Kuwento ng Matagumpay na Stepfamily
Kuwento ng Matagumpay na Stepfamily
HINDI NA BASTA MAGKASAMA LANG SA BAHAY
Ang 20-anyos na anak ni Philip, si Elise, ay kapisan niya sa bahay at ito ang nag-aasikaso sa maraming gawaing-bahay. Nang mapangasawa ni Philip si Louise, magkásundô kaya ang mag-stepmother?
Louise: Hiráp na hiráp kami sa umpisa. Ako y’ong tao na nasa bahay lang palagi at gusto kong ako ang nag-aasikaso sa mga gawaing-bahay.
Elise: Binago ni Louise ang ayos ng bahay at itinapon ang marami sa mga gamit namin. Minsan, naglinis ako pero mali ang pinaglagyan ko ng ilang gamit, hindi ko na kasi alam kung saan ilalagay ang mga iyon. Nagalit si Louise, nagkasagutan kami, at isang linggo ko siyang hindi kinausap.
Louise: Minsan sinabi ko kay Elise, “Hindi ko na alam ang gagawin ko, at hindi ko kaya ang ganitong sitwasyon.” Nang gabing iyon, lumapit siya sa akin at nagsori. Niyakap ko siya, at pareho kaming napaiyak.
Elise: Hindi inalis ni Louise ang ilang picture ko na nakasabit sa dingding, at hindi rin tinanggal ni Daddy ang mga lampshade na inilagay ko sa sala. Parang maliit na bagay lang ang ginawa nila, pero naipadama nila sa akin na hindi naman nagbago ang lahat sa bahay namin. Nagpapasalamat din ako sa pag-aasikaso ni Louise sa nakababata kong kapatid na lalaki kapag dumadalaw ito sa amin. Dalawang taon na ang lumipas, at pakiramdam ko, tunay na kapamilya na siya.
Louise: Para sa akin, hindi na kami basta magkasama lang ni Elise sa bahay. Magkaibigan na rin kami.
“MAS MAHALAGA ANG MAGKAISA”
Sina Anton at Marelize ay may tigatlong anak bago sila nagpakasal anim na taon na ang nakararaan.
Anton: May mga aktibidad ang buong pamilya gaya ng pagkakamping, at binibigyan namin ng panahon ang bawat bata. Ilang taon din bago kami nasanay sa isa’t isa, pero karamihan sa mga problema namin ay nalutas na.
Marelize: Para sa amin, mahalaga na isiping ang mga bata ay “mga anak namin,” hindi “anak mo at anak ko.” Minsan, nagreklamo ako dahil parang hindi makatuwiran si Anton sa pagdidisiplina sa isang anak kong lalaki at pinaupo niya sa unahan ng kotse ang anak niyang babae. Natutuhan ko na sa pamilya, mas mahalaga ang magkaisa kaysa umupo sa unahan. Sinisikap naming maging patas kahit hindi namin matrato nang pare-pareho ang lahat.
Iniiwasan ko ring magkuwento tungkol sa masasayang araw namin ng dati kong pamilya para hindi ma-out-of-place ang iba. Sa halip, kontento na ako sa aming pamilya ngayon.
“MAGBIGAY MUNA NG KOMENDASYON”
Nagpakasal sina Francis at Cecelia apat na taon na ang nakalilipas. Kapisan nila sa bahay ang tatlong anak na adulto ni Cecelia at isang tin-edyer na anak na lalaki ni Francis.
Francis: Sinisikap kong maging madaling lapitan at huwag maging maramdamin. Kumakain kami nang sama-sama at sinasamantala namin ito para makapagkuwentuhan. Sinasabihan ko rin ang lahat na tumulong sa ilang gawaing-bahay dahil makikinabang dito ang buong pamilya.
Cecelia: May panahon ako sa lahat ng anak namin at nakikinig ako sa kanilang mga pangamba at problema. Kapag nag-uusap-usap ang buong pamilya, sinisikap naming magbigay muna ng komendasyon bago sila payuhan kung ano ang dapat nilang pasulungin. At kapag nagkakamali ako, inaamin ko ito at nagsosori.
PINALAKI NG DALAWANG STEPPARENT
Hindi na nakita ni Yuki, 20 anyos, ang kaniyang ama mula noong limang taon siya. Nang maglaon, napangasawa ng nanay niya si Tomonori, pero namatay ang nanay niya nang si Yuki ay sampung taon. Pagkalipas ng limang taon, napangasawa ng stepfather niya si Mihoko, kaya nagkaroon siya ng dalawang stepparent.
Yuki: Nang magpasiyang muling mag-asawa ang stepfather ko, naisip ko, “Hindi ko kailangan ang stepmother. Tama na y’ong mga pagbabago sa pamilya ko.” Hindi ko matanggap ang sitwasyon at malamig ang pakikitungo ko sa stepmother ko.
Mihoko: Kahit hindi ako pinilit ng asawa ko na mahalin ang stepson niya gaya ng ginagawa niya, gusto ko talagang mápalapít kay Yuki. Sinikap naming huwag baguhin ang rutin niya, kasama na ang espirituwal na mga gawain, paglilibang, at kuwentuhan pagkatapos naming maghapunan. Mas naintindihan ko rin siya matapos naming pag-usapan ang tungkol sa pagkamatay ng nanay niya.
Nang magbuntis ako, inisip namin si Yuki. Gusto naming ipadama sa kaniya na talagang kapamilya siya. Kaya tinuruan namin siyang magpakain at magpaligo sa baby, at magpalit ng diaper nito, at pinupuri namin siya sa harap ng iba dahil sa tulong niya. Malapít ang loob ni Itsuki kay Yuki. Bago pa man niya natutuhan ang mga salita para sa “tatay” o “nanay,” alam na niyang sabihin ang niinii—kuya.
Yuki: Bilang stepson, normal lang na madamang nag-iisa ka at out-of-place. Kahit ipaliwanag mo sa iba ang sitwasyon mo, hindi pa rin nila talaga maiintindihan. Pero masasabi kong malaking tulong ang mga kapuwa Kristiyano. Hindi na ako asiwa ngayon sa stepmother ko. Maganda ang mga payo niya sa akin, at nasasabi ko sa kaniya ang niloloob ko.
[Blurb sa pahina 9]
Maging matiisin! Posibleng maging matagumpay at maligaya ang mga stepfamily