Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Pinagtibay sa New York City ang isang batas na nagbabawal ng paninigarilyo sa mga beach, parke, at pedestrian plaza. Ang multa ay $50 sa bawat paglabag. Inaasahan ng mga opisyal na susundin ng mga tao ang pagbabawal na ito.—THE WALL STREET JOURNAL, E.U.A.
“Kapansin-pansin ang pagdami ng ipinalalaglag na sanggol na babae sa India, lalo na kung ito’y pangalawang anak na babae.” Sa mga pamilya na mayroon nang panganay na babae, ang bilang ng isinisilang na sanggol na babae, kumpara sa bawat 1,000 sanggol na lalaki, ay bumaba mula 906 noong 1990 hanggang 836 noong 2005.—THE LANCET, BRITAIN.
Ayon sa World Health Organization, ang mga radiofrequency electromagnetic field, halimbawa’y ang “mga nanggagaling sa mga wireless communication device,” ay “posibleng nakakakanser sa tao.”—INTERNATIONAL AGENCY FOR RESEARCH ON CANCER, FRANCE.
Ipinagdiwang ng United Nations ang ganap na pagsugpo sa rinderpest, o salot sa bakahan. Ito ang “unang sakit ng hayop na napawi mula sa likas na kapaligiran dahil sa pagsisikap ng tao . . . at ikalawa lang sa lahat ng sakit na nasugpo, matapos masugpo ang bulutong sa tao.”—FOOD AND AGRICULTURE ORGANIZATION NG UNITED NATIONS, ITALY.
Handa Na Para sa Malaking Sakuna?
“A Legal Manual for an Apocalyptic New York” ang pamagat ng isang artikulo sa New York Times. Iniulat nito ang paglalathala ng isang opisyal na manwal na makatutulong sa mga hukom at abogado na maharap ang mahihirap na usapin na posibleng bumangon dahil sa “muling pag-atake ng mga terorista, isang malubhang kontaminasyon ng kemikal o radioactivity, o isang malawakang epidemya.” Ang manwal, na inilathala ng mga korte at ng asosasyon ng mga abogado ng New York State, ay nagsasaad kung ano ang kasalukuyang batas hinggil sa pagkukuwarentenas, maramihang paglikas, paghahalughog nang walang warrant, pagpatay sa mga hayop na nahawahan ng sakit, pagsuspinde sa batas, at iba pa.
Laman ng mga Lumang Unan
Ang malilinis na punda ng unan ay maaaring “may itinatagong mga bagay na nakapandidiri,” ang sabi ni Art Tucker, punong clinical scientist sa St. Barts Hospital sa London. Ayon sa The Times ng London, na nag-ulat ng ginawa niyang pagsasaliksik, pagkatapos gamitin ng dalawang taon ang unan, mahigit sangkatlo ng timbang nito ay binubuo ng “mga buháy at patay na hanip-alikabok, mga dumi nito, patay na balat at baktirya.” Mabilis dumami sa loob ng unan ang mga allergen, hanip, at germs. Ano ang isang solusyon? “Ang mga hanip . . . ay natutuyo at namamatay kapag nabilad sa araw,” ang sabi ng The Times, “kaya ang dating pamamaraan na pagbibilad ng mga gamit sa higaan ay nakakapatay ng mga hanip.” Hindi napapatay ng sabon ang mga hanip, pero kung lalabhan ang unan sa temperatura na mahigit 60 digri Celsius, mamamatay sila at matatangay na ng tubig na pambanlaw.