Kung Paano Binago ng Lagay ng Panahon ang Kasaysayan
Kung Paano Binago ng Lagay ng Panahon ang Kasaysayan
KASAYSAYAN mismo ang nagpapakita na malaki ang ginampanang papel ng lagay ng panahon sa naging takbo ng mga pangyayari sa mundo. Isaalang-alang natin ang dalawang halimbawa.
Nang Humagupit ang Bagyo
Noong 1588, nagsugo si Haring Felipe ng Espanya ng isang pangkat ng mga barko, kilala bilang ang Spanish Armada, para lusubin ang Inglatera. Pero dahil sa lagay ng panahon, hindi nangyari ang mga bagay-bagay ayon sa plano.
Pumasok ang mga barko ng Espanya sa English Channel. Pero sinagupa ang mga ito ng mga barko ng Inglatera na mas madaling imaniobra. Matapos magtamo ng bahagyang pinsala, dumaong ang Spanish Armada malapit sa Calais. At ayon sa utos, hahakot ito ng mga kawal para sa pagsalakay sa Inglatera.
Samantala, habang madilim pa, sinunog ng mga Ingles ang ilan sa mga barko nila at ipinatangay sa hangin at alon patungo sa nakaangklang mga barko ng Espanya. Pinutol agad ng mga Kastila ang tali ng angkla ng marami sa mga barko nila para hindi tamaan ng nagliliyab na mga barko. Pero magiging kapaha-pahamak sa mga Kastila ang ginawa nilang iyon.
Pagkatapos ng pangyayaring iyon sa Calais, ang dalawang pangkat ng mga barko ay tumungo sa North Sea habang itinutulak ng hangin. Naubos na ang suplay ng pulbura ng mga Ingles kaya dumaong sila sa baybayin ng Inglatera. Samantala, hindi makabalik sa Espanya ang mga Kastila dahil pasalunga sila sa hangin at nasa daraanan nila ang mga Ingles. Kaya napilitan silang maglayag pahilaga at lumibot sa Scotland. Pagkatapos, naglayag sila patimog hanggang sa makalampas sa Ireland para makabalik sa Espanya.
Sa pagkakataong ito, kinakapos na sa pagkain at tubig ang mga barko ng Espanya, at lulan ng napinsalang mga barko ang maraming sugatán, pati na ang mga nagkasakit ng scurvy. Kaya kakaunting pagkain na lang ang ibinibigay sa lahat, na lalong nagpahina sa mga tripulante.
Pagkalibot ng mga barko sa Scotland, isang napakalakas na bagyo sa Atlantiko
ang tumangay sa maraming barko patungo sa baybayin ng Ireland. Kapag may bagyo, karaniwan nang ibinababa ang mga angkla hanggang sa humupa ang malakas na hangin. Pero dahil pinutol na ang tali ng mga ito para iwasan ang nagliliyab na mga barko ng kalaban, 26 na barko ng Espanya ang nawasak sa baybayin ng Ireland at mga 5,000 hanggang 6,000 ang namatay.Nang makabalik ang Armada sa Espanya, halos 20,000 na ang nasawi at napakaraming barko na ang nawasak. Tiyak na ang pangunahing dahilan sa napakalaking pinsalang ito ay ang lagay ng panahon. Lumilitaw na ganiyan din ang palagay ng mga Olandes, na kakampi ng mga Ingles. Nang maglaon, inilagay ng mga Olandes sa isang medalyang gumugunita sa pagkatalo ng Spanish Armada ang paniniwala ng karamihan na ang Diyos ang may kagagawan sa mga likas na sakuna. Ganito ang iniukit nila sa medalya: “Humihip si Jehova at nangalat sila.”
Natalo Dahil sa Ulan
Ang isa pang halimbawa ay ang Battle of Waterloo noong 1815. Ayon sa kasaysayan, mahigit 70,000 lalaki ang namatay o nasugatan sa labanang ito sa loob lang ng ilang oras. Ang Waterloo ay mga 21 kilometro sa timog ng Brussels, Belgium. Pinili ng Britanong Duke ng Wellington na dito maglaban at pumuwesto sa mas mataas na lugar. Bagaman mas marami ang hukbong Pranses ni Napoleon, kailangan nilang talunin ang mga tropa ni Wellington bago gumabi dahil paparating na ang hukbo ng Prussia na tutulong kay Wellington. Muli, malaking papel na naman ang ginampanan ng lagay ng panahon.
Napakalakas ng ulan noong gabi bago ang labanan. Ayon sa karamihan ng mga sundalo, iyon ang pinakamiserableng gabi sa kanilang buhay. Bagaman may ilan na nakapagtayo ng maliliit na tolda, isang sundalo ang nagreklamo na parang nakahiga sila sa lawa dahil basang-basa ang kanilang higaan. Dahil sa lakas ng ulan, nagputik ang lupa. Para matalo agad si Wellington, gustong simulan ni Napoleon ang pag-atake sa pagbubukang-liwayway. Pero ilang oras pa ang lumipas bago nila nagawa iyon.
Hindi sila agad nakaatake dahil kailangan nilang hintaying matuyo nang kaunti ang lupa bago simulan ang labanan. Bukod diyan, halos nawalan ng silbi ang mga kanyon ni Napoleon. Una, hindi nakakaabot sa malayo ang mga bala dahil nahirapan silang imaniobra sa putikan ang mga kanyon. Pangalawa, dapat sanang tumalbog ang mga bala ng kanyon para mas malaki ang maging pinsala sa mga tropa ni Wellington, pero nababawasan ang puwersa nito dahil tumatama ito sa basang lupa. Napakasaklap nito para kay Napoleon at sa mga tropa niya. Dahil sa lagay ng panahon, natalo ang hukbo niya, at siya ay ipinatapon.
Sa dalawang pangyayaring ito sa kasaysayan, lumilitaw na talagang malaki ang ginampanang papel ng lagay ng panahon sa naging takbo ng mga pangyayari sa mundo, pati na sa pagbangon ng Imperyo ng Britanya.
[Larawan sa pahina 24]
Ang Spanish Armada
[Credit Line]
© 19th era/Alamy
[Larawan sa pahina 25]
Ang Battle of Waterloo
[Credit Line]
© Bettmann/CORBIS