Isang Taon sa Buhay ng mga Pastol sa Wales
Isang Taon sa Buhay ng mga Pastol sa Wales
MAHIGIT isang bilyong tupa ang inaalagaan ng mga pastol sa buong daigdig. Bawat panahon sa buong taon ay may kani-kaniyang hamon. Ikinuwento nina Gerwyn, Ioan, at Rhian ang trabaho ng mga pastol sa kabundukan ng Wales, kung saan halos tatlong beses ang dami ng tupa kaysa sa tao.
Tagsibol—Panahon ng Panganganak
Tuwing tagsibol, araw at gabing nagtatrabaho ang mga pastol para tulungan sa panganganak ang mga inahing tupa.
Gerwyn: “Bagaman talagang nakakapagod ang panahon ng panganganak ng mga tupa, ito ang pinakamasayang bahagi ng taon, at napakalaking tulong ng mga asong turuan. Kapag nahihirapan ang inahin, hinuhuli ito ng aso ko at pinipigilan para matulungan ko ito.”
Ioan: “Kahit maraming beses na akong nagpaanak ng mga inahing tupa, tuwang-tuwa pa rin akong makakita ng bagong-silang na tupa!”
Tag-araw—Panahon ng Paggugupit
Pagdating ng tag-araw, ginugupit ng pastol ang balahibo ng tupa na maaaring tumimbang nang hanggang 10 kilo, depende sa lahi ng tupa. Mga 250 tupa ang kayang gupitan ng isang pastol sa maghapon.
Rhian: “Inaalis ko muna ang maruruming balahibo sa gawing buntot ng tupa bago ito gupitan. Sa loob ng dalawang minuto, natatapos gupitan ng isang bihasang manggugupit ang tupa gamit ang de-motor na pang-ahit. Tumutulong din ako sa paglilinis ng mga balahibo, saka ko ito inirorolyo nang maayos at inilalagay sa mga sako para ibenta.”
Sa kapatagan, umaasa ang mga pastol na huwag sanang umulan nang dalawang linggo para makagapas sila ng damo na gagawing primera-klaseng dayami. Kakainin ito ng kawan sa taglamig. Tumutulong ang mga kapamilya at kaibigan sa pagsasakay nito sa mga kariton.
Ioan: “Tuwang-tuwa akong maglakad sa parang kinaumagahan pagkatapos ng paggapas.”
Taglagas—Panahon ng Pagtitipon
Para maihiwalay ang mga inahin sa kanilang mga anak, tinitipon ng mga pastol ang mga kawan mula sa mga burol.
Ioan: “Kahit walang mga bakod na halaman o bato sa ilang bundok, ang tupa ay bihirang maligaw o magpagala-gala sa katabing mga lupain. Alam ng inahing tupa ang mga boundary ng farm namin. Natutuhan niya ito sa kaniyang ina o sa pastol, at itinuturo naman niya ito sa kaniyang mga anak na babae. Pero kung minsan, inaabot kami ng ilang oras—ilang araw pa nga—sa paghahanap sa ilan na naligaw.”
Trabaho rin ng pastol ang mag-inspeksiyon, bumili, at maghanda ng mga barakong tupa para sa mga inahin. Isang barako ang kailangan para sa bawat 25 hanggang 50 inahin. Itinuturing na mahalaga ito para sa kinabukasan ng kawan.
Sa pagitan ng 10 hanggang 12 linggo matapos pagsamahin ang mga barako at mga inahin, gumagamit ng ultrasound scanner ang pastol para malaman kung aling inahin ang nabuntis at kung ilan ang magiging anak ng mga ito pagdating ng tagsibol. Ibinebenta ang mga baog. Pinagsasama-sama ang mga inahing isa lang ang magiging anak. At ang mga inahing magkakaanak ng dalawa o tatlo ay mas inaalagaan at dinaragdagan ang pagkain.
Pagpapakain sa Panahon ng Taglamig
Maraming oras ang ginugugol ng pastol para pakainin ang mga buntis na tupa kapag taglamig. Anuman ang lagay ng panahon, laging nakabantay ang pastol sa mga tupa at tinitiyak na maraming pagkain ang mga ito kapag nagyeyelo sa parang.
Gerwyn: “Sa panahong iyon, umaasa ang mga tupa sa kanilang pastol para sa pagkain at proteksiyon.”
Rhian: “Napakasarap masdan sa buong taon ang maraming pagbabago sa mga hayop at pananim—isang bonus habang ginagawa ko ang trabahong gustung-gusto ko, ang pag-aalaga sa aking mga tupa.”
[Mapa sa pahina 12]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
HILAGANG IRELAND
IRELAND
SCOTLAND
WALES
ENGLAND
[Larawan sa pahina 14]
Iniinspeksiyon ni Ioan ang isang barakong tupa
[Larawan sa pahina 14]
Si Gerwyn at ang isang turuang sheepdog