Maililigtas ba Sila Mula sa Pagkaubos?
Maililigtas ba Sila Mula sa Pagkaubos?
NOONG 2002, ipinahayag ng United Nations ang tunguhin na sa pagtatapos ng dekada ay mabawasan ang bilis ng pagkaubos ng mga species at ang pagkasira ng mga ekosistema. Kaayon ng tunguhing iyan, ang 2010 ay idineklarang International Year of Biodiversity.
Pero nakalulungkot, pagsapit ng 2010, malayo pa ring maabot ang tunguhing iyon. “Dahil sa mga ginagawa ng tao,” ang ulat ng BBC, “ang mga species ay nauubos nang 1,000 beses na mas mabilis kaysa sa likas na average.” Mas espesipiko ang sinabi ng New Zealand Herald: “Isa sa bawat limang halaman, isa sa bawat limang mamalya, isa sa bawat pitong ibon at isa sa bawat tatlong ampibyan ang nanganganib na maubos sa buong mundo.” Makikita ang isang aspekto ng problema kung susuriin natin ang nangyari sa New Zealand sa nagdaang mga siglo.
Sari-saring Hayop at Halaman sa New Zealand
Bago nanirahan sa New Zealand ang mga tao, maayos ang ekosistema nito. Gayunman, ang mga unang nanirahan dito ay nagdala ng mga species na nakapinsala sa katutubong mga hayop at halaman. Halimbawa, nang tawirin ng mga Maori ang Pasipiko, nagdala sila ng mga aso at marahil pati ng kiore (o Polynesian rat), para magsilbing pagkain nila.
Pagkatapos, noong ika-17 at ika-18 siglo, dumating ang mga Europeo, at may dala silang mga pusa, ship rat, at iba pang uri ng daga; ang mga pusa ay agad naging mailap sa mga tao. Nagdala rin
sila ng mga kambing, baboy, at usa para paramihin at kainin. Noon namang ika-19 na siglo, nagdala sila ng mga brush-tailed possum at rabit—para mapagkunan ng karne at balahibo—anupat hindi inisip ang magiging epekto ng mga hayop na ito sa mga puno, ibon, at pananim.Pagsapit ng dekada ng 1860, hindi na makontrol ang pagdami ng mga rabit, kaya dinala sa New Zealand ang mga stoat, isang uri ng mamalya na naninila ng rabit. Pero mas gustong kainin ng stoat ang mga katutubong ibon na mas mabagal at mas madaling hulihin. Kaya patuloy na dumami ang mga rabit.
Iniulat ng Department of Conservation ng New Zealand na sa kasalukuyan, dahil sa tumitinding epekto ng mga pesteng mamalya, 9 sa bawat 10 sisiw na brown kiwi sa kagubatan ang mamamatay bago sila mag-isang taóng gulang. Maraming species ang tuluyan nang naubos: sa mga ibon, mahigit 40; sa mga palaka, 3; sa mga paniki, 1; at sa mga lizard, di-kukulangin sa 3—bukod pa sa maraming uri ng insekto. Mahigit kalahati ng 5,819 na katutubong halaman at hayop sa New Zealand ang idineklarang nanganganib, kaya ang mga halaman at hayop doon ay kabilang sa mga pinakananganganib na maubos sa buong daigdig.
Mga Ginagawang Pagsisikap
Naghihigpit na ngayon ang mga ahensiya ng gobyerno para hindi makapasok sa New Zealand ang nakapipinsalang mga halaman at hayop. Nagpatupad na rin ang Department of Conservation ng maraming programa para lipulin ang mga peste, lalo na sa mga isla, at nagtakda rin ito ng mga lugar kung saan maiingatan ang buhay-ilang.
Ang isa sa mga iyon ay ang Tiritiri Matangi Island, malapit sa baybayin ng Whangaparaoa Peninsula sa Auckland. Matapos lipulin ang mga daga sa isla noong 1993 at magtanim ng mga 280,000 katutubong puno, ito’y naging isang kontroladong santuwaryo
na puwedeng bisitahin. Ibinalik dito ang mga katutubong ibon, kasama na ang di-pangkaraniwang saddleback, takahe, kokako, rifleman, at stitchbird. Palibhasa’y walang naninila sa magagandang ibong ito, dumarami sila roon, at puwede pa silang pagmasdan nang malapitan.Noong 2003, idineklarang wala nang daga sa Campbell Island, na nasa hilaga ng Antartiko, matapos ang dalawang-taóng programa ng paglipol. Mula noon, dumarami na uli ang katutubong mga halaman at bumabalik na ang mga ibong-dagat. Kahit ang Campbell Island teal—isang pambihirang uri ng pato—ay naibalik doon.
Kamakailan, isang malaking proyekto ang sinimulan sa mga isla ng Rangitoto at Motutapu, at pati sa Hauraki Gulf ng Auckland, para protektahan ang pinakamalaking kagubatan ng punong Pohutukawa at mapangalagaan ang ibinalik na mga katutubong buhay-ilang. Matapos lipulin ang ilang peste—kasama na ang mga rabit, stoat, hedgehog, pusang gubat, Norway rat, ship rat, at iba pang uri ng daga—muling nakita sa mga islang iyon ang mga red-crowned parakeet at bellbird, na isang siglong nawala!
Ipinakikita ng mga halimbawang ito kung ano ang magagawa para maibalik ang nanganganib na mga species at remedyuhan ang mga pagkakamaling nagawa noon. Ang lahat ng nagmamahal sa kalikasan ay makaaasa sa pangako ng Bibliya na wawakasan ng Diyos na Jehova, na “Maylikha ng langit at lupa,” ang mga gawaing pumipinsala sa kalikasan, pati na sa mga hayop at halaman.—Awit 115:15; Apocalipsis 21:5.
[Blurb sa pahina 25]
Sa ngayon, 9 sa bawat 10 sisiw na kiwi ang namamatay bago mag-isang taóng gulang
[Kahon sa pahina 26]
MATALINONG PAGGAMIT NG PONDO
Ang isang hamon sa mga conservationist sa buong mundo ay kung paano pagkakasyahin ang limitadong pondo para harapin ang problema sa humahabang listahan ng papaubos na species. Ang isang pamamaraan ay tinawag na conservation triage, na batay sa prinsipyo ng priyoridad na sinusunod sa mga emergency ward ng ospital sa buong mundo. Sa pamamaraang ito na tinatawag ding ecological triage, ginagamit ang mga pondo para maabot ang pinakamabuting resulta, anupat isinasaalang-alang ang mga bagay gaya ng (1) ipinapalagay na kahalagahan ng isang species o ng kapaligirang tinitirhan nito, (2) tsansang magtagumpay ang iminumungkahing hakbang, at (3) perang magagastos. Hindi lahat ay sang-ayon sa pamamaraang ito, pero ayon sa mga nagsusulong nito, nakatutulong ito para magamit ang limitadong pondo kung saan matatamo ang pinakamagandang resulta.
[Mga mapa sa pahina 26]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
NEW ZEALAND
Hauraki Gulf
Tiritiri Matangi Island
Rangitoto at Motutapu
Campbell Island
[Larawan sa pahina 25]
Brown kiwi
[Larawan sa pahina 27]
Isang adultong takahe sa Tiritiri Matangi Island
[Larawan sa pahina 27]
Campbell Island
[Picture Credit Line sa pahina 25]
© S Sailer/A Sailer/age fotostock
[Picture Credit Lines sa pahina 27]
Takahe: © FLPA/Terry Whittaker/age fotostock; Campbell Island: © Frans Lanting/CORBIS