Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Hindi Malilimutan Dahil sa Pagiging Mausisa

Hindi Malilimutan Dahil sa Pagiging Mausisa

Hindi Malilimutan Dahil sa Pagiging Mausisa

● Paano mo gustong maalaala? Kapag naisip ka ng mga tao, ano ang papasok sa isip nila? Nababahala ang marami sa reputasyong maiiwan nila kaya sinisikap nilang makilala sa larangan ng siyensiya, pulitika, isport, at sining. Pero ano kaya kung maalaala ka ng mga tao dahil sa iyong pagtatanong?

Limang daang taon na ang nakararaan, isang lalaking taga-Sentral Amerika ang nagharap ng maraming magagandang tanong. Pinuno siya ng isang grupo ng mga katutubo at ang pangalan niya ay Nicarao, na malamang na pinagkunan ng salitang “Nicaragua.” Nang maglaon, ang kaniyang pangalan ay tumukoy sa kaniyang tribo, sa lupaing tinirhan niya, at sa kanilang malaking lawa.

Ang tribo ni Nicarao ay nakatira sa pahabang lupain na nasa pagitan ng Karagatang Pasipiko at ng malawak na Lawa ng Nicaragua. Di-nagtagal matapos matuklasan ni Columbus ang Bagong Daigdig, sinimulang galugarin ng mga Kastila ang lupaing ito. Pinangunahan ni Kapitan Gil González Dávila ang kaniyang hukbo patungo sa hilaga mula sa tinatawag ngayong Costa Rica at nakarating sila sa lupain ni Nicarao noong 1523 C.E.

Isip-isipin ang pag-aalala ng mga Kastila habang naglalakbay sa lupain na noon lang nila narating. Tiyak na tuwang-tuwa sila nang makilala nila ang pinunong si Nicarao! Napakabukas-palad ng mga tagaroon, na kilaláng katangian pa rin ngayon ng mga taga-Nicaragua. Tinanggap nila ang mga Kastila at binigyan ng mga regalo, kasama na rito ang maraming ginto.

Gustong malaman ni Nicarao ang sagot sa mga tanong na matagal na niyang iniisip. Nadagdagan pa ito dahil sa pagdalaw ng mga Kastila. Ayon sa mga mananalaysay, itinanong niya kay Kapitan González ang mga sumusunod:

Narinig mo na ba ang tungkol sa malaking baha na lumipol sa lahat ng tao at hayop? Magpapasapit ba uli ang Diyos ng baha sa lupa? Ano ang nangyayari sa tao kapag namatay siya? Paano gumagalaw ang araw, buwan, at mga bituin? Paano sila lumulutang sa kalawakan? Gaano sila kalayo sa atin? Kailan maglalaho ang araw, buwan, at mga bituin? Saan nanggagaling ang hangin? Paano nagkakaroon ng init at lamig, ng liwanag at dilim? Bakit hindi pare-pareho ang haba ng araw sa buong taon?

Maliwanag na interesadung-interesado si Nicarao sa mga nakikita niya sa kalikasan. Mahahalata sa mga tanong niya ang kaniyang relihiyosong paniniwala. Ipinakikita ng mga ito na ang kaniyang mga interes at ikinababahala ay kapareho rin ng sa mga tao ngayon. At ang pagkaalam ni Nicarao at ng kaniyang mga katribo tungkol sa isang malaking baha ay nagpapaalaala sa atin ng ulat ng Bibliya tungkol dito.​—Genesis 7:17-19.

Bagaman ang kultura ni Nicarao ay punô ng espiritismo at ritwal ng paghahain ng tao, nabahala siya tungkol sa paggawi at paraan ng pamumuhay ng kaniyang mga sakop. Pinatutunayan ng pagtatanong niya na ang tao ay may budhi. Tungkol dito, sumulat si apostol Pablo: “Ang kanilang budhi ay nagpapatotoong kasama nila at, sa pagitan ng kanilang sariling mga kaisipan, sila ay inaakusahan o ipinagdadahilan pa nga.”​—Roma 2:14, 15.

Sa ngayon, isang estatuwa ng pinunong si Nicarao ang nakatayo malapit sa lugar kung saan ipinapalagay na una niyang nakilala ang mga Kastila. Ang kaniyang pagiging mausisa, na nag-udyok sa kaniya na magbulay-bulay tungkol sa buhay at sa mga bagay sa paligid niya, ay magandang huwaran para sa atin.​—Roma 1:20.

[Mapa sa pahina 21]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Nicaragua

TIMOG AMERIKA

KARAGATANG ATLANTIKO