Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Sabi ng mga Magulang

Ang Sabi ng mga Magulang

Ang Sabi ng mga Magulang

Kung ang anak mo ay musmos pa, malamang na napapaharap ka sa mga hamon. Halimbawa, ano ang gagawin mo kapag nag-aalburoto siya? Paano mo siya tuturuan ng tama at mali at itutuwid sa tamang paraan? Pansinin kung ano ang ginawa ng ilang magulang.

PAG-AALBUROTO

“Sa edad na mga dalawang taon kung kailan napakahirap pakitunguhan ng bata, inaasahan niyang masusunod ang gusto niya. Iyan ang problema sa anak naming lalaki. Kapag hindi ibinigay ang gusto niya, inihahagis niya ang anumang madampot niya. Panganay namin siya kaya wala pa kaming karanasan sa pag-aalburoto ng bata. Hindi rin nakatulong kahit may mga nagsabi na sa amin na nangyayari talaga ito sa mga bata.”​—Susan, Kenya.

“Sa edad na dalawa, ang anak naming babae ay mahihiga sa sahig, magsisisigaw, iiyak, maninipa . . . Nakaka-stress talaga! Walang mangyayari kahit kausapin mo siya. Kaya papupuntahin namin siya sa kuwarto niya at mahinahong sasabihin na kapag okey na siya, puwede na siyang lumabas at mag-uusap kami. Kapag kalmado na siya, isa sa amin ang pupunta sa kaniya para ipaunawa kung bakit mali ang ginawa niya. Mabisa ito. Minsan nga narinig namin siyang nananalangin sa Diyos at humihingi ng tawad. Unti-unting nabawasan ang pag-aalburoto niya hanggang sa tuluyan na itong mawala.”​—Yolanda, Spain.

“Sinusubukan ng mga bata kung hanggang saan uubra ang gusto nila. Kung papayag kang gawin ng bata ang isang bagay na malinaw na ipinagbawal mo, malilito siya. Nakita namin na kung matatag kami at di-pabagu-bago, natututuhan ng mga anak namin na hindi nila makukuha ang gusto nila sa kasisigaw.”​—Neil, Britain.

DISIPLINA

“Kung wala pang limang taon ang bata, mahirap malaman kung talagang nakikinig siya. Kailangan ang pag-uulit. Dapat na ulit-ulitin mo ang sinasabi mo, kahit parang libu-libong beses pa, na may kasamang senyas at seryosong tono ng boses.”​—Serge, France.

“Kahit pare-pareho lang ang pagpapalaki sa kanila, magkakaiba ang aming apat na anak. Ang isa ay iiyak agad malaman lang na nagalit kami; ang isa naman ay manunubok kung hanggang saan uubra ang gusto niya. Kung minsan, isang tingin lang o saway ay sapat na, pero kung minsan naman, kailangan naming magbigay ng disiplina.”​—Nathan, Canada.

“Mahalaga na huwag makipagkompromiso. Pero hindi rin naman dapat maging napakahigpit ng magulang. Kung minsan, kapag talagang nagsisisi ang bata, nakikita namin na mabuting maging makatuwiran at pagaanin ang disiplina.”​—Matthieu, France.

“Sinisikap kong huwag magbigay ng napakaraming utos, pero ang mga naibigay ko na ay hindi puwedeng baliin. Alam ng tatlong-taóng-gulang kong anak na may parusa kung susuway siya, at nakakatulong iyan para makontrol niya ang sarili niya. Totoo, kapag pagód ako, parang gusto ko na lang na huwag pansinin ang ginawa niya. Pero para huwag lumitaw na pabagu-bago ako, hindi ko iyon palalampasin. Napakahalaga na huwag maging pabagu-bago!”​—Natalie, Canada.

HINDI PABAGU-BAGO

“Parang may memory card ang mga bata na nagrerekord ng anumang pagbabago sa pasiya ng magulang.”​—Milton, Bolivia.

“Kung minsan, nagtatanong ang anak ko tungkol sa isang bagay pero sa iba’t ibang paraan para malaman kung ganoon pa rin ang sagot namin. O kaya, kung magkaiba kami ng sagot ng nanay niya, sasamantalahin niya iyon para makalusot.”​—Ángel, Spain.

“Kung minsan, hindi ko pinapansin ang maling ginawa ng anak ko kapag nasa mood ako pero pinaparusahan ko siya nang matindi kapag wala ako sa mood. Napansin ko na kapag ganiyan ang ginagawa ko, lalo lang niyang inuulit ang ginawa niya.”​—Gyeong-ok, Korea.

“Mahalagang maintindihan ng mga bata na kung ang isang paggawi ay mali ngayon, mali ito kahit kailan.”​—Antonio, Brazil.

“Kung pabagu-bago ang mga magulang, iisipin ng anak na hindi seryoso sina Mommy at Daddy at depende sa kanilang mood ang mga desisyon nila. Pero kung maninindigan ang mga magulang sa mga prinsipyo nila, malalaman ng mga bata na ang mali ay laging mali. Isa itong paraan para maging panatag ang mga bata at madamang minamahal sila.”​—Gilmar, Brazil.

“Maaaring samantalahin ng mga bata ang mga sitwasyon na walang choice ang magulang kundi ibigay ang gusto nila​—halimbawa, kapag may ibang tao. Kung ang sagot ko ay hindi, sinasabi ko na agad iyon, at nililinaw ko sa anak ko na hindi ako makukuha sa pangungulit.”​—Chang-seok, Korea.

“Dapat makita ng mga anak na nagkakaisa ang mga magulang nila. Kapag magkaiba ang pasiya naming mag-asawa, pinag-uusapan namin iyon nang kaming dalawa lang. Nahahalata ng mga bata kapag hindi nagkakaisa ang mga magulang nila, at sasamantalahin nila iyon.”​—Jesús, Spain.

“Kapag alam ng bata na nagkakaisa ang mga magulang niya at na hindi sila puwedeng manipulahin, panatag siya. Alam niya kung ano ang aasahan, sumunod man siya o hindi.”​—Damaris, Germany.

Para sa aming mag-asawa, kasama sa pagiging hindi pabagu-bago ang pagtupad sa magandang bagay na ipinangako namin sa aming anak na babae. Sa ganitong paraan, nalalaman niyang makapagtitiwala siya sa mga pangako namin.”​—Hendrick, Germany.

“Kung laging babaguhin ng boss ko ang inaasahan niya sa akin sa trabaho, maiinis ako. Ganiyan din ang mga bata. Panatag sila na alam nila ang mga utos ng magulang at na hindi iyon magbabago. Dapat din nilang malaman ang parusa sa pagsuway at na ito rin ay hindi magbabago.”​—Glenn, Canada.

[Blurb sa pahina 8]

“Ang inyong Oo ay mangahulugang Oo, at ang inyong Hindi, Hindi.”​—Santiago 5:12

[Kahon/Mga larawan sa pahina 9]

KUWENTO NG PAMILYA

Di-inaasahang Pagbubuntis​—Kung Paano Kami Nakapag-adjust

Ayon kina Tom at Yoonhee Han

Tom: Anim na buwan pa lang kaming kasal nang malaman ng asawa kong si Yoonhee na buntis siya. Ipinakita kong kalmado ako para madama ni Yoonhee na masasandigan niya ako. Pero ang totoo, takót na takót ako!

Yoonhee: Lumung-lumo ako​—at natatakot! Iyak ako nang iyak; hindi pa ako handa at hindi ko pa kayang maging ina.

Tom: At hindi pa rin ako handang maging ama! Pero nang makipag-usap kami sa ibang magulang, nalaman namin na karaniwan lang pala ang di-inaasahang pagbubuntis. Nakatulong din sa amin ang sinabi ng ibang magulang tungkol sa kagalakan ng pagiging isang ama o ina. Unti-unti, napalitan ng pananabik ang aking takot at pangamba.

Yoonhee: Nang isilang si Amanda, napaharap kami sa ibang mga hamon. Panay ang iyak niya, at ilang linggo akong hindi makatulog nang maayos. Wala akong ganang kumain, at pagód na pagód ako. Sa umpisa, ayokong makihalubilo sa mga tao. Pero nakita kong hindi ito makakabuti. Kaya nakipagkuwentuhan ako sa mga bagong nanay. Nalaman kong hindi lang pala ako ang may ganitong mga problema.

Tom: Sinikap kong huwag masira ang rutina ng pamilya. Halimbawa, bilang mga Saksi ni Jehova, determinado kami ni Yoonhee na maging regular sa ministeryo at sa mga Kristiyanong pagpupulong. Isa pa, magastos kapag may anak, at hindi pa nga inaasahan ang ilan sa mga gastusin. Siniguro naming hindi kami lalampas sa badyet dahil lalo lang kaming mai-stress kapag nagkautang kami.

Yoonhee: Dati, iniisip kong hindi praktikal na makibahagi sa ministeryo dahil nakakaabala kapag may baby. Pero nakita ko na aliw na aliw ang mga tao sa mga baby. Nakatulong iyan para manatili akong aktibo sa ministeryo at isiping okey lang na may anak ako.

Tom: Sinasabi ng Bibliya na ang mga anak ay “mana mula kay Jehova” at “isang gantimpala.” (Awit 127:3) Para sa akin, nangangahulugan iyan na ang anak ay napakahalagang regalo. Gaya ng gagawin mo sa isang pamana, puwede kang magpasiya kung palalaguin mo ito o aaksayahin lang. Nakikita ko na ang bawat yugto ng paglaki ng bata ay naiiba, at kailangan kong maging bahagi ng buhay ng anak ko sa bawat yugto ng kaniyang paglaki. Kapag lumipas na kasi iyon, hindi na iyon maibabalik.

Yoonhee: Kung minsan, may mga sorpresa sa buhay, at ang di-inaasahang pagkakaroon ng anak ay hindi masamang sorpresa. Anim na taon na ngayon si Amanda, at hindi kumpleto ang buhay ko kung wala siya.

[Larawan]

Sina Tom at Yoonhee kasama ang anak nilang si Amanda