Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pangmalas ng Bibliya

Sinusuportahan ba ng Diyos ang mga Digmaan sa Ngayon?

Sinusuportahan ba ng Diyos ang mga Digmaan sa Ngayon?

MAY kinalaman sa kaniyang papel bilang mandirigma, sinabi ni Haring David ng sinaunang Israel: “Tinuturuan [ng Diyos] ang aking mga kamay upang makipagdigma, at ang aking mga bisig ay naghutok ng busog na tanso.”​—Awit 18:34.

Tungkol naman sa mga Kristiyano, sumulat si apostol Pablo: “Bagaman lumalakad kami sa laman, hindi kami nakikipagdigma ayon sa kung ano kami sa laman. Sapagkat ang mga sandata ng aming pakikidigma ay hindi makalaman.”​—2 Corinto 10:3, 4.

Magkasalungat ba ang dalawang tekstong iyan? O may mabubuting dahilan ba kung bakit sinang-ayunan ng Diyos na makipagdigma ang sinaunang Israel pero hindi ang mga Kristiyano? Nagbago na ba ang pangmalas ng Diyos tungkol sa digmaan? Para masagot iyan, talakayin natin ang tatlong malalaking pagkakaiba ng Israel at ng tunay na kongregasyong Kristiyano.

Tatlong Malalaking Pagkakaiba

1. Ang sinaunang Israel ay isang bansa na may mga hangganang itinakda ng Diyos at napalilibutan ng mga bansang kadalasa’y galít sa kanila. Kaya naman inutusan sila ng Diyos na protektahan ang kanilang lupain, at tinulungan pa nga niya silang matalo ang mga kaaway. (Hukom 11:32, 33) Sa kabilang dako, ang kongregasyong Kristiyano ay walang mga hangganan at ang mga miyembro nito ay nakatira sa iba’t ibang lupain. Kaya kung ang mga tagasunod ni Kristo sa isang bansa ay makikipagdigma sa ibang bansa, makakalaban nila ang kanilang mga kapananampalataya​—ang kanilang espirituwal na mga kapatid​—na iniutos sa kanila na ibigin, kahit ikamatay pa nila.​—Mateo 5:44; Juan 15:12, 13.

2. Ang sinaunang Israel ay pinamamahalaan noon ng isang tao na nakaluklok sa Jerusalem. Pero ang mga tunay na Kristiyano ay pinamamahalaan ni Jesu-Kristo, na isa na ngayong makapangyarihang espiritu na nakaluklok sa langit. (Daniel 7:13, 14) Sinabi mismo ni Jesus: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito. Kung ang kaharian ko ay bahagi ng sanlibutang ito, lumaban sana ang mga tagapaglingkod ko upang hindi ako maibigay sa mga Judio. Ngunit, ang totoo, ang kaharian ko ay hindi nagmumula rito.” (Juan 18:36) Kaya naman walang pulitikal na kaharian sa lupa, o pamahalaan ng tao, ang makapag-aangking si Kristo ang nagpupuno sa kanila. Ano ang ibig sabihin nito para sa “mga tagapaglingkod,” o mga tagasunod, ni Jesus? Ipaliliwanag iyan ng ikatlong punto.

3. Ang sinaunang Israel, tulad ng ibang mga bansa, ay kadalasan nang nagpapadala noon ng mga mensahero, na tinatawag natin ngayon na mga embahador o sugo. (2 Hari 18:13-15; Lucas 19:12-14) Ginagawa rin iyan ni Kristo, pero may dalawang malalaking pagkakaiba. Una, ang lahat ng kaniyang tagasunod ay naglilingkod bilang mga embahador o sugo. Kaya naman isinulat ni apostol Pablo sa ngalan ng mga kapuwa niya Kristiyano: “Kami samakatuwid ay mga embahador na humahalili para kay Kristo.” (2 Corinto 5:20) Bilang mapayapang mga embahador, hindi sila nakipagdigma. Ikalawa, ang mga tagasunod ni Jesus ay nakikipag-usap sa lahat ng handang makinig sa kanilang mensahe. Sinabi ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa.” (Mateo 24:14) Sinabi rin niya: “Kaya humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, . . . na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.”​—Mateo 28:19, 20.

Nakalulungkot, hindi laging maganda ang pagtanggap sa mga tagapaglingkod ni Kristo. Kaya sumulat si Pablo sa Kristiyanong ebanghelisador na si Timoteo: “Bilang isang mabuting kawal ni Kristo Jesus ay makibahagi ka sa pagtitiis ng kasamaan.” (2 Timoteo 2:3) Siyempre pa, ang mga sandata ni Timoteo ay espirituwal at kasama rito ang nasusulat na Salita ng Diyos, na tinatawag na “tabak ng espiritu.”​—Efeso 6:11-17.

Bakit Ipinalit sa Israel ang Kongregasyong Kristiyano?

Sa loob ng mga 1,500 taon, ang bansang Israel ay may espesyal na kaugnayan sa Diyos na nakasalig sa isang tipan, o kontrata. (Exodo 19:5) Kasama sa tipang iyon, na ang tagapamagitan ay si Moises, ang Sampung Utos at iba pang mga kautusan, na pawang nagtataguyod ng tunay na pagsamba at ng matataas na pamantayang moral. (Exodo 19:3, 7, 9; 20:1-17) Pero nakalulungkot, ang Israel bilang isang bansa ay hindi naging tapat sa Diyos, anupat pinatay pa nga ang mga propeta niya.​—2 Cronica 36:15, 16; Lucas 11:47, 48.

Bilang panghuli, isinugo ni Jehova ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, na isinilang na isang Judio. Sa halip na tanggapin bilang Mesiyas, itinakwil siya ng mga Judio sa pangkalahatan. Dahil dito, winakasan ng Diyos ang kaniyang matagal nang tipan sa Israel, at inalis ang makasagisag na pader sa pagitan ng mga Judio at di-Judio. * (Efeso 2:13-18; Colosas 2:14) Halos kasabay nito, itinatag ng Diyos ang kongregasyong Kristiyano at inatasan si Jesus na maging Ulo nito. Bukod diyan, bago matapos ang unang siglo, ang kongregasyong iyon ay binubuo na ng mga tao mula sa iba’t ibang bansa. “Sa bawat bansa ang tao na natatakot sa [Diyos] at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya,” ang sabi ng Judiong apostol na si Pedro.​—Gawa 10:35.

Tinutularan ng mga Saksi ni Jehova ang halimbawa ng unang mga Kristiyano. Kaya naman ang mga Saksi ay kilalá sa kanilang pangangaral at sa pagiging neutral sa pulitika at mga digmaan. (Mateo 26:52; Gawa 5:42) Oo, hindi nila hinahayaang may makahadlang sa kanilang paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, ang kaisa-isang gobyerno na makapag-aalis ng kasamaan at makapagpapairal ng tunay na kapayapaan sa lupa. Ang pag-asang iyan ang nasa isip ni apostol Pablo nang isulat niya: “Bilang mga kahalili para kay Kristo ay nagsusumamo kami: ‘Makipagkasundo kayo sa Diyos.’” (2 Corinto 5:20) Mas apurahan ang mensaheng iyan sa ngayon dahil malapit nang magwakas ang “mga huling araw” ng kasalukuyang masamang sanlibutan.​—2 Timoteo 3:1-5.

[Talababa]

^ par. 13 Noong una, ang terminong “Judio” ay tumutukoy sa mga nagmula sa tribo ni Juda ng Israel. Nang bandang huli, ginamit iyon para tumukoy sa lahat ng Hebreo.​—Ezra 4:12.

NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?

● Anong mahalagang katangian ang dapat ipakita ng mga Kristiyano sa isa’t isa?​—Juan 13:34, 35.

● Ano ang pangunahing “sandata” ng isang tunay na Kristiyano?​—Efeso 6:17.

● Anong mahalagang mensahe ang ipinangangaral ng mga kinatawan ni Kristo?​—Mateo 24:14; 2 Corinto 5:20.

[Larawan sa pahina 23]

Ang mga Saksi ni Jehova ay isang internasyonal na kapatiran na nananatiling neutral sa mga digmaan ng mga bansa