Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong

Bakit Hindi Ako Naiintindihan ng mga Magulang Ko?

Bakit Hindi Ako Naiintindihan ng mga Magulang Ko?

PAG-ISIPAN ANG EKSENANG ITO.

Biyernes, alas seis ng gabi. Ang 17-anyos na si Jim ay nagmamadali sa paglabas ng bahay. “Alis na po ako!” ang sabi niya sa kaniyang mga magulang anupat umaasang hindi niya maririnig ang iniiwasang tanong.

Pero nagkamali siya.

“Anong oras ang uwi mo, Jim?” ang tanong ng nanay niya.

Napahinto si Jim. “Um . . . ahh . . . ,” naghagilap siya ng isasagot, “h’wag n’yo na po akong hintayin!” Binuksan agad ni Jim ang pinto at makakatakas na sana, pero nagsalita ang tatay niya, “Sandali, James!”

Napahinto uli si Jim, at narinig niya ang seryosong boses ng ama: “Alam mo ang patakaran natin, hanggang alas diyes lang​—at hindi na lalampas do’n!”

“Dad naman,” ang sabi ni Jim sa tatay niya, “nakakahiyang sabihin sa mga kaibigan ko na maaga akong pinauuwi!”

Matatag ang tatay niya. “Hanggang alas diyes lang,” ang ulit nito, “at hindi na lalampas do’n!”

SIGURO napalagay ka na rin sa ganiyang sitwasyon. Tungkol man sa curfew, musika, damit, o mga kaibigan, may patakarang ipinasusunod ang mga magulang mo, at hindi sila makikipagtawaran. Halimbawa:

“Nang mag-asawa uli si Mommy, pinag-initan ng stepdad ko ang lahat ng musikang gusto ko. Kaya hayun, napilitan akong itapon ang lahat ng CD ko!”​—Brandon. a

“Sinasabihan ako ni Mommy na wala raw akong kaibigan. Pero kapag nagpapaalam naman ako sa kaniya para lumabas kasama ng iba, hindi niya ako pinapayagan kasi hindi raw niya kilalá ang taong ’yon. Nakakainis!”​—Carol.

“Ayaw ni Daddy at ng stepmom ko na magsuot ako ng masisikip na T-shirt. At kapag above the knee ang shorts ko, sinasabi ni Daddy na napakaikli na raw no’n!”​—Serena.

Ano ang puwede mong gawin kung magkaiba kayo ng gusto ng mga magulang mo? Puwede kayang ipakipag-usap mo iyon sa kanila? “Madalas, hindi naman ako pinakikinggan ng mga magulang ko,” ang sabi ng 17-anyos na si Joanne. Ang sabi naman ng 15-anyos na si Amy, “Kapag pakiramdam ko’y hindi ako naiintindihan ng mga magulang ko, tumatahimik na lang ako.”

Pero huwag kang susuko agad! Baka naman handang makinig ang mga magulang mo.

Pag-isipan ito: Maging ang Diyos ay nakikinig kapag may gustong sabihin ang mga tao. Halimbawa, pinakinggan ng Diyos si Moises nang magsalita ito para sa masuwaying mga Israelita.​—Exodo 32:7-14; Deuteronomio 9:14, 19.

Baka iniisip mong ang mga magulang mo ay hindi katulad ng Diyos sa pagiging makatuwiran. At siyempre, malaki ang pagkakaiba ng pakikipag-usap ni Moises kay Jehova tungkol sa kahihinatnan ng isang bansa at ng pakikipag-usap mo sa iyong mga magulang tungkol sa oras ng pag-uwi mo ng bahay. Pero magkapareho ang prinsipyong nasasangkot.

Kung makatuwiran ang sasabihin mo, ang mga may awtoridad​—sa kasong ito, ang mga magulang mo​—ay baka naman handang makinig sa iyo.

Para pakinggan ka, mahalaga kung paano mo sasabihin ang gusto mo! Makatutulong sa iyo ang sumusunod na mga hakbang para magawa mo iyan nang mas epektibo:

1. Tukuyin ang problema. Isulat sa ibaba ang isyu na parang hindi ninyo napagkakasunduan ng mga magulang mo.

․․․․․

2. Tukuyin kung ano ang nadarama mo. Isulat sa ibaba ang nadarama mo dahil sa pananaw ng mga magulang mo​—nasasaktan, nalulungkot, napapahiya, di-pinagtitiwalaan, o iba pa. (Halimbawa: Sa eksena sa simula ng artikulong ito, sinabi ni Jim na napapahiya siya sa mga kaibigan niya dahil istrikto sa curfew ang mga magulang niya.)

․․․․․

3. Mag-isip na gaya ng isang magulang. Kunwari’y may anak kang tin-edyer at ang hindi ninyo mapagkasunduan ay ang isinulat mo sa Hakbang 1. Kung ikaw ang magulang, ano ang una mong ikababahala, at bakit? (Halimbawa: Sa eksena sa simula, baka nag-aalala ang mga magulang ni Jim tungkol sa kaligtasan niya.)

․․․․․

4. Muling suriin ang isyu. Sagutin ang sumusunod na mga tanong:

Sa tingin mo, ano ang maganda sa sinasabi ng mga magulang mo?

․․․․․

Ano ang puwede mong gawin para hindi sila mabahala?

․․․․․

5. Ipakipag-usap ang bagay na iyon sa mga magulang mo at umisip kayo ng posibleng solusyon. Kung susundin mo ang nabanggit na mga hakbang​—at isasaalang-alang ang mga mungkahi sa kahong “Mga Tip sa Pakikipag-usap”​—baka makita mo na puwede naman palang makipag-usap sa mga magulang mo nang hindi kayo nagtatalo. Ganiyan ang nararanasan ni Kellie. “Walang patutunguhan ang pagtatalo, at siguradong hindi ka mananalo,” ang sabi niya. “Ang ginagawa ko, nakikipag-usap ako sa mga magulang ko. Kadalasan, may napagkakasunduan kami na okey sa aming lahat.”

Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Young People Ask” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/ype

[Talababa]

a Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.

[Kahon sa pahina 20]

MGA TIP SA PAKIKIPAG-USAP

“Mas mabuti ang makinig kaysa makipagsigawan. Kung makikinig ka sa mga magulang mo at sisikaping unawain ang kanilang pananaw, malamang na ganoon din ang gagawin nila.”​—Rianne.

Basahin ang Filipos 2:3, 4.

“Huwag sumagot nang pabalang! Ganiyan ang lagi kong ginagawa noon pero nakita kong puwede naman palang hindi makipagtalo (at maparusahan) kung pipigilan ko lang ang dila ko!”​—Danielle.

Basahin ang Kawikaan 17:27; 21:23.

“Maghintay na maging kalmado ang lahat, kapag alam mong handa nang makinig ang mga magulang mo.”​—Collette.

Basahin ang Kawikaan 25:11.

“Kailangang malaman ng mga magulang mo na iginagalang mo sila at na talagang nakikinig ka sa sinasabi nila. Kaya bago sabihin ang nadarama mo, tiyakin muna sa kanila na narinig mo ang sinabi nila at na naiintindihan mo iyon.”​—Emily.

Basahin ang Kawikaan 23:22; Santiago 1:19.

[Kahon sa pahina 20]

TANDAAN

Hindi lahat ng di-pagkakasundo ay kailangang pag-usapan. Sa ilang kaso, mas mabuting ‘magsalita ka sa iyong puso, at manahimik ka.’ (Awit 4:4) Sinabi ng kabataang si Beatrice: “Kapag naiisip kong hindi na mahalaga sa susunod na araw ang isang problema, napalalampas ko na ’yon. Hindi ko na ’yon ginagawang isyu.”

[Kahon sa pahina 21]

TANUNGIN ANG MGA MAGULANG MO

Ano po ang ginagawa ninyo noon kapag magkaiba kayo ng gusto ng inyong mga magulang? Kung maibabalik ang panahon, may iba po ba kayong gagawin? Kung meron, ano po iyon?

[Kahon/Mga larawan sa pahina 21]

ANG SINASABI NG IBANG KABATAAN

Wyndia​—Nag-iisip muna ako bago magsalita. Isinasaalang-alang ko rin ang pananaw ng mga magulang ko, at nananalangin muna ako. Kung alam kong pagmumulan ng away ang sasabihin ko, tumatahimik muna ako hanggang sa kaya ko nang sabihin ang gusto ko nang hindi nakikipagtalo.

Ross​—Kapag natetensiyon na ako, sinasabi ko sa sarili ko na masisira lang ang araw ko dahil sa isang pagtatalo na puwede namang maiwasan. Kaya hindi na ako masyadong nagagalit ngayon kaysa noong mas bata ako.

Ramona​—Para sa akin, mas mabuting laging makinig sa sinasabi ng mga magulang ko. Baka naman hindi nagkakalayo ang iniisip namin at hindi iyon aabot sa malaking pagtatalo gaya ng naiisip ko.