Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong

Paano Magiging Tunay na Masaya ang Isang Pagtitipon?

Paano Magiging Tunay na Masaya ang Isang Pagtitipon?

Lagyan ng ✔ ang pinananabikan mong gawin sa isang pagtitipon.

  • kumain

  • kumanta

  • maglaro

  • makakilala ng mga bagong kaibigan

  • makasama ang dati nang mga kaibigan

  • iba pa ․․․․․

MARAMING kabataan ang gustung-gustong pumunta sa mga pagtitipon, at wala namang masama riyan. Sa katunayan, binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa ilang mabubuting pagtitipon.

Alam mo ba?

  • Nagdaos ng mga pagtitipon ang mga anak ni Job.​—Job 1:4.

  • Dumalo si Jesus sa isang malaki-laking kasalan.​—Juan 2:1-11.

  • Ang mga Kristiyano noong unang siglo ay nagkaroon ng mga salu-salo sa mga pribadong tahanan.​—Gawa 2:46, 47.

Totoo naman, talagang masaya ang magtipun-tipon kasama ng mga kaibigan. Pero nakalulungkot, may mga pagtitipon na hindi nagiging kasiya-siya.

KARANASAN “Inimbitahan ako sa isang party na puwedeng pumunta kahit sino, at ginawa ito sa bahay ng isang kabataang lalaki noong wala ang mga magulang niya. Mabuti na lang at hindi ako pumunta! Kinabukasan, nabalitaan kong marami ang nag-inuman at may mga nalasing. Tatlong kabataang lalaki pa nga ang bumagsak sa sobrang kalasingan. Nagkaroon din ng away. Kinailangan pang tumawag ng pulis para ipahinto ang party.”​—Janelle.

ARAL Huwag magbaka-sakali! Ikaw man ang nag-oorganisa ng isang pagtitipon o imbitado ka lang, tiyaking alam mo ang sagot sa mga tanong sa kasunod na mga pahina. Sa gayo’y mas malamang na magkaroon ka ng magagandang alaala pagkatapos ng party, at wala ka pang pagsisisihan.

MATAGUMPAY NA PAGTITIPON

“Noong magbigay ng party ang kaibigan ko, alam ng mommy niya kung nasaan ang lahat. Kahit noong kukuha lang ako ng jacket sa kotse, tinanong niya kung saan ako pupunta. Sobrang ingat ba siya? Siguro. Pero okey lang ’yon sa ’kin dahil alam kong mas mabuti nang mag-ingat kaysa magsisi sa huli.”​—Kim.

“May nadaluhan na akong masasayang pagtitipon, at sa palagay ko, naging matagumpay ang mga ’yon dahil iba-ibang edad ang naroroon. Isa pa, may inihandang masasayang activity ang mga host, kaya walang bumubukod para gawin ang gusto niya.”​—Andrea.