Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Mga 17 porsiyento ng mga estudyante sa Brazil na edad 10 hanggang 13 ang nasasangkot sa panliligalig ng mga kaeskuwela—alinman sa sila ang biktima o nambibiktima.—O ESTADO DE SÃO PAULO, BRAZIL.
Ang mga batang wala pang 12 anyos ay nada-diagnose na ngayon na may mataas na presyon ng dugo, mataas na kolesterol, bato sa kidney, at sakit sa atay. Ano ang mga pangunahing dahilan? Kakulangan ng pisikal na aktibidad, pagkain ng napakaraming junk food, at sobrang katabaan.—ABC, SPAIN.
Ang gastos sa pagpapalaki ng isang anak na isinilang sa isang may-kayang pamilya sa Estados Unidos noong 2008 hanggang sa ito’y mag-18 anyos ay “mga $221,190 ($291,570 kung daragdagan dahil sa implasyon),” ayon sa tantiya ng isang ahensiya ng gobyerno.—UNITED STATES DEPARTMENT OF AGRICULTURE, E.U.A.
Hindi Na Marunong Makipaglaro
Ayon sa isang surbey kamakailan, 20 porsiyento ng mga magulang sa Britanya ang nagsasabing hindi na sila marunong “makipaglaro sa mga anak nila.” Mahigit 30 porsiyento naman ang nagsabi na boring sa kanila ang paglalaro, samantalang ang iba ay walang oras o walang maisip na laro. Hinggil dito, sinabi ng clinical psychologist na si Propesor Tanya Byron: “May apat na mahalagang salik para maging kapaki-pakinabang ang paglalaro ng mga magulang at mga anak: edukasyon, inspirasyon, komunikasyon, at pagkatutong makihalubilo.” Bagaman gusto ng 1 sa bawat 3 magulang na makipaglaro ng computer game sa mga anak nila, mas gusto ng karamihan sa mga bata na maglaro nito nang mag-isa. Pero ayon sa karamihan sa mga batang edad 5 hanggang 15, gusto nilang makalaro ang mga magulang nila sa mga outdoor at board game.
Pagbabasa ng Kuwento Bago Matulog
Isang kompanya sa Internet ang nag-aalok ng serbisyo sa mga ama na walang panahong magbasa sa kanilang mga anak sa gabi. “Inirerekord ng mga hi-tech na software ang boses ng mga ama habang nagbabasa sila ng kuwentong pambata, nilalapatan ito ng musika at mga sound effect at ini-e-mail ang audio file sa bata,” ang ulat ng Daily Telegraph ng Sydney. Pero hindi kumbinsido rito ang mga eksperto sa ugnayan ng tao. “Ang pagbabasa ay nagsasangkot ng pagpapatibay ng ugnayan,” ang sabi ni Dr. Richard Fletcher na kasama sa isang research program hinggil sa pamilya sa Newcastle University sa Australia. Sangkot dito ang pakikipag-ugnayan ng mga ama sa kanilang mga anak, pagyakap sa kanila, at pagtawang kasama nila. Hindi matutumbasan ng anumang e-mail ang aktuwal na pag-upo at pagbabasa sa iyong anak, ang sabi ni Fletcher.