Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pangmalas ng Bibliya

“Ang Katotohanan ay Magpapalaya sa Inyo”—Paano?

“Ang Katotohanan ay Magpapalaya sa Inyo”—Paano?

INIISIP ng milyun-milyon na malaya sila gayong hindi naman talaga. Halimbawa, marami ang alipin ng pamahiin. Ang iba ay takót sa patay, anupat baka sinisikap nilang payapain ang mga ito sa pamamagitan ng mamahaling mga handog. Ang iba naman ay takót na takót mamatay dahil hindi nila natitiyak kung ano ang mangyayari sa kanila kapag namatay sila. Puwede ba silang mapalaya mula sa mga pabigat na ito sa isip, sa emosyon, at maging sa bulsa? Oo! Gaya ng ipinakikita ng siniping pananalita ni Jesu-Kristo, ang susi sa kalayaan ay ang katotohanan. Pero anong uri ng katotohanan? Katotohanan ba sa pangkalahatan o isang partikular na uri ng katotohanan?

Malinaw ang sinabi ni Jesus tungkol dito. “Kung kayo ay nananatili sa aking salita,” ang sabi niya, “malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.” (Juan 8:31, 32) Ang “salita” ni Jesus, o ang mga turo niya, ay nasa Bibliya.

Nang sabihin ni Jesus na “ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo,” ang pangunahin niyang tinutukoy ay ang paglaya mula sa kasalanan at kamatayan. Pero ang pagkaalam sa katotohanang nasa Salita ng Diyos ay nagpapalaya rin sa atin mula sa mga bagay na gaya ng pamahiin, takot sa patay, at labis na takot sa kamatayan. Paano?

1. Kalayaan mula sa pamahiin. Marami ang naniniwala na may mga bagay o numero na malas sa buhay. Ang iba naman ay humahanap muna ng magandang senyales o sumasangguni sa horoscope o sa espiritista bago gumawa ng importanteng desisyon.

Kung paano nagpapalaya ang katotohanan ng Bibliya: Noong panahon ng Bibliya, ang ilang kabilang sa bayan ng Diyos ay naging mapamahiin, anupat sumamba pa nga sa “diyos ng Suwerte” at “diyos ng Tadhana”! Ano ang nadama ng Diyos na Jehova tungkol doon? “Patuloy ninyong ginawa ang masama sa aking paningin,” ang sabi niya. (Isaias 65:11, 12) Ganiyan din ang nadarama ng Diyos kapag ang mga tao’y sumasangguni sa mga espiritista para sa patnubay: “Ang sinumang sumasangguni sa espiritista . . . ay karima-rimarim kay Jehova.”​—Deuteronomio 18:11, 12.

Mapanganib ang mga pamahiin at espiritismo dahil ang mga ito ay “mga pakana ng Diyablo,” na ayon kay Jesus ay “ama ng kasinungalingan.” (Efeso 6:11; Juan 8:44) Kung kailangan mo ng patnubay tungkol sa isang mahalagang bagay, sasangguni ka ba sa isang sinungaling? Siyempre hindi! Kaya naman isang katalinuhan na umiwas sa anumang bagay na nauugnay sa “ama ng kasinungalingan.”

Ang susi sa paggawa ng mahuhusay na desisyon sa buhay ay ang karunungang salig sa tumpak na kaalaman sa mga simulain ng Bibliya at sa layunin ng Diyos para sa sangkatauhan. “Si Jehova ay nagbibigay ng karunungan; sa kaniyang bibig ay nanggagaling ang kaalaman at kaunawaan,” ang sabi ng Kawikaan 2:6.

2. Kalayaan mula sa takot sa patay. Marami ang naniniwala na ang “kaluluwa” ng mga namatay na ninuno ay nakaiimpluwensiya sa mga buháy. Iniisip nila na dapat payapain ang mga ‘kaluluwang’ ito sa pamamagitan ng iba’t ibang handog para hindi magalit ang mga ito. Kaya naman ang ilan ay nababaon sa utang dahil sa mga handog at mararangyang seremonya.

Kung paano nagpapalaya ang katotohanan ng Bibliya: Sinasabi ng Bibliya ang totoong kalagayan ng mga patay. Halimbawa, sinabi ni Jesus na ang patay ay ‘natutulog.’ (Juan 11:11, 14) Ano ang ibig niyang sabihin? Ang sagot ay nasa Eclesiastes 9:5: “Batid ng mga buháy na sila ay mamamatay; ngunit kung tungkol sa mga patay, sila ay walang anumang kabatiran.” Oo, ang mga patay ay parang natutulog nang mahimbing, o walang malay. Sa katunayan, hindi na sila umiiral kaya hindi na sila makagagawa sa atin ng mabuti o masama.

Pero sinasabi ng ilan na naranasan na nilang makipag-usap sa patay. Paano kaya nangyari iyon? Sinasabi ng Bibliya na noong pasimula ng kasaysayan ng tao, may mga anghel na nagrebelde sa Diyos. (2 Pedro 2:4) Sinisikap ng masasamang espiritung iyon, na tinatawag na mga demonyo, na linlangin ang mga tao. (1 Timoteo 4:1) Nagpapanggap silang mga taong namatay, sa gayo’y pinapaniwala nila ang mga tao na ang mga patay ay buháy pa sa ibang anyo o dako.

3. Kalayaan mula sa labis na takot sa kamatayan. Ang kamatayan ay isang kaaway, gaya ng sabi ng Bibliya. (1 Corinto 15:26) Kaya makatuwiran lang na natatakot tayo sa kamatayan at ayaw nating mamatay. Pero hindi tayo dapat labis na matakot sa kamatayan.

Kung paano nagpapalaya ang katotohanan ng Bibliya: Bukod sa pagsasabi kung ano ang totoong kalagayan ng patay, ipinakikita rin ng Bibliya na layunin ng Diyos na buhaying muli ang mga patay. “Ang oras ay dumarating,” ang sabi ni Jesus, “na ang lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng . . . tinig [ni Kristo] at lalabas.”​—Juan 5:28, 29; Gawa 24:15.

Ano ang anyo nila kapag ‘lumabas’ sila? Ipinakita ni Jesus ang sagot nang buhayin niyang muli ang ilang taong namatay. Sa lahat ng kaso, ang indibiduwal ay binuhay bilang tao​—kung sino siya bago namatay. (Marcos 5:35-42; Lucas 7:11-17; Juan 11:43, 44) Kaayon ito ng salitang “pagkabuhay-muli,” na nangangahulugang “pagtayo.” Nang kausapin ng Diyos ang kaniyang matanda nang lingkod na si Daniel, sinabi Niya: “Magpapahinga ka [o matutulog sa kamatayan], ngunit tatayo ka para sa iyong kahinatnan sa kawakasan ng mga araw.” (Daniel 12:13) Tiyak na nakatulong kay Daniel ang sinabi ng Diyos, anupat naharap niya ang kamatayan nang may tapang at dignidad!

Ang isa sa mga atas ni Jesus ay ang “mangaral ng pagpapalaya sa mga bihag,” o mga alipin ng maling paniniwala. (Lucas 4:18) Dahil nasa Bibliya ang kaniyang mga turo, patuloy na nakapagpapalaya ito sa maraming tao araw-araw. Taimtim kaming umaasa na sana’y magdulot sa iyo ng tunay na kalayaan ang katotohanan ng Bibliya.

NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?

Paano tayo pinalalaya ng katotohanan ng Bibliya mula sa

● pamahiin?​—Isaias 8:19, 20; 65:11, 12.

● takot sa patay?​—Eclesiastes 9:5; Juan 11:11, 14.

● takot sa kamatayan?​—Juan 5:28, 29; Gawa 24:15.

[Blurb sa pahina 11]

Ang katotohanan ng Bibliya ay nagpapalaya sa mga tao mula sa pamahiin, takot sa patay, at labis na takot sa kamatayan