Kung Paano Maiiwasan ang mga Aksidente sa Pagmamaneho
Kung Paano Maiiwasan ang mga Aksidente sa Pagmamaneho
ISANG humaharurot na sasakyan ang biglang nagpreno at bumangga, nagliparan ang mga basag na salamin, at naghiyawan ang mga tao—ganiyan ang madalas mangyari kapag may aksidente. Iniulat ng Population Reference Bureau na sa buong daigdig, “tinatayang 1.2 milyon katao ang namamatay sa mga aksidente sa daan taun-taon, at mga 50 milyon ang nasusugatan.”
Gayunman, ang pagiging palaisip sa kaligtasan at mahusay na pagpapasiya ay makatutulong para maiwasan ang maraming aksidente. Tingnan natin kung paano.
Speed Limit, Seat Belt, at Pagte-text
May mga kalsada na parang napakababa ng speed limit. Pero lumampas ka man sa speed limit, kadalasan nang kaunting panahon lang ang matitipid mo. Ipaghalimbawa nang ang distansiya ay 80 kilometro, ang speed limit ay 100 kilometro bawat oras, at magpapatakbo ka nang 120 kilometro bawat oras, mga walong minuto lang ang matitipid mo. Sulit bang isapanganib ang buhay mo para lang makatipid nang ilang minuto?
Ang mga seat belt ay para sa kaligtasan. Ayon sa isang ahensiya ng gobyerno sa Estados Unidos, ang mga seat belt ay nakapagligtas ng mahigit 72,000 buhay sa bansang iyon sa pagitan ng 2005 at 2009. Pero kung may air bag naman, puwede bang huwag nang mag-seat belt? Hindi. Ang air bag ay ginagamit kasama ng seat belt para sa karagdagang proteksiyon. Kung hindi ka naka-seat belt, wala ring silbi ang air bag at baka mapanganib pa nga ito. Kaya ugaliing mag-seat belt at sabihan ang iyong mga sakay na magsuot din nito. Isa pang babala: Huwag na huwag mag-text o magbasa ng text habang nagmamaneho.
Kondisyon ng Kalsada at Maintenance ng Sasakyan
Mas mahina ang kapit ng gulong sa kalsada kapag ang dinaraanan ay basâ o kaya’y maalikabok, mabuhangin, o may mga graba. Kung babagalan mo ang pagmamaneho, maiiwasan mong dumulas kapag nagpreno ka. Sa ilang bansa, kung madalas magmaneho ang isa sa kalsadang punô ng snow o yelo, baka sulit na magpundar siya ng mga snow tire. Mas malalim ang tread ng mga ito at mas malakas ang kapit.
Delikado ang mga interseksiyon para sa lahat ng drayber. Ganito ang rekomendasyon ng isang eksperto: Kapag nag-green light na, huwag agad-agad umabante. Kung maghihintay ka nang ilang sandali, maiiwasan mong mabangga ng sasakyang hindi huminto sa red light.
Mahalaga na laging nasa kondisyon ang iyong sasakyan para maiwasan ang mga aksidente. Isipin na lang ang mangyayari kung hindi kumagat ang preno habang nagmamaneho ka. Para maiwasan ang ganitong mga problema, regular na dinadala ng ilan ang kanilang sasakyan sa isang mahusay na mekaniko para sa maintenance. Ang iba naman ay sila na mismo ang gumagawa nito. Alinman dito ang gawin mo, tiyaking naiinspeksiyon ang sasakyan mo at nakukumpuni ang mga sira nito.
Pag-inom ng Alak at Pagmamaneho
Ang mga drayber na responsable naman at maingat ay maaari ding maaksidente kung magmamaneho sila nang nakainom ng alak. Noong 2008, sa Estados Unidos, mahigit 37,000 katao ang namatay sa mga aksidente sa pagmamaneho. Mga sangkatlo nito ang namatay dahil ang drayber ay nakainom. Kahit kaunting alak lang ay makaaapekto na sa iyong pagmamaneho. Kaya ipinasiya ng ilan na huwag uminom ng kahit kaunti kung magmamaneho sila.
Ang pagsunod sa mga batas trapiko, pagsusuot ng seat belt, pagpapanatiling nasa kondisyon ang sasakyan, at hindi pagmamaneho nang nakainom ng alak ay tutulong para maingatan ang buhay mo at ng iba. Pero ang mga mungkahing ito ay makatutulong lang sa iyo kung susundin mo.
[Kahon/Larawan sa pahina 11]
HUWAG MAGMANEHO KAPAG INAANTOK
“Dapat tandaan na ang pagmamaneho nang inaantok ay walang ipinagkaiba sa pagmamaneho nang lasing.” Ipinakikita ng sinabing iyan ng isang opisyal ng U.S. National Sleep Foundation na ang pagmamaneho nang inaantok ay mapanganib. Ang mga sumusunod ay nagpapahiwatig na hindi ka muna dapat magmaneho: *
● Hindi ka makapagpokus, kurap ka nang kurap o namimigat ang iyong mga mata
● Napapatungo ang ulo mo
● Hikab ka nang hikab
● Hindi mo matandaan ang mga dinaanan mo
● Lumalampas ka sa mga exit at hindi napapansin ang mga traffic sign
● Napapapunta ka sa ibang linya, napapatutok sa sinusundang sasakyan, o nasasagasaan mo ang mga rumble strip sa gilid ng kalsada
Kapag nangyari sa iyo ang mga ito, hayaang iba muna ang magmaneho o pumarada ka sa isang ligtas na lugar para umidlip. Mas mahalaga ang kaligtasan mo at ng iba kaysa sa kaunting pagkaatraso!
[Talababa]
^ par. 16 Ang listahan ay mula sa National Sleep Foundation.