Paano Nagiging Hit ang Isang Kanta?
Paano Nagiging Hit ang Isang Kanta?
NAPAKAHIGPIT ng kompetisyon sa industriya ng musika. Pabagu-bago ang panlasa ng mga tao pagdating sa musika at patuloy ang dagsa ng mga bagong teknolohiya. Ang mga promoter ay “palaging naghahanap ng papatok na bagong musika,” ang sabi ng social-media expert na si Kelli S. Burns. Pero ang gayong “musika” ay hindi madaling gawing hit. “Napakaraming kabataan ang nangangarap na maging recording star, . . . pero napakarami nilang kailangang pagdaanan bago maabot ang pangarap nila at mabigyan ng kontrata,” ang sabi ng isang guidebook sa industriya.—Tingnan ang kahong “Mga Pagbabago sa Industriya ng Musika” sa pahina 6.
Paglalapat ng Liriko sa Musika
Tunguhin ng mga kompositor (1) ang sumulat ng mga lirikong makaaantig sa emosyon ng mga tao—tungkol sa kanilang mga inaasam, pinapangarap, at masidhing damdamin. Ano ang pinakapopular na tema? Tama ang hula mo—pag-ibig. Sinisikap din ng mga kompositor na kumatha ng himig na may pang-akit—madaling magustuhan at namamalagi sa isip.
Pagkatapos, kadalasan nang gumagawa ang kompositor ng sampol na rekording, o demo, ng kanta. Kung sa tingin ng mga executive ng record company ay bebenta ang kanta, maaari nilang alukin ang kompositor ng recording contract (2). Pero kung nag-aalinlangan sila sa kaniya bilang singer (baka dahil hindi siya kilalá), posibleng bilhin na lang nila ang kanta para irekord ng isang sikát na singer.
Sa Studio
Kadalasan nang kumukuha ang record company ng isang makaranasang producer para pangasiwaan ang pagrerekord (3). Siya ang pumipili ng kanta at istilo. Siya rin ang nangongontrata at nangangasiwa sa recording studio, mga music arranger, copyist, musician, backup vocalist, recording engineer, at mga kagamitan na kailangan para makabuo ng isang mahusay na produktong papatok sa mga tao.
Ang isang rekording ay karaniwan nang binubuo ng hiwa-hiwalay na rekording. Kadalasan nang inuuna ang mga drum, gitara, bass, at keyboard. Pagkatapos, idinaragdag ang mga lead vocal, backup vocalist, instrumental solo, at mga special sound effect. Pinagsasama-sama ang mga ito para makabuo ng isang master digital recording (4).
Marketing
Para makilala ang kanilang produkto, kadalasan nang gumagawa ang record company ng music video (5). Ang tatlo- hanggang limang-minutong video na ito ay parang live show at nagsisilbing publisidad. Ito pa lang ay maaari nang pagkakitaan.
Ang mga album ng mga recording artist ay laging mas mabenta sa mga lugar kung saan nagkaroon sila ng concert (6). Kaya kadalasan nang ipino-promote nila ang bagong album sa mga tour at concert. Karamihan sa mga singer ay may sariling Web site (7) na may mga sampol na kanta, larawan, video, personal blog, at balita tungkol
sa nalalapit na mga concert, pati na mga link sa mga fan club at, pinakaimportante, sa mga music store sa Internet.Sino ang nagpapasiya kung magiging hit ang isang kanta? Sa totoo lang, ikaw na tagapakinig. Kaya ano ang basehan mo sa pagpili ng musika? Ang musika lang ba o ang singer, o pinagbabasehan mo rin ang iyong mga prinsipyo sa buhay? Mahahalagang tanong ito dahil ang musika ay mapuwersa at may malaking impluwensiya sa atin. Maaalaala natin ang isang mahalagang payo mula sa ating Maylalang: “Higit sa lahat na dapat bantayan, ingatan mo ang iyong puso, sapagkat nagmumula rito ang mga bukal ng buhay.”—Kawikaan 4:23.
Paano mo masusunod ang matalinong payong iyan pagdating sa musika? At kung isa kang magulang, paano mo magagampanan ang responsibilidad na proteksiyunan ang iyong mga anak laban sa espirituwal, mental, at emosyonal na panganib?
[Kahon sa pahina 6]
Mga Pagbabago sa Industriya ng Musika
Ang isang dahilan ng napakalaking pagbabago sa industriya ng musika ay ang Internet at ang mga murang hardware at software na ginagamit sa pagrerekord. Sa ngayon, ang mga musician ay nakapagrerekord ng de-kalidad na musika kahit sa bahay at naibebenta ito sa buong daigdig. Ayon sa ulat ng magasing The Economist, “ang ilang sikát na artist ay hindi na nangailangan ng serbisyo ng isang record company.”