Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

John Foxe—Nabuhay sa Isang Maligalig na Panahon

John Foxe—Nabuhay sa Isang Maligalig na Panahon

John Foxe​—Nabuhay sa Isang Maligalig na Panahon

NATUTUTO ba ang mga tao mula sa mga pagkakamali noong nakalipas na panahon? Pag-isipan iyan habang binabasa mo ang tungkol sa buhay ni John Foxe, isang Ingles na sumulat ng isang aklat para himukin ang mga mambabasa na kapootan ang matitinding kalupitan na naganap noong panahon niya.

Ang mga ulat ni John Foxe, na isinulat noong panahon ng Repormasyon, ay talagang nakaimpluwensiya nang malaki sa mga taga-Inglatera sa loob ng mahabang panahon. Ang kaniyang aklat, na pinamagatang Acts and Monuments of the Church, ay inabot ng mahigit 25 taon bago nakumpleto. At sinasabi ng ilan na pumapangalawa ito sa Bibliyang Ingles sa mga nakaimpluwensiya sa pag-unlad ng wika at kultura ng mga Ingles.

Maligalig na mga Taon

Si John Foxe ay isinilang sa Boston, Inglatera, noong 1516 o 1517. Noong mga panahong iyon, sinasabing ipinako ni Martin Luther ang kaniyang 95 tesis, o protesta, sa pinto ng isang simbahan sa Wittenberg, Alemanya. Kaya si Foxe, na Romano Katoliko nang isilang, ay nabuhay noong panahong kinukuwestiyon ng mga Repormador ang awtoridad at turo ng Simbahang Katoliko.

Nakapag-aral si Foxe sa Oxford University, at kasama sa pinag-aralan niya roon ang mga wikang Griego at Hebreo, na nakatulong para mabasa niya ang Bibliya sa orihinal na mga wika. Maliwanag na nakaapekto ito sa paniniwala niya sa mga turong Katoliko. Sa katunayan, inakala ng mga kasamahan niya na pumapanig na siya sa mga Protestante kaya isinumbong nila siya sa mga nangangasiwa sa kolehiyo. Mula noon, binantayan na ang bawat kilos niya.

Nang makatapos siya ng master’s degree noong 1543, puwede na sana siyang ordenahan bilang pari. Pero tumanggi siya dahil hindi siya sang-ayon sa pagbabawal sa mga pari na mag-asawa. Dito na umabot sa sukdulan ang pangyayari. Pinaghinalaan siya na isang erehe​—na may parusang kamatayan kung mapapatunayan​—kaya nagbitiw siya sa unibersidad noong 1545. Iniwan ni Foxe ang kaniyang magandang propesyon doon at naging pribadong guro ng isang pamilya malapit sa Stratford-upon-Avon, Warwickshire, kung saan niya napangasawa si Agnes Randall.

Palibhasa’y dating nakatira si Agnes sa kalapit na Coventry, naikuwento niya kay Foxe ang tungkol sa biyudang si Smith (o Smythe). Itinuro ni Smith sa mga anak niya ang Sampung Utos at ang modelong panalangin ni Jesus, na tinatawag na Panalangin ng Panginoon. Pero sa halip na turuan sila sa Latin, tinuruan niya sila sa Ingles. Dahil sa “krimen” na ito, sinunog si Smith sa tulos, kasama ng anim na lalaki na pinaratangan ng gayunding pagkakasala. Palibhasa’y ikinagalit ng taong-bayan ang matinding kawalang-katarungang iyon, ipinagkalat ng kanilang obispo na ang mga biktima ay sinunog dahil sa pagkain ng karne sa araw ng Biyernes at iba pang araw ng pangingilin, na diumano’y “mas malubhang krimen.”

Paanong ang mga martir na iyon ay naging pamilyar sa ilang bahagi ng Bibliya sa wikang Ingles? Mga 150 taon bago nito, sa kabila ng pagtutol ng simbahan, ang Bibliya ay isinalin ni John Wycliffe sa Ingles mula sa Latin. Nagsanay din siya ng naglalakbay na mga mángangarál na tinawag na mga Lollard. * Ang mga ito ay may dalang sulat-kamay na mga bahagi ng Kasulatan, na binabasa nila sa mga tao. Sinikap ng Parlamento na pahintuin ang gawaing iyon. Noong 1401, naglabas ito ng batas na nagbibigay ng awtoridad sa mga obispo na ibilanggo at pahirapan ang mga erehe at sunugin sila sa tulos.

Sa takot na maaresto, dinala ni Foxe ang kaniyang pamilya sa London, kung saan umanib siya nang maglaon sa mga Protestante. Doon, isinalin niya sa Ingles ang mga pamplet ng mga Repormador na Aleman at pati ang ibang mga pamplet na nasa Latin. Sumulat din siya ng sarili niyang mga pamplet.

Bukod diyan, sinimulan ni Foxe ang pagsulat ng isang akda tungkol sa kasaysayan ng mga Lollard sa Inglatera, na natapos noong 1554. Inilathala iyon sa Strasbourg, isang lunsod ngayon sa Pransiya, bilang isang maliit na aklat na nasa wikang Latin at may 212 pilyego. Ito ang unang labas ng kaniyang Acts and Monuments of the Church. Pagkaraan ng limang taon, dinagdagan niya ang nilalaman nito anupat umabot sa mahigit na 750 malalaking pahina.

Pagpatay sa Ngalan ng Relihiyon

Libu-libong lalaki, babae, at bata ang pinatay noong Repormasyon sa Europa. Sa Inglatera, noong 1553, isang panatikong Katoliko na binansagang Bloody Mary ang kinoronahan. Palibhasa’y pinutol ng Parlamento ng Inglatera ang lahat ng kaugnayan sa Roma noong 1534, determinado siyang ibalik ang bansa sa ilalim ng awtoridad ng papa. Sa limang-taóng pamamahala ni Mary, mga 300 lalaki at babae, kasama ang mga lider ng simbahang Protestante, ang sinunog bilang mga erehe. Marami pang iba ang namatay sa bilangguan.

Nakaligtas si Foxe dahil dinala niya agad sa Basel, Switzerland, ang kaniyang pamilya nang mamahala si Mary. Noong 1559, isang taon pagkaluklok ng kapatid ni Mary, ang Protestanteng si Elizabeth, bumalik si Foxe sa Inglatera kasama ang ibang mga lumikas. Noong taóng iyon ibinalik ni Elizabeth ang Batas ng Sukdulang Kapangyarihan * na humihirang sa kaniya bilang Kataas-taasang Tagapamahala ng Simbahan. Dahil dito, itiniwalag siya ni Pope Pius V noong 1570. Di-nagtagal, natuklasang may mga sabuwatan ang ibang mga bansa laban sa Inglatera, kasama ang pakana na patayin ang Protestanteng reyna. Bilang resulta, daan-daang Katoliko ang pinaratangan ng sedisyon at pinatay sa utos ni Elizabeth.

Ang mga gawain ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan​—Katoliko at Protestante​—ay talagang malayung-malayo na sa mga turo ni Jesu-Kristo! Itinuro niya: “Patuloy na ibigin ang inyong mga kaaway at ipanalangin yaong mga umuusig sa inyo.” (Mateo 5:44) Dahil sa pagsuway ng mga Katoliko at Protestante sa malinaw na utos na ito, nagdulot sila ng malaking upasala sa Kristiyanismo, gaya nga ng inihula sa Bibliya. Isinulat ni apostol Pedro na dahil sa mga nagpapanggap na Kristiyano, “pagsasalitaan nang may pang-aabuso ang daan ng katotohanan.”​—2 Pedro 2:1, 2.

Natapos ni Foxe ang Kaniyang Akda

Pagbalik sa Inglatera, dinagdagan pa ni Foxe ang kaniyang ulat, anupat ang mga detalye nito ay maaaring nasaksihan mismo ng ilan sa kaniyang mambabasa. Ang kaniyang unang edisyon sa Ingles​—na may mga 1,800 pahina at ilang larawang inilimbag gamit ang inukit na kahoy​—ay inilabas noong 1563 at agad na tinangkilik ng marami.

Ang ikalawang edisyon ay inilabas pagkaraan ng pitong taon. Ito ay dalawang tomo at may mahigit 2,300 pahina at 153 larawan. Nang sumunod na taon, ipinag-utos ng Church of England na isang kopya ng aklat ni Foxe ang ilalagay, kasama ng Bibliya, sa lahat ng katedral sa Inglatera at sa tahanan ng mga nanunungkulan sa simbahan para makinabang dito ang mga tagapaglingkod at bisita. Di-nagtagal, ganoon na rin ang ginawa ng mga parokya. Pati ang mga hindi marunong bumasa ay nakinabang dahil malaking tulong sa kanila ang mga larawan.

Noong panahong iyon, umanib na si Foxe sa mga Puritan, mga Protestanteng hindi kontento na basta humiwalay lang sa simbahan ng Roma. Itinuro pa nila na dapat alisin ang lahat ng bahid ng Katolisismo​—isang pananaw na hindi sukat-akalaing ikagagalit ng Simbahang Protestante ng Inglatera, na nanghahawakan pa rin sa maraming kaugalian at doktrina ng mga Katoliko.

Dahil inilantad ni John Foxe sa kaniyang akda ang marami sa mga kalupitang naganap noon sa ngalan ng relihiyon, malaki ang naging impluwensiya niya sa pangmalas ng mga tao sa relihiyon at pulitika sa Inglatera nang sumunod na mga siglo.

[Mga talababa]

^ par. 9 Tingnan ang artikulong “The Lollards, Courageous Bible Preachers,” sa The Watchtower, isyu ng Agosto 1, 1980.

^ par. 14 Sinasabi sa The Leading Facts of English History, ni D. H. Montgomery, na noong 1534, pinagtibay ng Parlamento ang Batas ng Sukdulang Kapangyarihan, “na nagdedeklarang si Henry ang ganap at nag-iisang pinuno ng Simbahan, anupat ang hindi pagkilala rito ay ituturing na malubhang sedisyon. Sa pagpirma sa batas, sinira ng Hari ang kanilang sanlibong-taóng tradisyon, at ang Inglatera ay nagtatag ng Pambansang Simbahan na hiwalay sa Papa.”

[Kahon/Larawan sa pahina 28]

ANG BOOK OF MARTYRS NI FOXE

Habang nilalabanan ng Simbahang Katoliko ang Repormasyon, ang mga martyrologist sa Europa, gaya ni Jean Crespin, ay sumulat ng mga aklat tungkol sa mga pag-uusig at pagpatay sa mga martir sa kani-kanilang bansa, na karaniwang tinatawag na Book of Martyrs. * Dahil dito, ang Acts and Monuments of the Church ni Foxe ay tinawag na Book of Martyrs ni Foxe. Nang maglaon, sa paglabas ng nirebisa at pinaikling mga edisyon, mas nakilala ang di-opisyal na titulo kaysa sa titulong pinili ni Foxe.

[Talababa]

^ par. 26 Tingnan ang artikulong “Ang Book of Martyrs ni Jean Crespin” sa isyu ng Marso 2011 ng magasing ito.

[Credit Line]

© Classic Vision/age fotostock

[Larawan sa pahina 27]

Nagsugo si John Wycliffe ng naglalakbay na mga mángangarál na tinawag na mga Lollard

[Credit Line]

From the book The Church of England: A History for the People, 1905, Vol. II

[Picture Credit Line sa pahina 26]

From Foxe’s Book of Martyrs