Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Aling Pananaw ang Mas Makatuwiran?

Aling Pananaw ang Mas Makatuwiran?

Aling Pananaw ang Mas Makatuwiran?

WALANG taong nakasaksi nang magpasimula ang buhay sa lupa. Wala ring nakakita na ang isang uri ng buhay ay nagbago tungo sa ibang uri​—halimbawa, isang reptilya na naging mamalya. * Kaya ang dapat nating gamiting basehan para makagawa ng konklusyon tungkol sa pinagmulan ng buhay ay ang mga ebidensiyang mayroon tayo. At hindi natin dapat pilipitin ang pinatutunayan nito para umayon lang sa gusto nating paniwalaan.

Gayunman, maraming ateista ang naniniwala sa materyalismo​—isang pilosopiya na nagsasabing ang buhay ay maaari lang magmula sa materyal na mga bagay. Ayon sa ebolusyonistang si Richard C. Lewontin, ‘naipasiya na nilang maniwala sa materyalismo.’ Sinabi pa niya: “Ang materyalismong iyon ang tanging posibleng paliwanag, sapagkat hindi namin matatanggap na may Diyos.” Kaya naman tinatanggap ng mga materyalista ang kanilang tanging alternatibo​—ang ebolusyon.

Maging ang mga taong relihiyoso ay may maling mga akala na nakaaapekto sa pananaw nila sa siyensiya. Halimbawa, gaya ng nabanggit na, may mga creationist na nanghahawakan sa maling ideya na nilalang ng Diyos ang daigdig sa loob ng anim na literal na araw ilang libong taon na ang nakararaan. Yamang naipasiya na nilang paniwalaan iyon, pilit nilang pinagtutugma ang ebidensiya at ang kanilang napakaliteral na interpretasyon sa Bibliya. (Tingnan ang kahong  “Gaano Kahaba ang Isang ‘Araw’?” sa pahina 9.) Ang mga tao na may ganiyan kaliteral na interpretasyon sa Bibliya at siyensiya ay hindi makakakita ng matibay na ebidensiya para sa kanilang paniniwala.

Aling Pananaw ang Kaayon ng Lahat ng Ebidensiya?

Hinggil sa pinagmulan ng masalimuot na mga molekula na bumubuo sa buháy na mga organismo, ang ilang ebolusyonista ay naniniwala sa mga sumusunod:

1. Ang mga pangunahing elemento ay basta na lang nagkasama-sama at bumuo ng mga simpleng molekula.

2. Ang mga molekulang iyon naman ay nagkadugtung-dugtong sa tamang pagkakasunud-sunod na kailangan para makabuo ng DNA, RNA, o protina na makapag-iimbak ng impormasyon na mahalaga para sa buhay.

3. Ang mga molekulang iyon ay basta na lang nagkasunud-sunod sa tamang pagkakaayos na kailangan para makapagparami. Kung walang pagpaparami, wala ring ebolusyon ni buhay.

Paano nabuo ang mga molekula ng buhay at nagkaroon ng kamangha-manghang mga kakayahan nang walang matalinong disenyador? Ang pagsasaliksik hinggil sa ebolusyon ay hindi nakapagbigay ng sapat na paliwanag o kasiya-siyang sagot sa mga tanong tungkol sa pinagmulan ng buhay. Sa diwa, kung ang isa’y hindi naniniwala na may isang Maylalang, para na rin niyang sinasabi na ang walang-isip na mga molekula at mga puwersa ng kalikasan ay may tulad-diyos na kapangyarihan.

Pero ano ba ang ipinakikita ng ebidensiya? Ipinakikita nito na ang mga molekula ay hindi nagbabago tungo sa masalimuot na uri ng buhay. Ang kabaligtaran pa nga ang totoo: Alinsunod sa pisikal na mga batas, ang masalimuot na mga bagay​—mga makina, bahay, kahit ang buháy na mga selula​—ay nasisira sa kalaunan. * Gayunman, sinasabi ng mga ebolusyonista na posibleng mangyari ang kabaligtaran nito. Halimbawa, sinasabi sa aklat na Evolution for Dummies na nagkaroon ng ebolusyon dahil ang lupa ay “tumatanggap ng napakaraming enerhiya mula sa araw, at ang enerhiyang iyon ang sanhi ng pagiging mas masalimuot ng mga bagay.”

Totoo naman, kailangan ang enerhiya para ayusin ang isang bagay na wala sa ayos​—halimbawa, para makagawa ng bahay mula sa mga hollow block, kahoy, at pako. Gayunman, dapat na kontrolado ang enerhiyang iyon dahil kung hindi, mas malamang na pabilisin pa nito ang pagkasira, kung paanong ang enerhiya mula sa araw at sa lagay ng panahon ay mas mabilis na makasira ng isang bahay. * Hindi maipaliwanag na mabuti ng mga naniniwala sa ebolusyon kung paano nakokontrol ang enerhiya para makalikha ito ng mas masalimuot na mga bagay.

Sa kabilang dako, kung maniniwala tayo na ang buhay at ang uniberso ay gawa ng isang matalinong Maylalang na ‘sagana sa dinamikong lakas,’ maipaliliwanag natin hindi lang ang pagkamasalimuot ng mga sistema ng impormasyon ng buhay kundi pati ang napakaeksaktong mga puwersa na kumokontrol sa materya mismo, mula sa pagkalawak-lawak na mga galaksi hanggang sa pagkaliit-liit na mga atomo. *​—Isaias 40:26.

Ang paniniwala na may isang Maylalang ay kaayon din ng pananaw na may pasimula ang pisikal na uniberso​—isang pananaw na tinatanggap na ngayon ng karamihan. “Nang pasimula ay nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa,” ang sabi sa Genesis 1:1.

Dahil sa mga bagong tuklas, nagiging mas mahirap ipagtanggol ang pilosopiya ng materyalismo, kaya naman binago ng ilang ateista ang kanilang pananaw. * Oo, ang ilang dating ateista ay naniniwala na ngayon na ang kamangha-manghang mga bagay sa uniberso ay nakikitang ebidensiya ng “di-nakikitang mga katangian” at “walang-hanggang kapangyarihan” ng ating Maylalang, ang Diyos na Jehova. (Roma 1:20) Gusto mo bang suriin pa ito nang higit? Wala nang iba pang paksa na mas mahalaga o mas kapaki-pakinabang kaysa rito. *

[Mga talababa]

^ par. 2 Bagaman isang ebolusyonista, inamin ng biyologong si Ernst Mayr na “maraming puwang ang rekord ng mga fosil,” anupat bigla na lang may lumilitaw na mga bagong uri ng organismo.

^ par. 11 Ang gayong pagkasira ay resulta ng tinatawag ng mga siyentipiko na second law of thermodynamics. Ayon sa batas na ito, ang pagiging maayos ng isang bagay ay kusang nasisira.

^ par. 12 Ang DNA ay maaaring mabago sa pamamagitan ng mutasyon, na maaaring dahil sa mga bagay na gaya ng radyasyon at ilang kemikal. Pero ang resulta nito ay hindi bagong species.​—Tingnan ang artikulong “Totoo ba ang Ebolusyon?” sa Gumising! ng Setyembre 2006.

^ par. 13 Tingnan ang aklat na Is There a Creator Who Cares About You? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

^ par. 15 Tingnan ang artikulong “Pinalaki Akong Ateista” sa Gumising! ng Nobyembre 2010.

^ par. 15 Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa paglalang at ebolusyon, tingnan ang mga brosyur na Saan Nagmula ang Buhay? at The Origin of Life​—Five Questions Worth Asking, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Kahon sa pahina 8]

ANG MGA TAO BA AY NAGBABAGO NANG PASULONG O PAURONG?

Nangangamba ang ilang siyentipiko na ang genome ng tao ay unti-unting nasisira dahil sa patuloy na mutasyon o dahil sa mga depekto. Kung ito’y totoo, salungat ito sa pananaw na ang tao ay nagbabago nang pasulong. Pero kung nilalang ng Diyos ang genome ng tao, bakit mayroon itong mga depekto? Sinasabi ng Bibliya ang hindi alam ng siyensiya​—na ang mga depekto ng tao ay dahil sa kasalanan, o pagsuway sa Diyos. “Sa pamamagitan ng isang tao [si Adan] ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan,” ang sabi sa Roma 5:12. Samakatuwid, ang unti-unting pagkasira ng genome ay salungat sa ebolusyon pero kaayon ng sinasabi ng Bibliya. Nangangahulugan ba iyan na patuloy na masisira ang genome? Hindi! Nangangako ang Diyos na kikilos siya para pawiin ang lahat ng pinsalang idinulot ng ating unang mga magulang. Oo, magiging perpekto ang genome ng tao, hindi dahil sa ebolusyon, kundi dahil pangyayarihin ito ng ating Maylalang.​—Apocalipsis 21:3, 4.

[Kahon sa pahina 9]

 GAANO KAHABA ANG ISANG “ARAW”?

Sa Bibliya, ang salitang “araw” ay maaaring tumukoy sa iba’t ibang haba ng panahon. Halimbawa, sa Genesis 2:4, ang anim na “araw” na yugto ng paglalang ay tinutukoy bilang ang “araw [nang] gawin ng Diyos na Jehova ang lupa at langit.” Maliwanag na ang bawat araw ay sumasaklaw sa mahabang yugto ng panahon. Pansinin din na bagaman espesipikong binabanggit sa Bibliya na nagwakas na ang bawat isa sa anim na “araw,” hindi nito sinasabing nagwakas na ang ikapitong araw. Bakit? Dahil hindi pa iyon tapos.​—Genesis 2:3; Hebreo 4:4-6, 11.

[Larawan sa pahina 8]

Kusang nasisira ang mga bagay kapag hindi inalagaan

[Larawan sa pahina 8, 9]

Makikita sa uniberso ang kapangyarihan at iba pang mga katangian ng Diyos