Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Ipinakikita ng mga swab test na ang mga keypad ng mga cash machine [ATM] sa England ay kontaminado ng mga baktiryang posibleng pagmulan ng sakit anupat walang ipinagkaiba sa mga upuan ng inidoro sa mga pampublikong CR.​—THE TELEGRAPH, BRITAIN.

“May mga lindol na hindi inaasahan ng mga siyentipiko [gaya ng naganap sa New Zealand sa taóng ito at sa Haiti noong nakaraang taon] dahil nangyayari ito sa mga fault line na hindi pa nadidiskubre. . . . Kaya ito ang nakakatakot na tanong: Gaano karaming malalaking lindol ang posibleng mangyari sa mga fault line na hindi ipinapalagay na delikado o hindi pa nadidiskubre?”​—THE NEW YORK TIMES, E.U.A.

“Ang apat na pinakamayamang tao sa daigdig . . . ay mas maraming kayamanan kaysa sa 57 pinakamahihirap na bansa sa daigdig.”​—FOREIGN POLICY, January/February 2011, E.U.A.

Ang mga may-ari ng 90 porsiyento ng mga negosyo sa Poland ay nagsabi na sila’y naging biktima ng pagnanakaw o pandaraya ng kanilang mga empleado nitong nakalipas na dalawang taon.​—GAZETA PRACA, POLAND.

Pinagmumulta na ngayon ng $300 (U.S.) ng isang simbahang Katoliko sa Brazil ang mga babae na dumarating nang huli sa oras ng kanilang kasal. Ang magkasintahan ay pinagagawa ng tseke bago ang kasalan, at isinasauli lang ito kapag dumating sila sa oras.​—G1, BRAZIL.

Hindi Na Organ Donor ang Papa

Noong kardinal pa ng Simbahang Romano Katoliko si Joseph Ratzinger, isa siyang organ donor, ayon sa diyaryo sa Italy na La Repubblica. Pero mula nang mahalal siyang papa at maging si Benedict XVI, hindi na siya organ donor. Bakit? “Ang katawan ng Papa ay pag-aari ng Simbahan,” ang paliwanag ng arsobispong si Zygmunt Zimowski, isang miyembro ng herarkiya ng Vatican. “Kaya aasahan natin na kapag namatay ang isang papa, iingatang kumpleto ang katawan niya, dahil posibleng pag-ukulan ito ng debosyon sa hinaharap.”

Pera o Buhay?

Ipagpapalit ba ng mga tao sa isang milyong euro ang isang taon ng kanilang buhay? Sa Germany, gagawin iyon ng mahigit 1 sa bawat 4 na lalaki at 1 sa bawat 6 na babae, ayon sa surbey na ipinagawa ng Reader’s Digest Deutschland sa Emnid, isang research and consulting company. Mas handang makipagpalit ang mga mas bata​—29 na porsiyento sa mga edad 14 hanggang 29 at 25 porsiyento sa mga edad 30 hanggang 39. Pero para sa mas matatanda, mas mahalaga ang buhay anupat 13 porsiyento lang ng mga edad 50 hanggang 59 at 11 porsiyento ng mga mahigit 60 anyos ang papayag na makipagpalit.