Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Sa Germany, 7 sa bawat 10 sanggol ang may rekord na sa Internet. Iginagawa sila ng mga magulang nila ng profile at e-mail address o ipino-post ang kanilang mga larawan o mga kuha sa ultrasound. Pero sinasabi ng mga eksperto na dapat mag-ingat dahil maaaring maging bahagi na ng buhay ng bata ang mga larawan niya sa Internet.​—BABY UND FAMILIE, GERMANY.

Ayon sa estadistika ng gobyerno, 14,000 babae ang namamatay sa Russia taun-taon dahil sa karahasan sa tahanan.​—RIA NOVOSTI, RUSSIA.

Ang snow na bumabagsak sa Mount Everest sa altitud na 6,858 metro hanggang 7,752 metro ay may level ng arsenic at cadmium na itinuturing na delikado sa iniinom na tubig. Ipinapalagay na ito’y dahil sa polusyon na kagagawan ng tao.​—SOIL SURVEY HORIZONS, E.U.A.

Inilabas kamakailan ng kaisa-isang kompanya na awtorisadong mag-imprenta ng Bibliya sa China ang ika-80 milyong kopya nito. Isang milyong Bibliya ang iniimprenta ng kompanya bawat buwan​—25 porsiyento ng lahat ng iniimprenta ngayon sa buong mundo.​—XINHUA, CHINA.

“Mahigit 10 porsiyento ng mga adultong Amerikano (10.1 porsiyento) ang humiwalay sa simbahang Katoliko bagaman pinalaking Katoliko.”​—NATIONAL CATHOLIC REPORTER, E.U.A.

Mga Kalamidad Noong 2010

Ayon sa isang malaking insurance company, 950 likas na sakuna ang naganap sa daigdig noong 2010, anupat mas mataas sa average ng nakaraang dekada na 785 bawat taon. Ang limang pinakamalubhang kalamidad ay ang lindol sa Chile, China, at Haiti; mga baha sa Pakistan; at heat wave sa Russia, kung saan libu-libo ang namatay dahil sa init at polusyon sa hangin. Isang bulkan sa Iceland ang nagbuga ng makapal na abo sa hilagang Europa na bagaman hindi gaanong nakapinsala ay naging dahilan naman para hindi makapagbiyahe ang maraming eroplano. Sa Australia, dalawang matinding pag-ulan ng yelo ang nagdulot ng pinsala na nagkakahalaga ng mahigit $2 bilyon (U.S.). “Ang kabuuang pinansiyal na kalugihan, kasama ang halagang hindi nakubrehan ng insurance,” ang sabi ng The Telegraph ng London, “ay umabot nang $130 bilyon kumpara sa $50 bilyon noong nakaraang taon.”

Ang mga Neanderthal ba ay Tao Rin?

“Bagaman matagal nang inaakala na ang mga Neanderthal ay mas mababa sa Homo sapiens, nagbabago ang pananaw na iyan dahil unti-unting natutuklasan na mayroon silang mga kakayahan na kagaya ng sa atin,” ayon sa New Scientist. Ipinakikita ng mga bagong tuklas na ang mga Neanderthal ay gumawa ng mga tahanan at apuyan, gumamit ng apoy, nagsuot ng damit, nagluto, gumawa ng mga kagamitan, at umimbento ng pandikit para makabitan ng tulis ang kanilang sibat. May ebidensiya rin na nag-alaga sila ng mga maysakit, nagsuot ng mga palamuting may isinisimbolo, at naglibing ng mga patay. Ayon kay Erik Trinkaus, propesor ng physical anthropology sa Washington University, St. Louis, Missouri, E.U.A., “ang mga Neanderthal ay tao, at malamang na kasintalino rin natin sila.”