Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pag-isipan ang Ebidensiya

Pag-isipan ang Ebidensiya

Pag-isipan ang Ebidensiya

IKAW ay nasa isang malayong isla na walang nakatira. Habang naglalakad sa dalampasigan, nakita mong nakaukit sa isang malaking bato ang “John 1800.” Iisipin mo ba na dahil malayo ang isla at walang nakatira roon, ang markang iyon ay inukit ng hangin o ng tubig? Siyempre hindi! Iisipin mo na may nagsulat ng mga simbolong iyon. Bakit? Una, ang sunud-sunod at malinaw na mga letra at numero​—kahit nakasulat pa iyon sa ibang wika​—ay hindi basta na lang lilitaw. Ikalawa, iyon ay may makabuluhang impormasyon, na nagpapahiwatig ng matalinong pinagmulan.

Sa araw-araw, nakakakita tayo ng mga impormasyong itinatawid gamit ang iba’t ibang simbolo​—gaya ng Braille o mga letra ng alpabeto, mga dayagram, nota ng musika, binibigkas na salita, senyas ng kamay, signal ng radyo, at mga computer program na gumagamit ng binary code, na may mga “0” at “1.” Ang impormasyon ay maaaring ihatid gamit ang iba’t ibang bagay, mula sa light wave at radio wave hanggang sa papel at tinta. Sa lahat ng kaso, laging iniuugnay ng mga tao ang makabuluhang impormasyon sa isang matalinong isip​—maliban na lang kung ang impormasyon ay nasa loob ng isang buháy na selula. Ang gayong impormasyon, ayon sa mga ebolusyonista, ay basta na lang lumitaw. Pero ganoon nga ba? Pag-isipan ang ebidensiya.

Puwede Bang Basta Na Lang Lumitaw ang Masalimuot na Impormasyon?

Maingat na nakatago sa nukleo ng halos lahat ng buháy na selula ng iyong katawan ang isang kahanga-hangang code na tinatawag na deoxyribonucleic acid, o DNA. Ito ay nasa isang mahabang molekula na may doblihang hibla at mukhang paikot na hagdan. Ang iyong DNA ay parang isang talaan ng mga instruksiyon sa pagbuo, paglaki, pagmamantini, at pagpaparami ng trilyun-trilyong selula ng iyong katawan. Ito ay binubuo ng mga pangunahing yunit na tinatawag na nucleotide. Ang mga yunit na ito ay tinatawag na A, C, G, at T, depende sa chemical base nito. * Tulad ng mga letra ng alpabeto, ang apat na letrang ito ay maaaring pagsama-samahin sa iba’t ibang kombinasyon para makabuo ng “mga pangungusap”​—mga instruksiyon sa pagkopya ng molekula ng DNA at iba pang proseso sa loob ng selula.

Ang kabuuan ng impormasyong nakapaloob sa iyong DNA ay tinatawag na genome. Ang ilang kombinasyon ng mga letra sa DNA mo ay sa iyo lang matatagpuan, dahil nasa DNA ang mga katangiang minana mo​—kulay ng mata, kulay ng balat, hugis ng ilong, at iba pa. Sa maikli, ang iyong genome ay maikukumpara sa isang napakalaking aklatan ng mga instruksiyon para sa bawat bahagi ng iyong katawan, at ang resulta ay ikaw.

Gaano kalaki ang “aklatan”? Ito ay may haba na mga tatlong bilyong “letra,” o mga nucleotide (mga base). Kung isusulat ito sa papel, mapupuno nito ang 200 direktoryo ng telepono na may 1,000 pahina bawat isa, ayon sa Human Genome Project.

Nagpapaalala ito sa atin ng isang kahanga-hangang panalangin na isinulat mga 3,000 taon na ang nakalilipas. Mababasa ito sa Bibliya sa Awit 139:16: “Nakita ng iyong mga mata maging ang aking pagkabinhi, at sa iyong aklat ay nakatala ang lahat ng bahagi nito.” Siyempre pa, wala sa isip ng manunulat ang siyensiya. Pero sa simpleng pananalita, binanggit niya ang isang tumpak at kamangha-manghang konsepto para ilarawan ang kamangha-manghang karunungan at kapangyarihan ng Diyos. Malayung-malayo ito sa ibang mga sinaunang relihiyosong akda, na naglalaman ng maraming alamat at pamahiin!

Sino ang Bumuo ng “Aklatan”?

Kung makatuwirang sabihin na isang matalinong isip ang nasa likod ng pagkakasulat ng “John 1800,” hindi ba’t gayundin ang dapat isipin tungkol sa di-hamak na mas masalimuot at makabuluhang impormasyon na nasa DNA? Tutal, impormasyon pa rin ito saanman ito natagpuan o anuman ang anyo nito. Ayon sa computer and information scientist na si Donald E. Johnson, ang mga batas ng kemistri at pisika ay hindi nakalilikha ng masalimuot na impormasyon o ng mga sistema na nagpoproseso ng gayong impormasyon. At makatuwiran lang na miyentras mas masalimuot ang impormasyon, mas nakahihigit na katalinuhan ang kailangan para maisulat iyon. Kayang isulat ng isang bata ang “John 1800.” Pero tanging isang isip na nakahihigit sa isip ng tao ang makasusulat ng kodigo ng buhay. Bukod diyan, “waring lalong nagiging masalimuot ang biyolohiya” habang mas marami tayong natutuklasan, ang sabi ng magasing Nature.

Ang paniniwala na basta na lang lumitaw ang masalimuot na aklatan ng impormasyon sa DNA ay hindi makatuwiran at salungat sa karanasan ng tao. * Napakahirap lunukin ng gayong paniniwala!

Sa pagsisikap na mapatunayang walang Diyos, ang mga ebolusyonista kung minsan ay gumagawa ng mga konklusyon na natutuklasang mali sa bandang huli. Halimbawa, pag-isipan ang pananaw na ang mga 98 porsiyento ng ating genome ay “basura” lang​—isang aklatan ng mga instruksiyon na may bilyun-bilyong salita na walang kahulugan.

Talaga Bang “Basura” Lang?

Matagal nang ipinapalagay ng mga biyologo na ang DNA ay para lang sa paggawa ng mga protina. Pero nang maglaon, natuklasan na mga 2 porsiyento lang ng genome ang naglalaman ng code para sa mga protina. Para saan ang 98 porsiyento ng DNA? Ang mahiwagang DNA na ito ay “agad ipinalagay na basura ng ebolusyon,” ang sabi ni John S. Mattick, propesor ng Molecular Biology sa University of Queensland sa Brisbane, Australia.

Ang siyentipiko na sinasabing umimbento ng terminong “‘basurang’ DNA” ay ang ebolusyonistang si Susumu Ohno. Sa kaniyang akda na “So Much ‘Junk’ DNA in Our Genome,” isinulat niya na ang natitirang DNA ay “labí ng nabigong pag-eeksperimento ng kalikasan. Nagkalat sa daigdig ang fosil ng mga species na naglaho na; nakapagtataka ba na maging ang ating genome ay punô ng labí ng mga gene na naglaho na?”

Paano nakaapekto sa larangan ng henetika ang konsepto ng ‘basurang’ DNA? Sinabi ng molecular biologist na si Wojciech Makalowski na ang gayong ideya ay “nakapigil sa karaniwang mga mananaliksik na pag-aralan ang walang-code [basura] na DNA,” maliban sa iilang siyentipiko na “patuloy na nagsasaliksik sa di-popular na mga larangan kahit mapaharap sila sa panunuya. Dahil sa kanila, ang pananaw tungkol sa basurang DNA . . . ay nagbago noong pasimula ng dekada ’90.” Ayon pa sa kaniya, ang dating tinatawag na basurang DNA ay itinuturing na ngayon ng maraming biyologo na “kayamanan.”

Ayon kay Mattick, ang teoriya tungkol sa basurang DNA ay isang litaw na halimbawa na ang popular na opinyon ng mga siyentipiko ay ‘maaaring makaapekto sa walang-kinikilingang pagsusuri sa mga bagay-bagay.’ “Ang pagkabigong kilalanin ang lahat ng implikasyon nito,” ang sabi niya, “ay malamang na maalaala bilang isa sa pinakamalalaking pagkakamali sa kasaysayan ng molecular biology.” Maliwanag, ang siyentipikong katotohanan ay dapat na nakasalig sa ebidensiya at hindi dahil pinaniniwalaan ito ng karamihan. Kung gayon, ano ang ipinakikita ng mga bagong ebidensiya tungkol sa papel ng ‘basurang’ DNA?

Ang Papel ng ‘Basurang’ Iyon

Ang isang pabrika ng kotse ay may mga makina para sa paggawa ng mga piyesa. Maikukumpara natin ang mga piyesa sa mga protina sa selula. Kailangan din ng pabrika ang mga kasangkapan at sistema na unti-unting mag-a-assemble ng mga piyesang iyon pati na rin ang iba pa na kokontrol, o mangangasiwa, sa assembly line. Parang ganiyan din ang nangyayari sa loob ng selula. At ayon sa mga mananaliksik, diyan na pumapasok ang ‘basurang’ DNA. Ang karamihan sa mga ito ay naglalaman ng mga instruksiyon para sa isang klase ng masalimuot na mga molekula na tinatawag na regulatory RNA (ribonucleic acid), na may mahalagang papel sa pagkabuo, paglaki, at paggana ng selula. * “Ang pag-iral ng pambihirang mga regulator na ito,” ang sabi ng mathematical biologist na si Joshua Plotkin sa magasing Nature, “ay nagpapahiwatig na ang nalalaman natin tungkol sa pinakasimpleng mga bagay . . . ay kulang na kulang.”

Ang isang produktibong pabrika ay nangangailangan din ng mahusay na sistema ng komunikasyon. Ganiyan din ang selula. Ayon kay Tony Pawson, isang cell biologist sa University of Toronto sa Ontario, ang mga signal ng impormasyon sa loob ng mga selula ay dumaraan hindi sa simpleng mga daanan kundi sa komplikadong mga network, anupat ang buong proseso ay di-hamak na mas masalimuot kaysa sa dating inaakala. Gaya nga ng sinabi ng isang dalubhasa sa henetika sa Princeton University, “hindi pa rin nauunawaan ang marami sa mga mekanismo at prinsipyo na kumokontrol sa mga nangyayari sa loob ng selula at sa pagitan ng mga selula.”

Ang bawat bagong tuklas tungkol sa selula ay nagpapakita ng mas mataas na antas ng kaayusan at pagkamasalimuot. Pero bakit kaya napakarami pa ring naniniwala na ang buhay at ang pinakamasalimuot na sistema ng impormasyon na alam ng tao ay resulta ng ebolusyon?

[Mga talababa]

^ par. 5 Bawat nucleotide ay may alinman sa apat na chemical base: (A) adenine, (C) cytosine, (G) guanine, at (T) thymine.

^ par. 11 Ang ebolusyon diumano ay resulta ng mga mutasyon, na ipaliliwanag sa maikli sa susunod na artikulo.

^ par. 19 Ipinakikita ng bagong pagsasaliksik na ang mahaba at walang-code na mga RNA ay napakasalimuot at na kailangan ang mga ito para sa normal na paglaki. Natuklasan na ang depekto sa mga ito ay nauugnay sa maraming sakit, gaya ng iba’t ibang kanser, psoriasis, at pati Alzheimer’s disease. Maaaring nasa dating tinatawag na “basura” ang susi para ma-diagnose at magamot ang iba’t ibang sakit!

[Kahon sa pahina 5]

GAANO KAHABA ANG IYONG DNA?

Kapag iniunat, ang DNA sa isang selula ng iyong katawan ay may haba na mga dalawang metro. Kung pagdudugtung-dugtungin ang lahat ng DNA sa trilyun-trilyong selula ng iyong katawan, tinatayang ang kabuuang haba nito ay halos 670 ulit ng distansiya balikan mula sa lupa hanggang sa araw. Kung lalakbayin ang distansiyang iyan sa bilis ng liwanag, aabutin ito nang mga 185 oras.