Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Ilong Niya ’Yan?”

“Ilong Niya ’Yan?”

“Ilong Niya ’Yan?”

GANIYAN ang karaniwang reaksiyon ng mga tao kapag nakakita sila ng lalaking proboscis monkey na may malaking ilong na nakalaylay. a Ang ilong nito ay maaaring humaba nang halos 18 sentimetro​—mga sangkapat ng haba ng kaniyang katawan. Dahil natatakpan ng ilong ng unggoy na ito ang kaniyang bibig at baba, kailangan pa niya itong hawiin kapag kumakain! Kung ganiyan ang proporsiyon ng ilong mo sa iyong katawan, aabot ito hanggang sa dibdib mo.

Ano ang silbi ng mahabang ilong ng lalaking proboscis monkey? b Iba-iba ang palagay ng mga tao. Marahil ito ang nilalabasan ng labis na init ng kaniyang katawan o nakakatulong ito para mas lumakas ang boses niya. Maaaring nagsisilbi itong babala para sa ibang lalaking unggoy. Sa katunayan, ang ilong ng dominanteng lalaking unggoy ay lumalaki at namumula kapag nagagalit siya. Posible ring pang-akit niya ito sa babaing unggoy. Pero malamang na hindi lang iisa ang silbi ng ganitong ilong, anupat ang ilan ay hindi pa natin gaanong alam o hindi pa natutuklasan.

Malaki ang Tiyan

Ang mga lalaki at babaing proboscis monkey ay parehong malaki ang tiyan. Sa katunayan, ang laman ng kanilang tiyan ay maaaring tumimbang ng sangkapat ng bigat ng katawan nila. Kaya naman lagi silang mukhang buntis! Bakit malaki ang tiyan nila?

Ang tiyan ng proboscis monkey, gaya ng sa baka, ay punô ng likido ng magkahalong dahon at baktirya. Pinaaasim ng baktirya ang kinain ng unggoy at tinutunaw ang cellulose, pati ang mga toxin ng ilang halaman na puwedeng makamatay sa ibang hayop. Dahil sa kahanga-hangang panunaw ng proboscis monkey, puwede silang mabuhay sa mga dahon at di-matatamis na prutas at buto ng mga legume, palma, at iba pang halaman​—mga pagkaing hindi kayang tunawin ng bituka ng ibang primate.

Pero ang malakas na panunaw ng proboscis monkey ay may limitasyon. Dapat siyang umiwas sa matatamis na prutas, na mabilis kumasim. Kapag kumain siya nito, kakabagan siya nang husto anupat maaari niya itong ikamatay.

Dahil mayaman sa cellulose ang pagkain ng mga proboscis monkey at komplikado ang panunaw nila, kailangan nila ng mahabang panahon para tunawin ang kanilang kinain. Kaya matapos kumain nang marami sa almusal, nagpapahinga muna sila​—kung minsa’y nang maraming oras​—bago kumain uli.

Mahilig Magsama-sama

Kumakain man o nagpapahinga, karaniwan nang magkakasama ang mga proboscis monkey. Isang dominanteng lalaki ang nangunguna sa isang harem na binubuo ng hanggang walong babae at ng kanilang mga anak. Ang mga lalaking ipinanganak sa grupo ay pinaaalis kapag makapagsasarili na sila. Magsasama-sama naman ang mga ito para bumuo ng mga grupo na may isa o dalawang mas malalaking lalaking unggoy. Sa biglang tingin, parang harem ang ganitong mga grupo.

May isang pambihirang katangian ang mga proboscis monkey​—madalas na nagsasama-sama ang mga harem, lalo na sa gabi sa mga tabing-ilog. Sa gayong mga pagkakataon, ang lalaking unggoy ay magpapakitang-gilas kapag naramdaman niyang pinag-iinteresan ng ibang lalaki ang kaniyang mga babae. Kadalasan, ang lalaking unggoy na iyon​—na maaaring tumitimbang nang mga 20 kilo​—ay pupuwesto na parang aatake habang nakabuka ang bibig at nakatitig sa karibal. “Kapag hindi ito umubra,” ang sabi ng aklat na Proboscis Monkeys of Borneo, “ang lalaking unggoy ay biglang magpapalipat-lipat sa mga puno, kung minsa’y umuungal; kadalasan, natutuntungan niya ang patay na mga sanga anupat nababali at lumalagitik ang mga ito, na nagdaragdag sa pagkakaingay.” Nagkakaroon ng mga away, pero waring bihira lang ito.

“Hindi lang ang hitsura ng mga proboscis monkey ang kakaiba; kakatwa rin ang iba’t ibang ingay na ginagawa nila,” ang sabi pa ng aklat. Ang mga ingay na ito, gaya ng ungol, ungal, at tili, ay maririnig lalo na sa gabi kapag magkakasama sila sa tabing-ilog. Sa gitna ng ganitong pagkakaingay, tahimik na pinasususo at nililinis ng mga nanay na unggoy ang kanilang mga sanggol na may mangasul-ngasul na mukha. Bago kumagat ang dilim, ang mga unggoy na ito ay nakahanap na ng komportableng matutulugan sa mga puno, kadalasa’y sa matataas na puno sa tabi ng ilog.

May mga Paang Hawig ng sa Itik!

Bukod sa kanilang ilong, may isa pang kakatwa sa mga proboscis monkey​—ang kanilang mga paang hawig ng sa itik! Dahil sa kanilang malalapad na paa, mahusay silang lumangoy at nakakalakad din nang ligtas sa putikan na may mga bakawan. Siyempre pa, kung bakawan sa tropiko ang pag-uusapan, malamang na maiisip mo rin ang mga buwaya. Maraming buwaya sa lugar ng mga proboscis monkey. Paano naiiwasan ng mga unggoy na ito, na nakatira sa tabing-ilog, na makain ng mga buwaya?

Ang isang paraan nila ay ang dahan-dahang lumusong sa ilog at maglangoy-aso nang isang linya lang, anupat halos hindi pinagagalaw ang tubig. Pero kapag makitid ang ilog, iba naman ang paraan nila. Aakyat sila sa isang mataas na puno; sa sanga nito, na mga siyam na metro ang taas mula sa ilog, ay bubuwelo sila at tatalon nang padapa, at saka mabilis na lalangoy hanggang sa kabilang pampang. Ginagawa ito kahit ng mga nanay na may dalang sanggol. Kung minsan, isang buong pangkat ang tatalon sa tubig at dali-daling lalangoy patungo sa kabilang pampang! Pero hindi mga buwaya ang pinakamahigpit nilang kaaway.

Nanganganib na Maubos

Ang mga proboscis monkey ay nasa listahan ng mga papaubos na species. Maaaring iilang libo na lang ang nasa kagubatan at patuloy pa silang umuunti​—pangunahin nang dahil sa ginagawa ng tao, gaya ng pagkakaingin, pagtotroso, turismo, at paghawan sa kagubatan para gawing taniman ng palmang pinagkukunan ng langis. Ang isa pang dahilan ay ang pangangaso. Pinapatay ng ilan ang proboscis monkey para lang sa isport. Pinapatay naman sila ng ilan para gawing pagkain o tradisyonal na gamot. Dahil kadalasan nang kitang-kita sila habang natutulog sa mga puno sa tabing-ilog, madali silang patayin o hulihin. Halimbawa, sa isang lugar na madalas puntahan ng mga mangangasong sakay ng speedboat, bumaba nang 50 porsiyento ang bilang ng mga proboscis monkey sa loob lang ng limang taon!

Sinisikap ng mga conservationist na itawag-pansin sa publiko ang kalagayan ng mga proboscis monkey, at ang mga ito ay protektado ng batas sa Borneo. Pero sapat na kaya ang mga hakbang na ito? Panahon lang ang makapagsasabi. Kung ang nilalang na ito ay mauubos sa kagubatan, napakalaking kawalan nito dahil talagang nakakatuwang pag-aralan ang pambihirang mga katangian ng proboscis monkey! At kung nakakulong naman ito, kadalasan nang nahihirapan itong mabuhay.

Siyempre pa, ang proboscis monkey ay isa lang sa maraming nilalang na nanganganib na maubos. Maraming species ang tuluyan nang naglaho. Gayunman, kikilos ang Diyos para lubusang kontrolin ang lupa, lipulin ang masasama, at turuan ang kaniyang bayan na pangasiwaan ang lupa sa tamang paraan. (Kawikaan 2:21, 22) “Hindi sila mananakit o maninira man sa aking buong banal na bundok,” ang pangako ng Diyos na Jehova, “sapagkat ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.”​—Isaias 11:9.

[Mga talababa]

a Ang isla ng Borneo ang tirahan ng mga proboscis monkey. Ang tawag ng mga tagaroon sa unggoy na ito ay orang belanda, o “Dutchman.”

b Malaki rin ang ilong ng babaing proboscis monkey, pero hindi kasinlaki ng sa lalaki.

[Larawan sa pahina 12]

Malaki ang ilong at tiyan ng mga proboscis monkey

[Credit Line]

© Peter Lilja/age fotostock

[Larawan sa pahina 13]

Ang ilong ng lalaking proboscis monkey ay nakatakip sa bibig nito. Kailangan pa niya itong hawiin kapag kumakain

[Credit Line]

© Juniors Bildarchiv/Alamy

[Larawan sa pahina 14]

Kumakain man o nagpapahinga, karaniwan nang magkakasama ang mga proboscis monkey

[Credit Line]

© Peter Lilja/age fotostock