Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pangmalas ng Bibliya

Bakit Mahalagang Magbigay ng Komendasyon?

Bakit Mahalagang Magbigay ng Komendasyon?

NADARAMA ng maraming tao na hindi napapansin ng iba ang kanilang mga ginagawa. Halimbawa, kadalasan nang iniisip ng mga empleado na hindi sila pinahahalagahan ng kanilang boss o amo. Nadarama naman ng maraming may asawa na binabale-wala sila ng kanilang kabiyak. At iniisip ng ilang anak na parang hindi nila kailanman mapalulugdan ang kanilang mga magulang. Maiiwasan sana ang lahat ng ito kung handa tayong magbigay ng komendasyon sa isa’t isa paminsan-minsan.

Bihira nang marinig sa ngayon ang taimtim na mga papuri. Hindi ito nakapagtataka dahil inihula sa Bibliya: “Sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan. Sapagkat ang mga tao ay magiging mga maibigin sa kanilang sarili, . . . mga walang utang-na-loob, mga di-matapat.”​—2 Timoteo 3:1, 2.

May nagbigay na ba sa iyo ng taimtim na komendasyon? Kung oo, alam mong ito’y nakapagpapataba ng puso at nakapagpapasigla. “Ang salita sa tamang panahon, O anong buti!” ang sabi ng Bibliya. (Kawikaan 15:23) Matutulungan tayo ng Banal na Kasulatan na maging mabait sa pakikitungo sa isa’t isa.

Hanapin ang Mabubuting Katangian ng Iba

Dahil lubhang nagmamalasakit sa atin ang Diyos, tinitingnan niya at pinahahalagahan ang ating mabubuting katangian at gawa. Tinitiyak sa atin ng Bibliya tungkol sa Diyos: “Ang kaniyang mga mata ay lumilibot sa buong lupa upang ipakita ang kaniyang lakas alang-alang sa mga may pusong sakdal sa kaniya.” (2 Cronica 16:9) Kapag ipinakikita natin ang pag-ibig sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa kaniyang mga utos, tiyak na napapansin niya iyon.

Ang Diyos na Jehova ay hindi nakabantay sa ating mga pagkakamali. Kung ginagawa niya iyon, walang sinuman sa atin ang magkakamit ng pagsang-ayon niya. (Awit 130:3) Si Jehova ay parang isang minero na matiyagang naghahanap ng batong hiyas sa bunton ng mga bato. Kapag ang minero ay nakakita ng isang batong hiyas, natutuwa siya. Maaaring mukhang pangkaraniwan lang ang batong iyon, pero nakikita na ng minero ang potensiyal na halaga nito. Sa katulad na paraan, kapag sinusuri ng Diyos ang ating puso, hinahanap niya ang magagandang katangian natin, hindi ang ating mga pagkakamali. Kapag may nakita si Jehova, natutuwa siya. Alam niya na kung mahuhubog nang husto ang mga katangiang iyon, ang resulta ay isang tapat na mananamba.

May matututuhan tayo sa halimbawa ng Diyos. Kapag tumitingin tayo sa iba, baka nakapokus lang tayo sa mga pagkakamali nila. Pero kung titingnan natin sila ayon sa pangmalas ni Jehova, hahanapin natin ang kanilang mabubuting katangian. (Awit 103:8-11, 17, 18) Kapag nakita natin ang magaganda nilang katangian, makapagbibigay tayo ng komendasyon. Ang resulta? Tiyak na magiginhawahan sila sa ating pananalita, at malamang na mas sisikapin pa nilang gawin ang tama! At tayo naman ay makadarama ng kagalakan dahil nakapagbigay tayo sa iba.​—Gawa 20:35.

Pahalagahan ang Mabubuting Gawa

Binigyang-pansin at pinahalagahan ni Jesus ang mabubuting gawa ng iba. Minsan, nang palihim na hawakan ng isang babaing maysakit ang panlabas na kasuutan ni Jesus para mapagaling, pinapurihan siya ni Jesus: “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya.”​—Marcos 5:34.

Minsan naman, habang nagtuturo si Jesus sa templo sa Jerusalem, nakita niya ang maraming mayayaman na naghuhulog ng salapi sa mga kabang-yaman. Pagkatapos, nakita niya ang isang nagdarahop na babaing balo na naghulog ng “dalawang maliit na barya na napakaliit ng halaga.” Mas malaki ang iniabuloy ng iba kaysa sa balo. Pero hayagang pinapurihan ni Jesus ang kataimtiman nito: “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, Ang babaing balo na ito, bagaman dukha, ay naghulog ng higit kaysa sa kanilang lahat. Sapagkat ang lahat ng mga ito ay naghulog ng mga kaloob mula sa kanilang labis, ngunit ang babaing ito mula sa kaniyang kakapusan ay naghulog ng lahat ng kabuhayang taglay niya.”​—Lucas 21:1-4.

Paano natin matutularan si Jesus? Sinasabi ng Bibliya: “Huwag mong ipagkait ang mabuti doon sa mga kinauukulan, kapag nasa kapangyarihan ng iyong kamay na gawin ito.”​—Kawikaan 3:27.

Napakahalaga ng Komendasyon

Sa di-mapagpahalagang daigdig na ito, kailangan nating lahat ang pagpapahalaga at pagmamahal. Kapag taimtim nating pinupuri ang iba, napatitibay natin sila at napasisigla. Ang ating taos-pusong papuri ay magpapakilos sa kanila na patuloy na gawin ang kanilang buong makakaya.​—Kawikaan 31:28, 29.

Hinihimok ng Bibliya ang lahat ng Kristiyano: “Isaalang-alang natin ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa.” (Hebreo 10:24) Ibang-iba ang magiging kalagayan ng daigdig kung ang lahat ay magpapakita ng personal na interes sa kanilang kapuwa, hahanapin ang kanilang magagandang katangian, at pahahalagahan ang kanilang mabubuting gawa. Oo, napakahalaga ng komendasyon!

NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?

● Bakit dapat nating papurihan ang iba sa kanilang mabubuting gawa?​—Kawikaan 15:23.

● Kapag sinusuri tayo ni Jehova, ano ang hinahanap niya?​—2 Cronica 16:9.

● Kailan tayo dapat magbigay ng komendasyon sa iba?​—Kawikaan 3:27.

[Larawan sa pahina 29]

Napapansin mo ba at pinahahalagahan ang mabubuting gawa ng iba?