Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pangmalas ng Bibliya

Nagmamalasakit ba ang Diyos sa mga Hayop?

Nagmamalasakit ba ang Diyos sa mga Hayop?

NANGANGANIB ang mga hayop. Naniniwala ang maraming siyentipiko na lalong bumibilis ang pagkaubos ng iba’t ibang uri ng hayop. Nasisira ang tirahan ng maraming hayop dahil sa mga ginagawa ng tao. Napipinsala rin sila dahil sa maramihang produksiyon ng pagkain, malulupit na isport kung saan pinaglalaban ang mga hayop, at sa walang-awang pagpapabaya sa mga alagang hayop.

Gayunman, sinasabi ng iba na iyan ay natural na resulta ng pagdami ng tao. Pero iyan nga ba ang layunin ng Diyos? Pinabayaan na ba niya ang mga hayop para magdusa sa kamay ng mga tao? Bakit natin masasabing nagmamalasakit ang Diyos sa mga hayop?

Pinagmamalasakitan Mula Pa Nang Lalangin

Matapos lalangin ang mga isda, ibon, at mga hayop sa lupa, ang Diyos ay nalugod. Sinasabi ng Bibliya na “nakita [niya] na iyon ay mabuti.” (Genesis 1:21, 25) Ang lahat ng mga hayop na iyon, mula sa pinakamaliit hanggang sa pinakamalaki, ay pinangalagaan ng Maylalang. Hindi lang sila nilalang ng Diyos na “may likas na karunungan” kundi pinaglaanan din niya sila para mabuhay sa kanilang kapaligiran. Gaya nga ng sinabi ng isang manunulat ng Bibliya: “Silang lahat​—sa iyo sila naghihintay upang mabigyan sila ng kanilang pagkain sa kapanahunan. Ang ibinibigay mo sa kanila ay kinukuha nila. Binubuksan mo ang iyong kamay​—nabubusog sila ng mabubuting bagay.”​—Kawikaan 30:24; Awit 104:24, 25, 27, 28.

Totoo, ang mga hayop ay ipinasakop ng Diyos sa unang tao, si Adan. Hindi sila nilalang na may espirituwalidad o kakayahang mangatuwiran. (2 Pedro 2:12; Judas 19) Kabaligtaran nito, si Adan ay nakahihigit sa mga hayop, anupat nilalang “ayon sa larawan ng Diyos.” May kakayahan siyang tularan ang personalidad ng kaniyang Maylalang, si Jehova. (Genesis 1:27; Awit 83:18) Pero hindi ibig sabihin nito na may karapatan ang tao na pamahalaan ang mga hayop nang hiwalay sa kanilang Maylalang.

Halimbawa, sinimulang pangalanan ni Adan ang mga hayop dahil ibinigay ni Jehova sa kaniya ang pribilehiyong iyon. Bukod diyan, tinulungan ni Jehova si Adan nang ‘dalhin Niya sa lalaki ang mga hayop upang tingnan kung ano ang itatawag niya sa bawat isa.’ (Genesis 2:19) Magtatagumpay lang ang tao sa pangangalaga sa mga hayop kung gagawin niya iyon ayon sa patnubay ng kaniyang Maylalang.

Talagang Nagmamalasakit ang Diyos

Nakalulungkot, nagrebelde si Adan sa kaniyang Maylalang. Nagbunga ito ng kapahamakan sa sangkatauhan at sa lahat ng may buhay sa lupa. Gayunman, nilinaw ng Maylalang kung paano dapat tratuhin ang mga hayop. Bagaman nang maglaon ay pinahintulutan ang tao na kumain ng hayop at gamitin ang mga ito sa iba pang praktikal na layunin, hindi kailanman pinahintulutan ng Diyos ang malupit na pagtrato sa mga ito. Sinasabi ng Bibliya: “Pinangangalagaan ng matuwid ang kaluluwa ng kaniyang alagang hayop, ngunit ang kaawaan ng mga balakyot ay malupit.”​—Kawikaan 12:10.

Nagbigay pa nga ang Diyos sa bansang Israel ng mga kautusan para mapangalagaan ang mga hayop. Ang kaayusan ng Sabbath, isang araw ng ganap na pamamahinga bawat linggo, ay nagdulot ng pakinabang sa kanilang mga hayop dahil ang mga ito rin ay nakapagpahinga. (Exodo 23:12) Kapansin-pansin na bagaman hindi puwedeng magtrabaho ang mga tao sa sagradong araw na iyon, dapat nilang tulungan ang isang hayop na nasa panganib. (Lucas 14:5) Sinabi rin ng Diyos na hindi dapat pagkaitan ng pagkain ang mga baka habang nagtatrabaho ang mga ito, at hindi dapat kargahan ng napakabigat na pasan ang mga hayop. (Exodo 23:5; Deuteronomio 25:4) Hindi dapat pag-araruhing magkasama ang isang toro at isang asno, para hindi mapinsala ang alinman sa mga ito. (Deuteronomio 22:10) Maliwanag na itinuturo ng Bibliya na ang mga hayop ay dapat tratuhin nang maayos, may konsiderasyon, at may habag.

Bagaman maraming tao ang nakapokus sa pansariling kapakanan at walang pakialam anuman ang mangyari sa mga hayop, may-pagkahabag na pinagmamalasakitan ng Diyos ang mga ito. Nang si propeta Jonas ay hindi mahabag sa mga taga-Nineve nang hindi sila parusahan ng Diyos matapos magsisi, sinabi ni Jehova: “Sa ganang akin, hindi ba ako dapat manghinayang sa Nineve na dakilang lunsod, kung saan may mahigit sa isang daan at dalawampung libong tao na hindi man lamang nakakakilala ng pagkakaiba ng kanilang kanang kamay sa kanilang kaliwa, bukod pa sa maraming alagang hayop?” (Jonas 4:11) Oo, nahabag ang Maylalang pati sa mga hayop!

Tiyak na Pangangalagaan sa Hinaharap

Maliwanag na mahalaga sa Diyos kung paano tinatrato ang mga hayop. Sinabi pa nga ng kaniyang minamahal na Anak, si Jesus, na walang isa mang maya ang nahuhulog sa lupa nang hindi nalalaman ng kaniyang Ama. (Mateo 10:29) Sa kabilang dako, mabuti man ang intensiyon ng mga tao, hindi nila lubusang nauunawaan kung ano ang epekto sa kapaligiran ng kanilang ginagawa. Para makapamuhay nang hindi napipinsala ang mga hayop, kailangang baguhin ang saloobin ng tao.

Nakatutuwa naman, sinasabi sa Bibliya na sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos, “ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman kay Jehova.” (Isaias 11:9) Dahil sa gayong kaalaman, ang masunuring mga tao ay matututo at masasanay na pangasiwaan nang maayos ang lupa. Titiyakin ng Maylalang na iiral ang kapayapaan sa pagitan ng tao at hayop, sa gayo’y ibabalik ang mga kalagayan sa lupa noong lalangin ito ng Diyos.

Inilalarawan ng Bibliya ang pagbabagong magaganap sa panahong iyon nang sabihin nito: “Ang lobo ay tatahan ngang sandali kasama ng lalaking kordero, at ang leopardo ay hihigang kasama ng batang kambing, at ang guya at ang may-kilíng na batang leon at ang patabaing hayop ay magkakasamang lahat; at isang munting bata lamang ang mangunguna sa kanila. At ang baka at ang oso ay manginginain; ang kanilang mga anak ay magkakasamang hihiga. At maging ang leon ay kakain ng dayami gaya ng toro. At ang batang sumususo ay maglalaro sa lungga ng kobra; at sa siwang ng liwanag ng makamandag na ahas ay ilalagay nga ng batang inawat sa suso ang kaniyang kamay.” Kay sarap ngang isipin ang napakagandang kalagayang iyan!​—Isaias 11:6-8.

NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?

● Mahalaga ba sa Diyos kung paano tinatrato ang mga hayop?​—Kawikaan 12:10; Mateo 10:29.

● Posible ba ang ganap na kapayapaan sa pagitan ng tao at hayop?​—Isaias 11:6-9.

[Blurb sa pahina 11]

Para hindi mapinsala ang mga hayop, kailangang baguhin ang saloobin ng tao

[Picture Credit Line sa pahina 11]

La Voz de Galicia/Fotógrafo: Víctor Mejuto