahalaga Kaysa sa Ating Buhay Ngayon
Isang Bagay na Mas Mahalaga Kaysa sa Ating Buhay Ngayon
Ayon sa salaysay ni Murat Ibatullin
Noong 1987, ipinadala ako ng Russian Ministry of Health sa Uganda, Aprika. Pumayag akong maglingkod doon bilang doktor sa loob ng apat na taon. Ang totoo, ayaw ko na sanang bumalik sa Russia dahil gusto kong magkaroon ng higit pang karanasan para makapaglingkod sa Australia, Canada, o Estados Unidos ng Amerika. Pero noong 1991, nagbago ang mga plano ko at bumalik ako sa Russia. Hayaan ninyong ikuwento ko kung bakit.
ISINILANG ako noong 1953 sa lunsod ng Kazan’, ang kabisera ng Republika ng Tatarstan sa gitna ng Russia. Ang mga magulang ko ay Tatar. Karamihan ng mga Tatar ay Muslim. Noong bata pa ako, nakikita ko ang lolo’t lola ko na lumuluhod at nagdarasal kay Allah. Sinasabi sa amin ng mga kapatid ni Nanay, pati na nina Tatay at Nanay, na umalis kami sa kanilang silid at huwag silang istorbohin. Kinikindatan kami ng mga magulang ko dahil nahihiya sila. Komunista na kasi sila noon at nag-aangking mga ateista.
Noong ako’y apat na taóng gulang, naging biktima ako ng huling epidemya ng polio sa Unyong Sobyet. Kaya noong bata pa ako, pabalik-balik ako sa mga ospital at sanatorium para magpa-check-up. Natatandaan kong nagdarasal si Lolo para gumaling ako. Gusto kong maging gaya ng ibang bata, kaya kahit may diperensiya ang isa kong binti, naglalaro pa rin ako ng soccer, hockey, at iba pang isport.
Noong lumalaki na ako, gusto kong maging doktor. Hindi ako relihiyoso, pero hindi naman ako ateista. Hindi ko lang talaga naiisip ang tungkol sa Diyos. Ayoko sa ideolohiya ng mga Komunista kaya madalas akong makipagtalo sa aking tatay at tiyuhin. Nagtuturo ng pilosopiya ang tiyuhin ko sa isang unibersidad. Nagtatrabaho naman si Tatay sa State Security Committee, na kilala bilang KGB. Nang matapos ko ang pagdodoktor, gusto ko namang maging isang mahusay na neurosurgeon at mangibang-bansa.
Paghahanap ng Magandang Buhay
Noong 1984, natapos ko ang aking doctoral dissertation may kinalaman sa diyagnosis ng mga tumor sa utak. Pagkatapos, noong 1987, ipinadala ako sa isang ospital sa Mulago, na nasa magandang bansa ng Uganda. Kasama ko ang aking asawang si Dilbar, at ang aming mga anak na sina Rustem at Alisa, edad pito at apat noon. Mahirap ang trabaho ko sa ospital, kasama na rito ang pag-oopera sa mga pasyenteng may HIV. Madalas din akong pumunta sa iba’t ibang klinika sa buong bansa. Dalawa lang kasi ang neurosurgeon sa buong Uganda.
Isang araw, sa kauna-unahang pagkakataon, nakakita kami ni Dilbar ng Bibliyang Ruso sa isang tindahan ng aklat. Bumili kami ng ilang kopya para ipadala sa mga kaibigan namin sa Unyong Sobyet. Mahirap kasing bumili roon ng Bibliya. Ilang kabanata rin ang nabasa namin pero dahil mahirap maintindihan, itinigil namin ang pagbabasa nito.
Sa loob ng tatlong taon, pumunta kami sa iba’t ibang simbahan sa Uganda. Gusto naming malaman kung ano ang paniniwala ng mga tagaroon at kung ano ang pakinabang nila rito. Pinag-aralan ko rin ang Koran sa orihinal na wika nito. Sa katunayan, nag-aral kami ni Rustem ng wikang Arabe. Sa loob lang ng ilang buwan, kaya na naming magsalita nito sa pang-araw-araw na usapan.
Noong panahong iyon, nakilala namin ang mga misyonerong nagtuturo ng Bibliya na sina Heinz at Marianne Wertholz, na mula sa Alemanya at Austria. Sa simula, hindi namin pinag-usapan ang relihiyon. Katulad lang din kami ng ibang mga Europeo na nagkakakilala sa Aprika. Tinanong namin sila kung bakit sila nasa Uganda. Sila pala ay mga Saksi ni Jehova, at naroon sila para tulungan ang mga tao na mag-aral ng Bibliya.
Naalaala ko na noong pumapasok pa ako sa isang klase sa pilosopiya sa unibersidad sa Russia, sinabihan kami na ang mga Saksi ay isang sekta na naghahain ng mga anak at umiinom ng dugo ng mga ito. Sinabi ko ang tungkol dito kina Heinz at Marianne dahil sigurado akong hindi sila sang-ayon sa gawaing ito. Pareho kaming tumanggap ni Dilbar ng aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa. Halos matapos namin ang aklat sa loob lang ng ilang oras. Nang huminto ako sa pagbabasa, tinanong ko si Dilbar kung ano ang masasabi niya. Tuwang-tuwa raw siya sa kaniyang nababasa at tumitindig pa nga ang kaniyang balahibo! Sinabi ko sa kaniya na ganoon din ang nararamdaman ko.
Mula noon, sabik kaming makausap uli sina Heinz at Marianne. Nang magkita-kita kami, marami kaming paksang pinag-usapan. Talagang tumagos sa aming puso ang mga natututuhan namin sa Bibliya. Ipinakipag-usap namin ang mga ito sa aming mga kaibigan at katrabaho. Ang ilan sa kanila ay ang embahador ng Russia, mga konsul ng Russia at ibang mga bansa, at isang kinatawan ng Vatican. Nagulat kami nang sabihin ng kinatawan ng Vatican na “alamat lang” ang Lumang Tipan.
Pagbalik sa Russia
Isang buwan bago kami bumalik sa Russia noong 1991, nagpasiya kami ni Dilbar na maging mga Saksi ni Jehova. Naisip namin na pagbalik sa Kazan’, dadalo kami agad ng mga pulong. Pero nagulat kami na sa loob ng tatlong buwan, bukod sa wala kaming makitang Kingdom Hall, wala rin kaming matagpuang mga Saksi! Kaya ipinasiya naming magbahay-bahay,
gaya ng ginagawa ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig, kahit kaming dalawa lang. Dahil dito, napasimulan naming turuan sa Bibliya ang ilang tao, kasama na ang isang babae na nang maglaon ay naging Saksi.Pagkatapos nito, dinalaw kami ng isang may-edad nang Saksi na nakatanggap ng aming adres mula sa mga Saksi sa Uganda. Nagsimula kaming dumalo sa pulong ng isang grupo ng 15 katao sa isang maliit na apartment. May komunikasyon pa rin kami kina Heinz at Marianne. Pumunta pa nga sila sa Kazan’ para bisitahin kami. Nang maglaon, kami naman ang bumisita sa kanila sa Bulgaria, ang sumunod nilang atas bilang mga misyonero. Doon pa rin sila naglilingkod hanggang ngayon.
Naging Mabunga ang Gawain sa Russia
Sinasamantala ko ang lahat ng pagkakataon para ibahagi ang katotohanan sa Bibliya sa mga nagtatrabaho sa mga ospital na pinapasukan ko sa Russia. Marami rin ang naging mga Saksi ni Jehova, kabilang na ang ilang medical staff. Noong 1992, isang taon pagkabalik namin sa Russia, 45 na ang Saksi sa Kazan’; at nang sumunod na taon, mahigit 100 na. Sa ngayon, mayroon nang pitong kongregasyon ng mga Saksi sa Kazan’—lima sa wikang Ruso, isa sa Tatar, at isa sa wikang pasenyas. Mayroon ding mga grupo sa wikang Armeniano at Ingles.
Noong 1993, dumalo ako sa isang medical conference sa New York City, at nagkaroon ako ng pagkakataong pumunta sa punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn. Nakilala ko si Lloyd Barry, na tumutulong sa pag-oorganisa ng gawaing pangangaral ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig. Kahit na abalang-abala siya, naglaan siya ng oras para makausap ako.
Pinag-usapan namin na kailangan ng mga literatura sa Bibliya sa wikang Tatar. Pagkalipas ng ilang taon, bumuo sa Russia ng isang team na magsasalin sa wikang ito, kaya nagkaroon na ng mga literatura sa wikang Tatar. Tuwang-tuwa kami nang regular na kaming nakatatanggap ng magasing Ang Bantayan, na dinisenyo para sa pag-aaral ng Bibliya! Di-nagtagal, nabuo ang isang kongregasyon sa wikang Tatar.
Pag-oopera Nang Walang Dugo
Sinusunod ko ang lahat ng kautusan ng Diyos sa moralidad, kasama na ang mababasa sa Gawa 15:20 na nag-uutos sa mga lingkod ng Diyos na “umiwas . . . sa dugo.” Idinagdag pa ng talata 29 na ang mga lingkod ng Diyos ay dapat na “patuloy na umiwas sa mga bagay na inihain sa mga idolo at sa dugo at sa mga bagay na binigti at sa pakikiapid.”
Kaya naman kapag nagpapagamot ang mga Saksi ni Jehova, hinihiling nila sa mga doktor na igalang ang kanilang pasiya na huwag magpasalin ng dugo. May panahong naging miyembro ako ng Hospital Liaison Committee ng mga Saksi sa Kazan’. * Noong 1997, kinontak kami ng ina ng isang-taóng-gulang na si Pavel mula sa lunsod ng Novosibirsk. Kailangang maoperahan agad si Pavel. Nang panahong iyon, iilan lang ang doktor sa Russia na pumapayag na mag-opera nang walang dugo. Tinulungan namin silang maghanap ng doktor na papayag sa ganitong kaayusan.
Di-nagtagal, nakakita kami ng isang ospital sa Kazan’ na may mga doktor na pumayag mag-opera kay Pavel. Noong Marso 31, 1997, matagumpay na naoperahan nang walang pagsasalin ng dugo si Pavel mula sa kaniyang sakit sa puso na tinatawag na tetralogy of Fallot. Noong Abril 3, iniulat ng pahayagang Vechernyaya Kazan: “Nasa mabuting kalagayan na ang sanggol
at hindi na niya kailangan ang mga gamot sa puso. Nakahinga na ulit nang maluwag ang ina ni Pavlik [palayaw ni Pavel] pagkalipas ng labing-isang buwan.” Mabilis na gumaling si Pavel at sa pasilyo ng ospital siya natutong maglakad.Malusog na ngayon si Pavel at namumuhay nang normal. Mahilig siyang lumangoy, mag-ice skating, at maglaro ng soccer. Nasa ikawalong grado na siya sa paaralan. Siya at ang kaniyang ina ay miyembro ng kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa lunsod ng Novosibirsk. Bukod kay Pavel, ilang Saksi ni Jehova rin na may sakit sa puso ang matagumpay na naoperahan nang walang dugo sa ospital na iyon. Patuloy na sumusulong ang larangan ng medisina sa Tatarstan, at naging pangkaraniwan dito ang pag-oopera nang walang dugo.
Ang Trabaho Ko Ngayon
Kaming mag-asawa, pati na ang ibang Saksi, ay nagtatrabaho sa isang klinika na gumagamit ng mga high-tech na pamamaraan ng paggamot sa mga may diperensiya sa puso at nervous system. Tumutulong kami sa iba’t ibang operasyon, lalo na sa mga pasyenteng ayaw magpasalin ng dugo. Nagtatrabaho ako bilang neuroradiologist, at pinalalawak ko pa ang kaalaman ko sa noninvasive bloodless neurosurgery. Bilang isang propesor sa Department of Neurology and Neurosurgery sa Kazan’ State Medical University, naglelektyur ako sa mga estudyante at doktor at tinutulungan ko silang makita ang mga bentaha ng paggamot nang walang dugo. *
Nagtatrabaho rin si Dilbar sa ospital bilang espesyalista sa ultrasound. Nasisiyahan kami sa aming trabaho dahil nakatutulong kami sa mga tao. Pero mas nasisiyahan kaming makita kung paano pinagagaling ng mga katotohanan sa Bibliya ang mga tao mula sa kanilang sakit sa espirituwal. Maligaya kaming sabihin sa mga tao na malapit nang matupad ang pangako ng Diyos na “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’”—Isaias 33:24.
[Mga talababa]
^ par. 23 Ang Hospital Liaison Committee ay grupo ng mga Saksi ni Jehova na tumutulong kapuwa sa mga doktor at pasyente kapag nagiging isyu ang pagsasalin ng dugo.
^ par. 27 Ang mga paraan ng paggamot nang walang dugo ay mga alternatibo sa pagpapasalin ng dugo. Dahil sa dami ng panganib sa pagpapasalin ng dugo, nagiging popular sa buong daigdig ang paggamot at pag-oopera nang walang dugo. Ilan sa mga panganib ay ang pagkakaroon ng HIV at iba pang impeksiyon, pati na ng mga allergic reaction.
[Larawan sa pahina 12]
Naging doktor sa Aprika
[Larawan sa pahina 13]
Nang magsimula kaming mag-asawa na makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, 1990
[Larawan sa pahina 14]
Nakilala ko si Lloyd Barry sa Brooklyn, New York, 1993
[Larawan sa pahina 15]
Si Pavel at ang kaniyang ina
[Larawan sa pahina 15]
Kasama ang aking asawang si Dilbar sa ministeryo