2011 Tsunami sa Japan—Ang Kuwento ng mga Nakaligtas
2011 Tsunami sa Japan—Ang Kuwento ng mga Nakaligtas
Basahin ang kuwento ng mga nakaligtas sa lindol at tsunami na nangyari sa Japan.
NOONG Biyernes, Marso 11, 2011, 2:46 n.h., niyanig ang Japan ng ikaapat sa pinakamalakas na lindol na napaulat sa kasaysayan. Sinundan ito ng isang dambuhalang tsunami at ng malalakas na aftershock na kinatakutan ng mga tagaroon sa loob ng ilang linggo. Mga 20,000 katao ang namatay o hindi na natagpuan. Pero libu-libo ang nakaligtas. Narito ang ilan sa mga kuwento nila.
Si Tadayuki at ang asawa niyang si Harumi ay nasa bahay nila sa Ishinomaki, Miyagi Prefecture, nang makarinig sila ng malakas na ugong at mayanig nang napakalakas ang kanilang bahay. “Dali-dali kaming lumabas at natakot nang makitang nabibitak ang lupa,” ang sabi ni Tadayuki. “Kitang-kita naming umuuga ang bahay namin at parang umuusok ang dingding dahil sa alikabok.”
Ang sentro ng lindol ay sa karagatan, 129 na kilometro mula sa baybayin ng Miyagi. Ang mapangwasak na tsunami naman ay may haba na 670 kilometro
sa Baybaying Pasipiko ng Japan. Sa ilang lugar, ang alon ay may taas na 15 metro sa baybayin, anupat winasak ang mga breakwater at pampang ng ilog at umabot sa layong 40 kilometro.Nawasak ang mga pinanggagalingan ng kuryente, gas, at malinis na tubig. Mga 160,000 bahay, tindahan, at pabrika ang nasira o naanod. Umabot nang hanggang 440,000 ang mga biktima na nanuluyan sa mga 2,500 shelter, gaya ng mga eskuwelahan at community center. Ang iba ay nakitira sa bahay ng mga kapamilya o kaibigan. Libu-libo ang namatay, at marami ang hindi na natagpuan.
Kawalan at Dalamhati
Mas marami ang namatay sa tsunami kaysa sa lindol. Si Yoichi, na nakatira sa Rikuzentakata, Iwate Prefecture, ay agad na nagsuspetsa na susundan ng tsunami ang lindol, kaya dinala niya sa kalapit na shelter ang mga magulang niya. Pinuntahan din niya ang kaniyang mga kapitbahay. Palibhasa’y nag-aalala pa rin sa kaniyang mga magulang, gusto ni Yoichi at ng asawa niyang si Tatsuko na balikan sila pero nabalitaan nilang paparating na ang tsunami.
Dali-dali silang tumakbo sa isa pang shelter pero hindi sila makapasok dahil naharangan na ng kalat ang pinto. Pagkatapos, nakita nilang tangay ng tubig ang maitim na gusali ng isang lagarian na rumaragasa patungo sa kinaroroonan nila. “Takbo!” ang sigaw ni Tatsuko.
Nakarating sila sa bakuran ng isang eskuwelahan na nasa mataas na lugar. Mula roon, kitang-kita nilang nilalamon ng tsunami ang buong komunidad. May nagsabi, “Tinatangay ang bahay ko.” Ang kalakhang bahagi ng Rikuzentakata ay nawasak, at natangay ng tubig ang mga magulang ni Yoichi. Hindi na natagpuan ang bangkay ng tatay niya; ang bangkay ng nanay niya ay natagpuan nang maglaon.
Si Toru ay nagtatrabaho sa isang pabrika na malapit sa baybayin ng Ishinomaki. Nang tumigil ang unang pagyanig, dali-dali siyang nagpunta sa kotse niya para makaalis. Pasigaw rin niyang sinabihan ang iba na magsialis dahil posibleng magka-tsunami.
“Uuwi muna sana ako sa bahay, na nasa mataas na lugar, pero naipit ako sa trapik,” ang paliwanag ni Toru. “Narinig ko sa radyo na nakarating na ang tsunami sa isang kalapit na lunsod. Binuksan ko ang bintana ng kotse para makaalis ako sakaling umabot iyon sa kinaroroonan ko. Di-nagtagal, isang pader ng maitim na tubig na may taas na mahigit dalawang metro ang sumagupa sa akin. Ang mga kotse sa
unahan ko ay bumangga sa kotse ko, at natangay kaming lahat.“Hiráp na hiráp akong lumabas sa bintana. Pagkatapos, tinangay ako ng malangis at mabahong tubig patungo sa isang talyer ng sasakyan, kung saan kumapit ako sa hagdan at umakyat sa second floor. Tatlong tao ang pilit kong hinila para mailigtas. Ang ilan sa amin na naroroon ay nakatagal sa tumataas na tubig at sa matinding lamig sa gabi. Pero hindi namin nailigtas ang ibang humihingi ng saklolo.”
Bago lumindol, si Midori, taga-Kamaishi, Iwate, ay dumalaw sa kaniyang lolo’t lola. Kaga-graduate lang niya sa haiskul kaya ipinakita niya ang kaniyang diploma sa kaniyang lolo na matagal nang baldado. Binasa nito nang malakas ang diploma at pinuri si Midori sa kaniyang pagsisikap. Pagkalipas lang ng limang araw, naganap ang lindol.
Pinilit ni Midori at ng nanay niyang si Yuko ang kaniyang lolo’t lola na lumikas, dahil iniisip nilang may darating na tsunami. Pero sinabi ng lolo niya: “Hindi ako aalis. Hindi pa inaabot ng tsunami ang lugar na ito.” Sinubukan nila siyang ilabas ng bahay, pero hindi nila siya mabuhat, kaya naghanap sila ng makakatulong. Pero nakarating na sa baybayin ang tsunami. “Bilis! Takbo!” ang sigaw ng mga lalaki na nasa kalapít na burol. Isa-isang nilalamon ng tsunami ang mga bahay. Umalingawngaw ang mangiyak-ngiyak na sigaw ni Midori, “Lolo! Lola!” Hindi na natagpuan ang lola niya, pero ang bangkay ng lolo niya ay natagpuan nang bandang huli.
Pagbibigay ng Tulong
Ang gobyerno ng Japan ay agad na nagpadala ng mga bombero, pulis, at mga miyembro ng Japanese Self-Defense Force mula sa buong bansa. Di-nagtagal, mahigit sa 130,000 katao ang abala sa rescue at relief work. Dumating din ang tulong mula sa ibang bansa at mga internasyonal na organisasyon, pati na ang maraming rescue team at medical staff. Naghanap sila ng mga posibleng buháy pa, nagbigay ng medikal na tulong, at naghawan ng kalat na iniwan ng tsunami.
Tinulungan ng iba’t ibang organisasyon ang kani-kanilang miyembro. Ganiyan din ang ginawa ng mga Saksi ni Jehova. Pagkatapos na pagkatapos ng lindol at tsunami noong Biyernes ng hapon, inalam ng mga Saksi ang kalagayan ng mga kapananampalataya nila. Pero maraming kalsada ang hindi madaanan at naputol ang linya ng kuryente at telepono. Napakahirap maghanap ng mga tao sa napakalawak na lugar na nasalanta.
Noong Biyernes ng hapon na iyon, iilang pamilya lang ang nakontak ni Takayuki, isang elder sa kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Soma, Fukushima Prefecture. “Ipinasiya kong kinabukasan na hanapin ang iba,” ang sabi niya. “Nang magmadaling-araw na, nagsimula na akong maghanap sakay ng kotse. Nang bandang huli, naglakad na lang ako at inabot na ng gabi sa paghahanap. Nagpunta ako sa 20 lokasyon, kasama riyan ang mga shelter, para maghanap ng mga kakongregasyon ko. Kapag may natagpuan ako, nagbabasa ako sa kanila ng mga
teksto sa Bibliya at nananalanging kasama nila.”Si Shunji, taga-Ishinomaki, ay nagkuwento: “Bumuo kami ng mga grupo na maghahanap sa aming mga kapananampalataya. Pagdating namin sa lugar na nasalanta, na-shock kami. May mga kotseng nakasabit sa mga poste ng kuryente, patung-patong ang mga bahay, at mas mataas pa sa bahay ang bunton ng nagkalat na mga bagay. Nakakita kami ng isang bangkay sa ibabaw ng kotse, malamang na isang biktimang hindi nakatagal sa ginaw. Isa pang kotse ang nakabaligtad at nakasabit sa pagitan ng mga bahay. May bangkay rin sa loob nito.”
Nakahinga nang maluwag si Shunji nang matagpuan niya ang kaniyang mga kapananampalataya sa mga shelter. “Nang makita ko sila,” ang sabi niya, “noon ko nadama kung gaano ko sila kamahal.”
“Ang Bilis Ninyo!”
Sina Yui at Mizuki, dalawang kabataang babaing Saksi, ay magkapitbahay sa Minamisanriku, Miyagi. Nang tumigil ang unang pagyanig,
dali-dali silang lumabas ng bahay at nagkita. Magkasama silang tumakbo sa isang burol. Wala pang sampung minuto, nakita na nilang tinatangay ng sunud-sunod na alon ang buong bayan kasama na ang bahay nila.Nang makakita sina Yui at Mizuki ng mga kakilalang Saksi sa isang shelter, nanalangin silang magkakasama. Kinaumagahan, ang ilan mula sa kongregasyon nila at sa kalapit na mga kongregasyon ay tumawid pa ng bundok para dalhan sila ng pagkain at iba pang kailangan nila. Nasabi nina Yui at Mizuki, “Alam naming darating kayo, pero ang bilis ninyo!”
Si Hideharu, isang elder sa Tome Congregation, ay dumalaw sa shelter. Sinabi niya: “Magdamag akong naghanap ng mga kapatid na nakatira sa baybayin. Noong 4:00 n.u., napag-alaman kong ang ilan ay lumikas sa isang eskuwelahan. Nang 7:00 n.u., mga sampu sa amin ang naghanda ng mga binilog na kanin, at tatlo ang naghatid ng pagkain sakay ng kotse. Maraming kalsada ang hindi madaanan pero nakarating din kami sa eskuwelahan. Kahit ang mga nawalan ng kanilang bahay ay tumulong sa amin sa pag-aasikaso sa iba.”
Paglalaan ng Espirituwal na Pangangailangan
Ang mga Saksi ni Jehova ay regular na nagtitipon para mag-aral ng Bibliya, at ginagawa ito ng ilang kongregasyon tuwing Biyernes ng gabi. Ganiyan sa Rikuzentakata; pero ang kanilang Kingdom Hall, kung saan nagpupulong ang mga Saksi, ay winasak ng tsunami. “Magpulong pa rin tayo,” ang sabi ng isang Saksi. Kaya pumili sila ng isang bahay na hindi gaanong napinsala at sinabihan ang mga miyembro ng kongregasyon.
Dahil walang kuryente, gumamit sila ng generator. Labing-anim katao ang nakarating. “Naiyak kami sa tuwa,” ang sabi ng kabataang si Yasuyuki, na nawalan ng apartment dahil sa tsunami. “Iyon ang pinakamatibay na kanlungan para sa amin.” Sinabi naman ni Hideko: “Madalas ang aftershock noong nagpupulong kami, pero habang magkakasama kami, nakalimutan ko ang takot at pangamba.”
Hindi kailanman pumalya sa pagdaraos ng pulong ang kongregasyon. Pagkaraan ng dalawang araw, noong Linggo, ang piniling paksa para sa pahayag ay “Isang Pambuong-Daigdig na Kapatirang Nakaligtas sa Kalamidad.”
Pagsasaayos ng Relief Work
Sinimulan agad ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno ang relief work, gaya rin ng ginawa ng tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova, na nasa Ebina at malapit sa Tokyo. Noong Sabado, kinabukasan pagkalindol, hinati ng sangay sa tatlong seksiyon ang napakalawak na lugar na nasalanta ng lindol. Noong Lunes, tatlong araw matapos ang lindol, dinalaw ng mga kinatawan ng sangay ang mga lugar na iyon.
Tuloy pa rin ang relief work nang sumunod na mga buwan. Tone-toneladang suplay mula sa mga Saksi ang ipinamahagi. May pagkakataong 3 relief center at 21 bodega at istasyon ang namahagi ng mga suplay. Sa unang dalawang buwan, daan-daang boluntaryo ang namigay ng mahigit 250 tonelada ng pagkain, damit, at iba pang pangangailangan. Ibinahagi ng maraming Saksi sa kanilang mga kapitbahay ang natanggap nilang suplay.
Ginagamit ng mga Saksi ni Jehova mula sa
mga kongregasyon ng Rikuzentakata at Ofunato ang kanilang bagong-tayong Kingdom Hall para palakasin sa espirituwal ang mga tao. Makatutulong ito sa mga tagaroon para muling makabangon at malimutan ang trauma na idinulot ng mapangwasak na lindol at tsunami. Sa mahigit 14,000 Saksi sa lugar na nasalanta, 12 ang kumpirmadong patay at 2 ang hindi pa natatagpuan.Maraming Saksi ni Jehova ang naging biktima ng matinding sakunang ito. Nadarama nila ang gaya ng sinabi ng isang pamilya: “Nang lumikas kami, isang bag lang ang bitbit ng bawat isa. Pero lahat ng kailangan namin ay inilaan ng aming mga kapananampalataya.” Napakasarap isipin na ang mga lingkod ng tunay na Diyos, si Jehova, ay kabilang sa pandaigdig na kapatirang tinukoy ni Jesus at ng kaniyang mga apostol! Ang buklod na ito ay hindi kayang wasakin ng tsunami o ng ibang likas na sakuna.—Juan 13:34, 35; Hebreo 10:24, 25; 1 Pedro 5:9.
[Kahon/Larawan sa pahina 18]
PAGKASIRA NG PLANTANG NUKLEAR
Ang pagkasira ng mga reactor ng Fukushima Daiichi nuclear power plant dahil sa tsunami ay naging ulo ng balita sa buong mundo. Kumalat ang radyasyon sa Japan at sa ibang mga bansa. Libu-libo ang pinalikas dahil posibleng makamatay iyon.
“Malapit sa nuclear plant ang bahay namin,” ang sabi ni Megumi. “Kinabukasan pagkatapos ng lindol, nabalitaan namin na napinsala ang planta at sinabihan kami na lumikas.” Naaalaala ng kapatid niyang si Natsumi, “Aali-aligid ang mga helikopter, walang-tigil ang tunog ng mga sirena, at isang announcer ang sigaw nang sigaw na magsilikas na kami.” Nang sumunod na mga linggo, palipat-lipat sila sa siyam na iba’t ibang lokasyon. Nang maglaon, ang dalawang kabataang ito ay pinayagang umuwi sa bahay nila sa loob lang ng dalawang oras para kumuha ng ilang gamit.
Si Chikako, na mahigit nang 60 anyos, ay nasa Namie, Fukushima. “Nang lumindol, pumunta ako sa malapit na shelter. Doon ako nagpalipas ng gabi, kasama ang dalawa kong anak. Pero hindi kami nakatulog dahil sa malalakas na aftershock. Kinabukasan, 7:00 n.u., sinabihan kaming lumipat agad sa isang shelter na nasa ibang lunsod.
“Sobrang sikip ng trapik, kaya mga 3:00 n.h. na kami nakarating sa pupuntahan namin. Doon namin nalaman na may sumabog sa nuclear power plant. Akala ko makakabalik agad kami sa bahay namin, kaya wala kaming anumang dinala.” Siya at ang pamilya niya ay nagpalipat-lipat ng tuluyan hanggang sa makakita sila ng apartment na malayo sa kanilang bahay.
[Credit Line]
Photo by DigitalGlobe via Getty Images
[Kahon/Larawan sa pahina 20]
MGA ARAL PARA SA ATIN
Si Yoichi, taga-Rikuzentakata, na binanggit sa pasimula at nawalan ng halos lahat ng kaniyang ari-arian, ay nagsabi, “Napatunayan kong hindi nagbibigay ng seguridad ang materyal na mga bagay.” Matagal nang sinasabi iyan ng mga lingkod ng Diyos, lalo na ng mga natuto ng aral na binigkas ni Jesus. Itinuro niya na mas mahalaga ang pagsang-ayon at pagpapala ng Diyos kaysa sa materyal na mga bagay.—Mateo 6:19, 20, 33, 34.
Ang isa pang aral ay ito: Kumilos agad kapag binigyan ng babala. Ang paggawa nito ay maaaring mangahulugan ng kaligtasan o kapahamakan. Ang karamihan sa mga taga-Japan na agad nagpunta sa mas mataas na lugar ay nakaligtas.
[Mapa/Mga larawan sa pahina 16]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
JAPAN
TOKYO
Kamaishi
Rikuzentakata
Minamisanriku
Ishinomaki
Soma
Nuclear power plant sa Fukushima
Ebina
Tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova
[Mga larawan]
Rikuzentakata, Iwate
Soma, Fukushima
Ishinomaki, Miyagi
Kamaishi, Iwate
Minamisanriku, Miyagi
[Larawan sa pahina 14]
Harumi at Tadayuki
[Larawan sa pahina 15]
Yoichi at Tatsuko
[Larawan sa pahina 17]
Yuko at Midori
[Larawan sa pahina 17]
Toru
[Larawan sa pahina 17]
Ang sasakyang minamaneho ni Toru
[Larawan sa pahina 17]
Takayuki
[Larawan sa pahina 18]
Shunji
[Larawan sa pahina 19]
Mizuki at Yui
[Larawan sa pahina 19]
Hideharu
[Larawan sa pahina 19]
Mga relief worker
[Larawan sa pahina 20]
Kingdom Hall sa Rikuzentakata pagkatapos ng tsunami
[Larawan sa pahina 20]
Pagtatayo pagkaraan ng tatlong buwan
[Larawan sa pahina 20]
Ang bagong-tayong Kingdom Hall
[Picture Credit Line sa pahina 14]
JIJI PRESS/AFP/Getty Images