Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kawalan ng Katarungan—Ang mga Sanhi Nito

Kawalan ng Katarungan—Ang mga Sanhi Nito

Kawalan ng Katarungan​—Ang mga Sanhi Nito

HALOS 2,000 taon na ang nakalilipas, tumpak na inilarawan ng Bibliya ang magiging ugali ng mga tao sa panahon natin. Sinabi nito: “Sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan. Sapagkat ang mga tao ay magiging mga maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, . . . mga walang utang-na-loob, mga di-matapat, mga walang likas na pagmamahal, mga hindi bukás sa anumang kasunduan, . . . mga walang pag-ibig sa kabutihan, mga mapagkanulo, mga matigas ang ulo, mga mapagmalaki, mga maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos.”​—2 Timoteo 3:1-4.

Tiyak na sasang-ayon ang marami na ang masasamang ugaling ito ay karaniwan na lang ngayon. Nakikita ito sa iba’t ibang paraan, gaya ng kasakiman, diskriminasyon, galit sa lipunan, korupsiyon, at di-patas na kabuhayan. Talakayin natin ang mga ito.

KASAKIMAN. Baka narinig mo na ang pananalitang “Ang kasakiman ay kapaki-pakinabang” at “Ang kasakiman ay mabuti.” Pero hindi totoo iyan. Malupit ang kasakiman! Madalas na ito ang dahilan ng pandaraya sa mga pinansiyal na rekord, pyramid scheme, at walang-taros na pagpapautang at pangungutang. Ang resulta, gaya ng pagka-bankrupt, ay nakapinsala sa maraming tao. Totoo, sakim din ang ilan sa mga biktima. Pero ang iba sa kanila ay ordinaryo at masisipag na tao na nawalan ng tahanan at pensiyon.

DISKRIMINASYON. May mga taong nakikitungo at humuhusga sa kanilang kapuwa batay sa lahi, kulay ng balat, kasarian, katayuan sa lipunan, o relihiyon. Halimbawa, natuklasan ng isang komite ng United Nations na sa isang bansa sa Timog Amerika, isang babaing buntis ang namatay sa isang ospital dahil hindi siya gaanong inasikaso sa pinanggalingan niyang health center, palibhasa’y mahirap lang siya at iba ang lahi. Ang pinakamatinding diskriminasyon ay ang paglipol sa isang lahi o grupo.

GALIT SA LIPUNAN. Isang sumaryo ng Handbook of Antisocial Behavior ang nagsabi: “Taun-taon, libu-libong pamilya ang nagkakawatak-watak, daan-daang libong buhay ang nasisira, at milyun-milyong dolyar na halaga ng mga ari-arian ang nawawasak dahil sa kagagawan ng mga taong galít sa lipunan. Napakalaganap ng karahasan at galit sa ating lipunan anupat hindi kataka-taka na ang huling bahagi ng ika-20 siglo ay ilalarawan ng mga istoryador, hindi bilang ‘Space Age’ o ‘Information Age,’ kundi ‘Antisocial Age’​—ang panahon kung kailan dinigma ng lipunan ang sarili nito.” Mula nang ilathala ang aklat na iyan noong 1997, walang ipinagbago sa ugali ng mga tao.

KORUPSIYON. Ayon sa isang report tungkol sa korupsiyon sa Timog Aprika, sa loob ng pitong taon, mahigit 81 porsiyento ng 25.2 bilyong rand (katumbas noon ng $4 na bilyon, U.S.) na inilaan para sa health department ng isang lalawigan ang hindi ginamit sa tamang paraan. Ang perang “dapat sana’y para sa pagmamantini ng mga ospital, klinika, at health center sa lalawigan” ay hindi napunta sa mga ito, ang sabi ng magasing The Public Manager.

DI-PATAS NA KABUHAYAN. Noong 2005, halos 30 porsiyento ng taunang kita sa Britanya ang “napunta sa 5% na pinakamalalaki ang kita,” ayon sa ulat ng magasing Time. Samantala, “mahigit 33% ng kita sa Estados Unidos ang napupunta sa 5% na pinakamalalaki ang kita,” ang sabi pa ng Time. Sa buong mundo, mga 1.4 bilyon katao ang nabubuhay sa $1.25 (U.S) bawat araw o mas mababa pa rito, at 25,000 bata ang namamatay araw-araw dahil sa kahirapan.

Malulunasan ba ang Kawalang-Katarungan?

Noong 1987, ang prime minister noon ng Australia ay nagtakda ng tunguhin na pagsapit ng 1990, wala nang batang Australiano ang mabubuhay sa kahirapan. Hindi iyan natupad. Sa katunayan, pinagsisihan ng prime minister na itinakda niya ang gayong tunguhin.

Oo, gaano man ang kapangyarihan, kayamanan, o impluwensiya ng isang tao, siya ay tao lang at hindi niya malulunasan ang kawalang-katarungan. Ang totoo, kahit ang mga taong makapangyarihan ay dumaranas din ng kawalang-katarungan, tumatanda, at namamatay. Ipinaaalala niyan sa atin ang sumusunod na pananalita sa Bibliya:

“Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.”​—Jeremias 10:23.

“Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga taong mahal, . . . na sa kaniya ay walang pagliligtas.”​—Awit 146:3.

Kung tatanggapin natin ang mga pananalitang iyan, hindi tayo panghihinaan ng loob kapag nabibigo ang mga pagsisikap ng tao. Pero wala na ba tayong pag-asa? Mayroon! Gaya ng makikita natin sa huling artikulo ng seryeng ito, malapit nang magkaroon ng tunay na katarungan sa daigdig. Samantala, mayroon tayong puwedeng gawin. Maaari nating suriin ang ating sarili. Tanungin ang iyong sarili: ‘Puwede ba akong maging mas makatarungan sa pakikitungo sa iba? Mayroon ba akong mga dapat pang pasulungin?’ Susuriin ang mga tanong na iyan sa kasunod na artikulo.

[Mga larawan sa pahina 4, 5]

A. Pag-aresto ng mga pulis sa China sa isang lalaking sangkot sa etnikong karahasan

B. Pagnanakaw at paninira ng ari-arian sa London, England

C. Matinding kahirapan sa isang refugee camp sa Rwanda

[Credit Lines]

Top left: © Adam Dean/Panos Pictures; top center: © Matthew Aslett/Demotix/CORBIS; top right: © David Turnley/CORBIS