Christmas Tree—Ang Pinagmulan Nito
Christmas Tree—Ang Pinagmulan Nito
SA MARAMING lupain sa daigdig, ang Christmas tree na evergreen ay isang kilaláng simbolo sa mga kapistahan at negosyo. Ang punong ito ay matagal nang ginagamit bilang relihiyosong simbolo.
Pinatutunayan ito ng ebidensiya na makikita sa Bohuslän Province sa kanlurang baybayin ng Sweden at sa kalapít nitong probinsiya ng Østfold na nasa Norway. Sa mga 5,000 iba’t ibang lokasyon sa mga lugar na iyon, mahigit 75,000 ukit sa bato ang natagpuan at ang ilan dito ay larawan ng mga punong evergreen. Sinasabi ng mga arkeologo na ang marami sa mga iyon ay inukit sa pagitan ng 1,800 at 500 B.C.E. *
May ipinahihiwatig ang kahanga-hangang mga ukit na iyon tungkol sa paniniwala ng mga taong nabuhay bago pa man isilang si Jesus ng Nazaret. Halimbawa, ipinapalagay ng ilang mananaliksik na noong sinaunang panahon, ang mga punong evergreen, gaya ng spruce, ay ginamit bilang sagradong simbolo sa mga lugar sa Sweden at Norway.
Bakit kaya iniukit sa bato ng mga taong nakatira sa mga baybaying ito sa malayong hilaga ng daigdig ang larawan ng punong spruce? Ayon sa ilang iskolar, maaaring ang isang dahilan ay sapagkat madalang ang mga punong ito nang iukit ang mga iyon noong bago ang panahong Kristiyano. Hindi kataka-taka na parang mahiwaga ang isang puno na nananatiling berde, o “buháy,” samantalang ang iba pang mga puno ay parang patay na dahil sa matinding lamig.
Ang mga puno ay malaon nang simbolo ng buhay, kaligtasan, at imortalidad sa maraming kultura sa daigdig. Maaaring ito rin ang dahilan kung bakit ang larawan ng mga punong kahawig ng spruce ay iniukit sa mga bato sa rehiyon ng Bohuslän at Østfold maraming siglo bago naging pangkaraniwan doon ang punong iyon.
Ang aklat na Rock Carvings in the Borderlands, na inilathala sa tulong ng Swedish National Heritage Board, ay nagsabi: “Ang mga larawan ng puno sa mga ukit sa bato ay nagpapakitang mula pa noong Bronze Age, ang relihiyon at kultura ng timugang rehiyon ng Scandinavia ay kaugnay na niyaong sa buong Europa at malaking bahagi ng Asia. Ang relihiyon at kosmolohiya ay ibinagay sa pamumuhay ng mga tao bilang mga magsasaka at tagapag-alaga ng hayop. Halos pare-pareho ang mga diyos na sinasamba nila, bagaman iba-iba ang pangalan ng mga diyos.”
Ang The Rock Carving Tour, isang buklet na inilathala ng Bohusläns Museum, ay nagpaliwanag din: “Hindi ang pang-araw-araw na buhay ang gustong ilarawan ng mga mang-uukit. Naniniwala kami na ang mga larawang iniukit nila ay isang anyo ng pagdarasal at pagtawag sa mga diyos.” Idinagdag pa ng buklet: “Ang mga paniniwala ay nakasentro sa walang-katapusang siklo
ng buhay, pag-aanak, kamatayan at muling-pagsilang.”Tungkol sa isang pambihirang koleksiyon ng simbolikong sining, na ginawa matagal na panahon pa bago nakarating sa hilagang Europa ang sining ng pagsulat, ang Nationalencyklopedin, na pangunahing ensayklopidiya ng Sweden, ay nagsabi: “Ang maraming larawan hinggil sa sekso ay nagpapakita kung gaano kahalaga sa relihiyon ng mga tao sa Hilaga noong Bronze Age ang mga ritwal sa pag-aanak.”
Lumilitaw na ang mga kaugaliang may kaugnayan sa mga punong evergreen ay lumaganap at naging bahagi ng buhay sa maraming lugar. Sinabi ng Encyclopædia Britannica tungkol sa Christmas tree: “Ang pagsamba sa puno ay karaniwan sa mga paganong Europeo at nagpatuloy kahit noong nakumberte na sila sa Kristiyanismo.” Makikita ito sa kanilang iba’t ibang ritwal at kaugalian, kasama na “ang kaugalian . . . na maglagay ng Yule tree sa pasukan o sa loob ng bahay sa panahon ng mga kapistahan sa taglamig.”
Naging popular ang punong evergreen sa makabagong panahon nang gamitin ng maharlikang pamilya ng Britanya ang isang spruce na may dekorasyon sa pagdiriwang nila ng Pasko noong 1841. Sa ngayon, ang Christmas tree ay kilalang-kilala sa buong mundo, at ang natural at artipisyal na mga Christmas tree ay mabiling-mabili. Samantala, ang mga ukit sa bato sa Scandinavia ay tahimik na nagpapatotoo na hindi nagmula sa mga Kristiyano ang paggamit ng Christmas tree.
[Talababa]
^ par. 3 Ang ilan sa mga ukit sa bato sa Bohuslän ay kasama sa UNESCO World Heritage List.
[Blurb sa pahina 12]
Ipinahihiwatig ng mga ukit sa bato na ang paganong pagsamba sa punong evergreen ay nagsimula bago pa ang panahon ni Kristo
[Mga larawan sa pahina 13]
Mga larawan ng puno na nakaukit sa bato sa (1) Torsbo, (2) Backa, at (3) Lökeberg, Sweden
[Credit Line]
Courtesy Stiftelsen för dokumentation av Bohusläns hällristningar