Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Sulatan Ninyo si Anton!”

“Sulatan Ninyo si Anton!”

“Sulatan Ninyo si Anton!”

● Isang tin-edyer na Saksi ni Jehova na nagngangalang Anton ang nakatira sa liblib na nayon ng Schelkan sa Stavropol’ Kray, Russia. Mula pagkabata, mayroon na siyang Duchenne muscular dystrophy, isang walang-lunas na sakit kung saan mabilis na nanghihina ang kalamnan at kadalasa’y ikinamamatay ng pasyente bago mag-20 anyos. Sa edad na siyam, si Anton ay hindi na makalakad ni makatayo.

Nang dumalaw ang mag-asawang Yevgeny at Diana sa isang kongregasyon ng mga Saksi, nakilala nila si Anton. “Mahinang-mahina ang katawan ni Anton,” ang sabi ni Diana, “pero malakas ang kaniyang espirituwalidad. Ang sakit ding iyon ang ikinamatay ng kuya ni Anton sa edad na 19, kaya alam niyang hindi na magtatagal ang buhay niya. Sa kabila nito, masaya pa rin siya at positibo.”

Ipinayo ng mag-asawa kay Anton na palawakin ang kaniyang ministeryo sa pamamagitan ng pagliham sa mga nakatira sa iba pang liblib na nayon. Noong 2005, gumawa siya ng mga 500 liham at ipinadala iyon sa mga tao sa kalapit na mga nayon. Pero nakalulungkot, wala siyang natanggap ni isang sagot. Kahit pinanghihinaan ng loob, ipinagpatuloy ni Anton ang pagliham, at nanalangin siya sa Diyos na tulungan siyang maging mabunga sa kaniyang ministeryo kahit malubha ang sakit niya.

Minsan, nabasa ni Anton sa isang diyaryo ang tungkol sa isang babaing may-sakit na nangangailangan ng pampatibay-loob. Sinulatan siya ni Anton, at ang isang bahagi ng sulat ay inilathala sa diyaryong iyon: “Kahit wala nang lunas ang sakit ko, positibo pa rin ang pangmalas ko sa kinabukasan dahil sa pagbabasa ko ng Bibliya,” ang isinulat niya. “Gustung-gusto kong makatanggap ng sulat at lagi kong inaabangan ang mga iyon.”

Palibhasa’y naantig ang kalooban, ang babae ay sumulat sa diyaryo ding iyon. Inilathala ang liham niya sa isang kolum na pinamagatang “Sulatan Ninyo si Anton!” Sinabi ng babae na nagustuhan niya ang mensahe ng liham ni Anton at idinagdag pa: “Tulungan natin si Anton! Sulatan ninyo siya. Kailangang-kailangan ng kabataang ito ang pampatibay!” Nakalagay rin doon ang adres ni Anton.

Nagdagsaan sa maliit na post office ng nayon ang mga liham kay Anton​—hanggang 30 bawat araw! Nanggaling ang mga ito sa buong Russia, pati na rin sa mga bansa sa Baltic, Germany, at maging sa France. Daan-daang liham ang natanggap niya mula sa mga mambabasa ng diyaryong iyon. “Tuwang-tuwa si Anton!” ang naalaala ni Diana. “Daan-daan na ngayon ang puwede niyang sulatan para ibahagi ang kaniyang mga paniniwalang salig sa Bibliya.”

Mahigit isang taon ding nakipagsulatan si Anton sa mga sumulat sa kaniya, at ibinahagi niya sa kanila ang mga katotohanan sa Bibliya. Nang humina na ang kaniyang mga kamay, idinidikta na lang niya ang kaniyang mga sulat. Noong Setyembre 2008, namatay si Anton sa edad na 20. Kahit mahinang-mahina ang katawan, ang kaniyang pananampalataya at pag-ibig sa ministeryo ay nagbukas ng pagkakataon para maantig niya ang puso ng marami.