Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Paano Magiging Mas Makatarungan

Kung Paano Magiging Mas Makatarungan

Kung Paano Magiging Mas Makatarungan

GUSTO ng ating Maylalang na tayo’y maging maligaya at panatag, at makatulong din sa iba na maging maligaya. Kaya naman sinasabihan niya tayong “magsagawa ng katarungan at ibigin ang kabaitan.” (Mikas 6:8) Paano natin magagawa iyan? Kailangan nating paunlarin ang mga katangiang mag-aalis sa tendensiyang maging di-makatarungan. Pag-isipan kung paano makatutulong sa atin ang Bibliya.

IWASAN ANG KASAKIMAN. Ang pinakamabisang panlaban sa kasakiman ay pag-ibig, na hindi lang basta damdamin o romantikong pagkaakit kundi mapagsakripisyong pag-ibig sa kapuwa. Ang gayong “pag-ibig ay . . . mabait” at “hindi naghahanap ng sarili nitong kapakanan,” ang sabi sa 1 Corinto 13:4, 5. At hindi lang ito para sa mga kapamilya at kaibigan. “Kung iniibig ninyo yaong mga umiibig sa inyo, anong gantimpala mayroon kayo?” ang tanong ni Jesus, na nagsabi pa na kahit ang mga di-makadiyos ay umiibig sa mga umiibig sa kanila.​—Mateo 5:46.

IWASAN ANG DISKRIMINASYON. Mababasa sa Gawa 10:34, 35: “Ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.” Hindi lahi, katayuan sa lipunan, o kasarian ang batayan ng Diyos sa pagliligtas. Sa mata ng Diyos, “wala nang pagkakaiba ang Judio at ang Griego, ang alipin at ang malaya, ang lalaki at ang babae.” (Galacia 3:28, Magandang Balita Biblia) Kapag tinutularan natin ang Diyos, naiiwasan natin ang diskriminasyon. Pag-isipan ang halimbawa ni Dorothy, na taga-Estados Unidos.

Inis na inis si Dorothy sa nakikita niyang diskriminasyon laban sa ibang lahi kaya gusto niyang sumali sa armadong pakikipaglaban para matapos ang pagdurusa ng mga itim. Pero noong panahong iyon, dumalo siya sa isang Kristiyanong pagpupulong ng mga Saksi ni Jehova at humanga sa mainit na pagtanggap sa kaniya kapuwa ng mga itim at mga puti. Di-nagtagal, natutuhan niya na ang Diyos lang ang makapagpapabago sa puso ng mga tao. Nang madama niya ang taimtim na pag-ibig ng mga Saksing puti​—mga tao na sinabi niyang “hindi siya magdadalawang-isip na patayin para sa kanilang ipinaglalaban”​—ang kaniyang puso ay “naantig” at hindi niya napigilang umiyak.

IWASAN ANG GALIT SA LIPUNAN. Bago naging Kristiyano, ang ilan sa mga tagasunod ni Jesus noon ay mga lasenggo, mangingikil, mahilig sa kalayawan, at manlalait. Pero sa tulong ng Diyos, ang masasamang ugaling iyon ay napalitan nila ng pag-ibig, kabaitan, at kabutihan. (1 Corinto 5:11; 6:9-11; Galacia 5:22) Sa ngayon, milyun-milyon din ang nagbago ng kanilang buhay at naging makadiyos. Isa na rito si Firuddin, na taga-Azerbaijan.

Si Firuddin ay lumaki sa isang bahay-ampunan, kung saan madalas siyang makipag-away sa ibang bata. Nang lumaki na siya, naging hand-to-hand combat instructor siya. “Wala akong galang, malupit, at bayolente,” ang sabi niya. “Sa oras ng pagkain, kapag may nalimutan ang asawa kong si Zahra​—kahit tutpik lang​—bugbog ang aabutin niya. At kapag naglalakad kami at may tumingin sa kaniya, bubugbugin ko rin y’ong tumingin sa kaniya!”

Isang araw, naantig ang puso ni Firuddin nang malaman niya na hiniling ni Jesus sa Diyos na patawarin ang mga sundalong nagpako sa kaniya sa tulos. (Lucas 23:34) ‘Anak ng Diyos lang ang makagagawa ng gano’n,’ ang naisip niya. Nang maglaon, gusto niyang matuto pa nang higit tungkol sa Diyos. Kaya tinanggap niya agad ang libreng pag-aaral sa Bibliya na inialok ng mga Saksi ni Jehova. Di-nagtagal, unti-unting nagbago ang ugali niya. Napakabait na niya kay Zahra kaya nag-aral din ito ng Bibliya. Sa ngayon, nagkakaisa na sila sa tunay na pagsamba.

Siyempre pa, magbago man tayo, hindi pa rin natin mababago ang daigdig. Pero paano kung layunin ng Diyos na magkaroon ng tunay na katarungan sa daigdig? Tutal, makapangyarihan siya! Pag-isipan din ito: Sa 2 Timoteo 3:1-4, na sinipi sa simula ng sinundang artikulo, nakita natin na malinaw na inihula sa Bibliya ang magiging ugali ng karamihan sa ngayon. Ang hulang iyon ay natutupad na​—gaya rin ng marami pang ibang hula sa Bibliya. Kaya hindi tayo nagbubulag-bulagan sa katotohanan kung naniniwala tayo sa pangako ng Diyos na aalisin niya ang lahat ng kawalang-katarungan. Oo, tutuparin ng Diyos ang layuning ito. Paano?

[Kahon/Larawan sa pahina 7]

ANG PAGHAHANAP NI HEIDE NG KATARUNGAN

“Dismayado ako sa rasismo, mga digmaan, kahirapan, at iba pang kawalang-katarungan, at naghahanap ako ng solusyon,” ang sabi ni Heide, na taga-Estados Unidos. “Sinubukan kong sumali sa kilusan para sa karapatang sibil at nang bandang huli ay sa isang partido pulitikal, pero mukhang wala ring naitutulong ang mga ito.

“Naisip kong kailangan ang malaking pagbabago, at parang may magagawa ang kilusang hippie. Pero bigo rin ito. Napansin ko na maraming hippie ang mas interesado sa sex, droga, at rock and roll kaysa baguhin ang sistema. Dahil diyan, nagkaroon ako ng matinding depresyon. Pagkatapos, may nakilala akong Saksi ni Jehova. Ipinakita niya sa akin sa Bibliya ang mga pagbabagong gagawin ng Diyos. Halimbawa, binasa niya sa akin ang Apocalipsis 21:3, 4, na nagsasabing papahirin ng Diyos ang luha sa lahat ng mukha at aalisin ang pagdadalamhati, hiyaw, at kirot​—na madalas na resulta ng kawalang-katarungan. ‘Totoo kaya ang mga pangakong iyon?’ ang naisip ko.

“Nawala ang pag-aalinlangan ko nang mabasa ko ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa kapangyarihan at pag-ibig ng Diyos at nang madama ko ang pag-ibig sa gitna ng mga Saksi ni Jehova. May-pananabik kong hinihintay ngayon ang katuparan ng mga pangako ng Diyos.”

[Larawan sa pahina 6]

Naiiwasan ang diskriminasyon kapag tinutularan natin ang pag-ibig ng Diyos

[Larawan sa pahina 6]

Si Firuddin at ang asawa niyang si Zahra