Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Ipinakikita ng isang surbey na ginawa ng British Broadcasting Corporation sa 13,000 katao sa 26 na bansa na “ang korupsiyon ang problemang pinakamadalas pag-usapan sa daigdig.” Gayunman, ang kahirapan ang sinasabing pinakamalubhang problema ng daigdig.​—BBC NEWS, BRITANYA.

“Ang mga simbahan sa Estados Unidos ay nagkakabit ng mga GPS tracking device sa estatuwa ng sanggol na si Jesus sa kanilang belen. Sa nakalipas na mga taon, dumarami ang ninanakaw na mga estatuwa ng belen sa buong bansa.”​—THE WEEK, E.U.A.

“Iminungkahi ng isang komite sa Food and Drug Administration [ng Estados Unidos] na huwag payagang mag-donate ng dugo ang mga taong may chronic fatigue syndrome, dahil sa pangamba na posibleng nauugnay sa isang retrovirus ang sakit na iyon.”​—THE WALL STREET JOURNAL, E.U.A.

Liwanag na Pumapatay ng Baktirya

Isang bagong teknolohiya, na gumagamit ng matinding liwanag para patayin ang malalakas na baktirya sa mga ospital, ang naimbento sa University of Strathclyde sa Glasgow, Scotland. Ang bagong paraang ito ng pagtanggal ng mikrobyong nagdudulot ng sakit ay mas mabisa kaysa basta paglilinis at pagdidisimpekta. Ipinaliwanag ng microbiologist na si Propesor John Anderson na ito ay “gumagamit ng makitid na ispektrum ng nakikitang wavelength ng liwanag para maging aktibo ang mga molekulang nasa baktirya.”

Pagkalbo sa Kagubatan at Malarya

Ang pagkalbo sa kagubatan ay nauugnay sa halos 50 porsiyento ng pagdami ng kaso ng malarya. Ganiyan ang ulat ng mga mananaliksik na nagsuri sa datos mula sa 54 na distrito sa Brazil, pati na sa mga larawang kuha ng satelayt na sumusubaybay sa pagtotroso. Ang pangunahing sanhi ng malarya sa rehiyong iyon ay ang lamok na Anopheles darlingi. “Lumilitaw na gustong panirahan ng mga lamok na ito ang mga nakalbong kagubatan kung saan maraming hantad na dako at katubigang di-gaanong naaarawan,” ang sabi ni Sarah Olson, punong awtor ng ulat. Natuklasang dumarami ang kaso ng malarya sa mga lugar kung saan sirang-sira na ang kagubatan.

Pusit na Lumilipad

Ipinakikita ng mga nakuhang larawan na may ilang uri ng pusit na nakakalipad sa pamamagitan ng jet propulsion. Naobserbahan ng mga marine biologist na “may pusit na 20 sentimetro [8 pulgada] lang ang haba pero kayang lumipad nang hanggang dalawang metro [6.6 piye] mula sa ibabaw ng tubig, anupat ikinakampay ang kanilang pinakapalikpik at iniiikot ang kanilang mga galamay sa distansiya na hanggang 10 metro [33 piye],” ang sabi ng Scientific American. Humihigop ito ng tubig at saka iyon biglang ibubuga kung kaya nakakabuwelo ito at nakakalipad mula sa dagat. Waring ipinakikita ng mga larawan na ang kanilang pinakapalikpik ang ginagamit nilang pakpak.