Ang mga Kabataan ay Nagtatanong
Paano ba Ako Mag-iiwan ng Magandang Impresyon?
“Walang kahirap-hirap ’tong interview na ’to! Kitang-kita naman ng bagong boss ko na confident ako. Hindi ko siya tinatawag na ‘Sir’ para makita niyang hindi ako naiilang sa kaniya. Siguradong tanggap na ’ko!”
“Sa kaniya ba talaga ang nakaka-impress na résumé na ’to? Hinding-hindi ko siya kukunin! Nag-aaplay pa nga lang siya, ganito na siya umasta, paano pa kaya kung empleado na siya dito?”
Tingnan ang eksena. Ano kaya ang tatlong dahilan kung bakit pangit ang naging impresyon sa aplikante?
-
․․․․․
-
․․․․․
-
․․․․․
Nasa ibaba ang sagot
1. Masyadong casual ang suot ng lalaki para sa job interview. 2. Wala siyang galang makipag-usap (hindi niya tinatawag na “Sir” ang kausap niya). 3. Hindi siya pormal kumilos.
KUNWARI’Y unang beses mong titikman ang isang pagkain. Ilang subo kaya bago mo masabing gusto mo o ayaw mo ng pagkaing iyon? Baka isang tikim pa lang, alam mo na kung kakain ka pa uli nito—o kung uubusin mo pa ang nakahain sa iyo.
Ganiyan din kapag unang beses mong nakilala ang isang tao. Kaagad kang nakakabuo ng impresyon tungkol sa kaniya. At siyempre, sa ganiyan din kaikling panahon, nakakabuo rin siya ng impresyon tungkol sa iyo.
Naghahanap ka ba ng trabaho? kaibigan? o mapapangasawa? Malaki ang magagawa ng unang impresyon na maiiwan mo. Tingnan natin ang tatlong bagay na kailangan mong pasulungin para makapag-iwan ka ng magandang impresyon sa iba.
1. Ang Iyong Hitsura
Sa ayaw at sa gusto mo, ang unang impresyon sa iyo ay depende sa unang nakikita ng mga tao, ang iyong hitsura. Pero karaniwan nang nalilimutan na mahalaga ang hitsura para makapag-iwan ng magandang impresyon. Sinabi ng dalagang si Clarissa, * “Kapag pupunta ka ngayon sa restaurant, hindi mo na alam kung naka-gown o nakapadyama ang mga taong nandoon!”
Siyempre, dapat angkop sa okasyon ang isusuot mo. Halimbawa, kung may job interview ka, hindi ka magsusuot ng pam-beach! Pero paano kung hindi ka sigurado sa dapat mong isuot? Ang importante ay maging balanse. Kung nag-aalangan ka, magsuot ng disenteng damit.
TANDAAN! Ang iyong pananamit at pag-aayos ay parang X-ray—puwedeng makita rito kung ano ka sa loob.
“Kapag nakakakita ako sa party ng mga taong masagwang manamit, umiiwas ako sa kanila. Kaya ang natatandaan ko lang sa kanila ay ang hitsura nila. Hindi tuloy maganda ang naiiwan nilang impresyon.”—Diane.
Inirerekomenda ng Bibliya ang “maayos na pananamit” na nagpapakitang ikaw ay may “kahinhinan at katinuan ng pag-iisip.”—1 Timoteo 2:9.
Tanungin ang sarili: ‘Maayos ba akong manamit, o burara ako? Iisipin kaya ng isang potensiyal na boss, kaibigan, o mapapangasawa na wala akong “katinuan ng pag-iisip” dahil sa aking pananamit?’
Mungkahi: Humingi ng payo sa isa na hinahangaan mo pagdating sa pananamit.
2. Ang Iyong Pananalita
Makikita sa iyong pananalita kung mapagpakumbaba ka o mayabang, kung cool ka lang
o kulang sa pansin. Mahalaga iyan kung gusto mong makapag-iwan ng magandang impresyon sa taong nagugustuhan mo. “Nakakainis y’ong lalaking kapag kausap mo, lagi na lang siya ang bida,” ang sabi ni Valerie. “Pero nakakainis din naman y’ong lalaking lahat na lang ay itinatanong. Ayokong kausap ang mga gano’n.”TANDAAN! Nasasalamin sa iyong pananalita ang iyong pagkatao—kaya maging maingat sa pagsasalita!
“Importante ang unang pagkikita. Kung may makilala akong isang binata, gusto ko y’ong natural lang. Kapag masyado siyang praktisado sa sasabihin niya, ibig sabihin, hindi ’yon ang natural niya.”—Selena.
Sinasabi ng Bibliya: “May masasabi kang mali kung ikaw ay masalita—kaya maging marunong at mag-ingat sa sasabihin.”—Kawikaan 10:19, Contemporary English Version.
Tanungin ang sarili: ‘Paano kaya ako magiging balanse—hindi masyadong madaldal, pero hindi rin naman tameme? May nasasabi ba akong nakakagulat o nakakasakit sa iba?’
Mungkahi: Obserbahan ang mga kilala mong mahusay makipag-usap. Ano ang ginagawa nila para magtuluy-tuloy ang usapan? Puwede mo kaya silang tularan?
3. Ang Iyong Pagkilos
May kasabihan na, “Actions speak louder than words.” Halimbawa, kung may magandang asal ka, “sinasabi” ng iyong pagkilos na may respeto ka sa iba. Magandang tip iyan kung naghahanap ka ng mapapangasawa. “Kahit sa mga simpleng bagay lang, gaya ng pagbubukas ng pinto, maipapakita mo nang may respeto ka,” ang sabi ng dalagang si Carrie. “Ni hindi mo nga kailangang pag-aralan ang mga ’yon.”
TANDAAN! Ang iyong pagkilos ay parang billboard na nagpapakilala ng iyong pagkatao. (Kawikaan 20:11) Ano ang “ina-advertise” ng pagkilos mo?
“Sa tingin ko, mahalaga na mahusay kang makinig. At kagandahang-asal din kung hindi ka sasabad kapag nagsasalita ang kausap mo, maliban na lang kung talagang kailangan.”—Natalia.
Sinasabi ng Bibliya: “Gawin ninyo sa mga tao ang gusto ninyong gawin nila sa inyo.”—Lucas 6:31, Biblia ng Sambayanang Pilipino.
Tanungin ang sarili: ‘Mayroon ba akong mabuting asal? Iniisip ko ba ang kapakanan ng iba? Maaasahan ba ako? Dumarating ba ako sa oras?’
Mungkahi: Sikaping makarating nang mas maaga nang kahit sampung minuto, para magkaaberya man, nasa oras ka pa rin. Huwag mong hayaang makilala kang laging late!
Paalala: Ang paggawa ng magandang impresyon ay hindi dapat na pakitang-tao, kasi pandaraya iyon. (Awit 26:4) Sa halip, isipin kung sa anong mga katangian gusto mong makilala ka at pasulungin ang mga iyon. (Colosas 3:9, 10) Tandaan, ikaw ang gumagawa ng sarili mong reputasyon. Kung bibigyang-pansin mo ang iyong hitsura, pananalita, at pagkilos, makapag-iiwan ka ng magandang impresyon—impresyong hindi malilimutan!
^ par. 15 Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.