Ayaw Nilang Mabasa ng mga Tao ang Salita ng Diyos
Ayaw Nilang Mabasa ng mga Tao ang Salita ng Diyos
SA PAGLIPAS ng panahon, sinikap ng ilan na isalin ang Bibliya sa mga wika na karaniwang ginagamit ng mga tao. Iilan lang ang makababasa ng Bibliya sa wikang Hebreo o Griego kung saan ito orihinal na isinulat. Hindi mauunawaan ng karamihan sa atin ang Salita ng Diyos kung mababasa lang ito sa mga sinaunang wikang iyon.
Halos 300 taon bago isilang si Jesus, isinalin ang Hebreong Kasulatan sa wikang Griego. Ang saling iyon ay tinawag na Griegong Septuagint. Pagkaraan ng mga 700 taon, natapos ni Jerome ang isang kilaláng salin na tinatawag na Vulgate. Salin ito ng Hebreo at Griegong Kasulatan sa Latin, ang wika na karaniwang ginagamit noon sa Imperyo ng Roma.
Nang maglaon, hindi na gaanong ginagamit ang Latin. Ang mga edukado na lang ang pamilyar dito, at tutol ang Simbahang Katoliko na isalin ang Bibliya sa ibang wika. Ikinatuwiran ng mga lider ng relihiyon na sa mga wikang Hebreo, Griego, at Latin lamang angkop na mabasa ang Bibliya. *
Pagkakabaha-bahagi ng Simbahan at Pagsasalin ng Bibliya
Noong ikasiyam na siglo C.E., isinulong nina Methodius at Cyril, mga misyonerong taga-Tesalonica na kinatawan ng Silangang Simbahan sa
Byzantium, ang paggamit ng Slavo bilang isang wika ng simbahan. Gusto nila na ang mga Slav na taga-Silangang Europa, na hindi nakakaintindi ng Griego at Latin, ay matuto tungkol sa Diyos sa sarili nilang wika.Gayunman, ang mga misyonerong ito ay kinontra ng mga paring Aleman, na gustong ipilit ang paggamit ng Latin para mahadlangan ang paglaganap ng impluwensiya ng Bizantinong Kristiyanismo. Maliwanag na mas mahalaga sa kanila ang pansariling kapakanan kaysa matuto ang mga tao tungkol sa Diyos. Dahil sa tumitinding tensiyon sa pagitan ng Kanluran at Silangang bahagi ng Sangkakristiyanuhan, nahati ito sa Romanong Katolisismo at Silangang Ortodokso noong 1054.
Hinadlangan ang Pagsasalin ng Bibliya
Nang maglaon, itinuring ng Romanong Katolisismo ang Latin bilang isang banal na wika. Kaya bilang tugon sa kahilingan ng duke ng Bohemia na si Vratislaus noong 1079 na gamitin ang wikang Slavo sa kanilang mga misa, si Pope Gregory VII ay sumulat: “Hinding-hindi namin maaaring aprobahan ang kahilingang ito.” Bakit kaya?
“Maliwanag sa mga maingat na nagsusuri sa bagay na ito,” ang sabi ni Pope Gregory, “na gusto ng Diyos na ilihim ang Banal na Kasulatan sa ilang dako dahil kung magiging malinaw ito sa lahat, baka maging karaniwan na lang ito at hindi na igalang o maging mali ang pagkaunawa rito ng mga taong may limitadong kaalaman anupat maakay sila sa pagkakamali.”
Ang karaniwang mga tao ay masyadong hinigpitan para hindi makabasa ng Bibliya, at matagal na panahong ganiyan ang sitwasyon. Sa gayon ay nakontrol ng klero ang taong-bayan. Ayaw nilang manghimasok ang karaniwang mga tao sa mga bagay na sa palagay nila’y para lang sa kanila.
Noong 1199, may isinulat si Pope Innocent III tungkol sa “mga erehe” na nagsalin ng Bibliya sa wikang Pranses at nangahas na pag-usapan ito. Ikinapit sa kanila ni Pope Innocent ang sinabi ni Jesus: “Huwag ninyong ibigay sa mga aso ang anumang banal, ni ihagis man ang inyong mga perlas sa harap ng mga baboy.” (Mateo 7:6) Bakit daw? “Upang ang taong karaniwan at di-edukado ay huwag mangahas na pag-aralan ang matayog at sagradong Kasulatan, o ipangaral ito sa iba.” Ang mga ayaw sumunod sa utos ng papa ay kadalasan nang ibinibigay sa mga inkisidor para paaminin sa kanilang ginawa. Ang mga ayaw magsisi ay sinusunog nang buháy.
Sa mahabang panahon na pinagtatalunan ang karapatang magkaroon ng Bibliya at magbasa nito, kadalasan nang ginagamit na basehan ang liham ni Pope Innocent para ipagbawal ang paggamit at pagsasalin ng Bibliya. Di-nagtagal matapos ilabas ang kaniyang utos, nagsimula na ang panununog sa mga salin ng Bibliya, at maging sa ilang may-ari nito. Sa sumunod na mga siglo, ginawa ng mga obispo at tagapamahala ng Katolikong Europa ang lahat ng paraan para ipatupad ang pagbabawal na inilabas ni Pope Innocent III.
Alam na alam ng mga lider ng Simbahang Katoliko na ang marami sa kanilang mga turo ay hindi nakasalig sa Bibliya kundi sa tradisyon ng simbahan. Tiyak na isa ito sa mga dahilan kung bakit ayaw nilang mabasa ng kanilang mga miyembro ang Bibliya. Kapag nabasa ito ng mga tao, malalaman nila na hindi kaayon ng Kasulatan ang mga doktrina ng simbahan.
Epekto ng Repormasyon
Nagbago ang sitwasyon ng relihiyon sa Europa nang lumitaw ang Protestantismo. Ang mga pagsisikap ni Martin Luther na repormahin ang Simbahang Katoliko at ang pagkalas niya rito noong 1521 ay pangunahin nang dahil sa pagkaunawa niya sa Kasulatan. Kaya nang maputol na ang kaugnayan niya sa simbahan, si Luther, na mahusay sa pagsasalin, ay nagsikap na maipaabot ang Bibliya sa taong-bayan.
Ang salin ni Luther sa wikang Aleman at ang malawak na pamamahagi nito ay napansin ng Simbahang Romano Katoliko. Kaya naman naisip nilang tapatán ang Bibliya ni Luther ng salin na katanggap-tanggap sa simbahan. Di-nagtagal, dalawang Bibliyang Aleman na aprobado ng simbahan ang inilabas. Pero noong 1546, wala pang 25 taon ang nakalilipas, ipinahiwatig ng Romano Katolikong Konsilyo ng Trent na ang pag-iimprenta ng anumang relihiyosong literatura, pati na ang pagsasalin ng Bibliya, ay dapat na may pahintulot ng simbahan.
Itinakda ng Konsilyo ng Trent “na mula ngayon, ang sagradong Kasulatan . . . ay dapat na ilimbag sa pinakatumpak na paraang posible; at na hindi dapat ilimbag ninuman, o pangyarihing mailimbag, ang anumang aklat tungkol sa sagradong mga bagay nang walang pangalan ng awtor; o sa hinaharap ay magbenta nito, o magkaroon pa nga nito, malibang masuri muna ito at maaprobahan ng [lokal na obispo].”
Noong 1559, inilathala ni Pope Paul IV ang unang talaan ng mga aklat na ipinagbabawal ng Simbahang Romano Katoliko. Ipinagbawal din nito ang pagkakaroon ng salin ng Bibliya sa wikang Aleman, Ingles, Italyano, Kastila, Olandes, at Pranses, pati na ng ilang bersiyon sa Latin. Ang sinumang nagnanais magbasa ng Bibliya ay dapat kumuha ng nakasulat na permiso mula sa mga obispo o inkisidor—isang bagay na hindi gagawin ng mga ayaw mapaghinalaang erehe.
Ang mga taong naglakas-loob na magkaroon o mamahagi ng Bibliya sa mga wika na karaniwang ginagamit sa kanilang rehiyon ay napaharap sa galit ng Simbahang Katoliko. Marami ang inaresto, sinunog sa tulos, nilitson nang buháy, ibinilanggo nang habambuhay, o ginawang tagasagwan sa barko. Sinunog ang mga nakumpiskang Bibliya. Sa katunayan, nangungumpiska at nanununog ng Bibliya ang mga paring Katoliko hanggang noong ika-20 siglo.
Hindi ito nangangahulugan na ang Protestantismo ay naging
tunay na kakampi at tagapagtanggol ng Bibliya. Noong ika-18 at ika-19 na siglo, itinaguyod ng ilang Protestanteng teologo ang paraan ng pag-aaral ng Bibliya na nakilala sa tawag na mapanuring kritisismo. Nang maglaon, marami ang naniwala sa mga turo na naimpluwensiyahan ng teoriya ni Darwin na diumano’y basta na lang lumitaw ang buhay nang walang Maylalang.Itinuro ng mga teologo, at maging ng maraming klerigo, na ang malaking bahagi ng Bibliya ay batay sa alamat. Kaya naman hindi tinatanggap ng ibang klerigong Protestante sa ngayon, pati ng maraming miyembro nila, na ang Bibliya ay salita ng Diyos anupat sinasabi pa nga na hindi ito kaayon ng kasaysayan.
Marahil ay napapansin mo na may mga taong hindi naniniwala na totoo ang nilalaman ng Bibliya, at baka nagulat ka nang malaman mo ang mga pag-atake noon sa Bibliya. Pero nabigo ang mga iyon. Nakaligtas ang Bibliya!
Kung Bakit Ito Nakaligtas
Totoo, marami ang nagmahal sa Bibliya at naging handang magbuwis ng kanilang buhay para maipagtanggol ito. Pero isang nakahihigit na puwersa ang talagang dahilan kung bakit ito nakaligtas—ang espiritu ng Diyos, na siyang gumabay sa lahat ng sumulat ng mga aklat ng Bibliya at nag-ingat sa mga akdang ito.—Isaias 40:8; 1 Pedro 1:25.
Ang pagbabasa ng Bibliya at pagsunod sa mga turo nito ay makatutulong para magkaroon tayo ng mas mabuting buhay, kalusugan, at buhay pampamilya. Gusto ng Diyos na manatili ang Bibliya at maisalin sa pinakamaraming wika hangga’t maaari para ang lahat ay magkaroon ng pagkakataong makilala, mahalin, at paglingkuran siya, at sa hinaharap ay magtamasa ng walang-hanggang mga pagpapala. Hindi ba’t iyan ang gusto nating lahat?
Nang manalangin si Jesus sa kaniyang Ama sa langit, sinabi niya: “Ang iyong salita ay katotohanan.” (Juan 17:17) Ang Bibliya—ang Kasulatang binasa at itinuro ni Jesus—ay ibinigay ng Diyos para sagutin ang mga tanong ng mga taong taimtim.
Pinasisigla ka naming alamin nang higit pa ang mensahe ng Diyos sa sangkatauhan na mababasa sa Bibliya. Ang mga Saksi ni Jehova, na namamahagi ng magasing ito, ay magagalak na tumulong sa iyo. *
[Mga talababa]
^ par. 4 Ang ideyang ito ay waring nakuha sa mga isinulat ng Kastilang obispo na si Isidore ng Seville (560-636 C.E.), na nagsabi: “May tatlong sagradong wika, Hebreo, Griego, at Latin, at ang mga ito ang nangunguna sa buong mundo. Sapagkat sa tatlong wikang ito ipinasulat ni Pilato sa ibabaw ng krus ang paratang laban sa Panginoon.” Siyempre pa, ang desisyong isulat ito sa tatlong wikang iyon ay mula sa mga paganong Romano at hindi sa Diyos.
^ par. 28 Maaari kang makipag-ugnayan sa kanila, nang walang obligasyon, sa isa sa mga adres na nasa pahina 5 ng magasing ito o sa www.watchtower.org.
[Blurb sa pahina 6]
Ang karaniwang mga tao ay masyadong hinigpitan para hindi makabasa ng Bibliya, sa gayo’y nakontrol ng klero ang taong-bayan
[Blurb sa pahina 8]
Kapag nahuli, ang mga taong naglakas-loob na magkaroon o mamahagi ng Bibliya ay sinusunog sa tulos o ibinibilanggo nang habambuhay
[Kahon sa pahina 9]
MAY SAGOT ANG BIBLIYA
Gusto ng Maylalang na malaman natin ang sagot sa mahahalagang tanong na ito:
● Bakit tayo naririto?
● Bakit kaya napakaraming pagdurusa?
● Nasaan ang mga patay?
● Ano ang kinabukasan ng sangkatauhan?
Ang Bibliya ay naglalaan ng sagot sa mga tanong na ito at ng praktikal na mga payo kung paano magiging tunay na maligaya.
[Chart/Mga larawan sa pahina 6, 7]
MAHAHALAGANG PETSA SA PAG-ATAKE SA BIBLIYA
mga 636 C.E.
Mariing sinabi ni Isidore ng Seville na ang Hebreo, Griego, at Latin ay “sagradong” mga wika kaya ang mga ito lang ang angkop sa Banal na Bibliya
1079
Tinanggihan ni Pope Gregory VII ang kahilingan ni Vratislaus na gamitin sa simbahan ang wikang Slavo, anupat sinabi na ang Kasulatan ay hindi dapat mabasa ng mga taong may “limitadong kaalaman”
1199
Sinabi ni Pope Innocent III na ang mangahas na magsalin ng Bibliya at makipag-usap tungkol dito ay erehe. Ang mga ayaw sumunod sa papa ay kadalasan nang pinahihirapan at pinapatay
1546
Ipinag-utos ng Konsilyo ng Trent na ang lahat ng paglilimbag ng mga salin ng Bibliya ay dapat munang aprobahan ng Simbahang Katoliko
1559
Ipinagbawal ni Pope Paul IV ang pagkakaroon ng Bibliya sa karaniwang mga wika. Ang mga salin ay kinumpiska at sinunog, kadalasa’y kasama ang may-ari ng mga ito
[Credit Lines]
Pope Gregory VII: © Scala/White Images/Art Resource, NY; Pope Innocent III: © Scala/Art Resource, NY; Council of Trent: © Scala/White Images/Art Resource, NY; Pope Paul IV: © The Print Collector, Great Britain/HIP/Art Resource, NY
[Picture Credit Line sa pahina 8]
From Foxe’s Book of Martyrs