Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 Ang Pangmalas ng Bibliya

Kailangan Mo Bang Umanib sa Isang Organisadong Relihiyon?

Kailangan Mo Bang Umanib sa Isang Organisadong Relihiyon?

KUNG dismayado ka sa mga organisadong relihiyon o sa tingin mo’y hindi ito mahalaga, hindi ka nag-iisa. Sa katunayan, parami nang parami ang mga taong ayaw nang umanib sa isang relihiyon.

Ang ilan ay tumiwalag na sa mga organisadong relihiyon dahil iniisip nilang ang mga miyembro ng gayong mga institusyon ay nagiging mapagpaimbabaw at di-mapagparaya. Ang iba naman ay nahihirapang sumunod sa organisadong paraan ng pagsamba. At para sa iba, hindi kailangan ang organisadong relihiyon bilang “tagapamagitan” ng Diyos at ng kaniyang mga mananamba. Ano ba talaga ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa organisadong pagsamba?

Ang mga Kaibigan ng Diyos Noong Sinaunang Panahon

Malinaw na ipinakikita sa Bibliya ang paraan ng pagsamba ng mga sinaunang patriyarka, gaya nina Abraham, Isaac, at Jacob. Halimbawa, minsan ay sinabi ng Diyos: “Kinilala ko [si Abraham] upang utusan niya ang kaniyang mga anak at ang kaniyang sambahayan na kasunod niya na ingatan nila ang daan ni Jehova at isagawa ang katuwiran at kahatulan.” (Genesis 18:19) Si Abraham ay kaibigan ng Diyos kaya nagkaroon siya ng personal na kaugnayan sa Maylalang. Pero sumamba rin siya sa Diyos kasama ng kaniyang sambahayan. Ganiyan din ang ginawa ng iba pang mga patriyarkang kaibigan ng Diyos—sumamba sila bilang isang grupo, karaniwan nang kasama ang mga kapamilya at pati na ang kanilang mga lingkod.

Nang maglaon, hiniling ng Diyos sa sinaunang mga Israelita, at maging sa unang-siglong mga Kristiyano, na magtipon para sa pagsamba. (Levitico 23:2, 4; Hebreo 10:24, 25) Kasama sa organisadong pagsambang iyon ang pag-awit, pagbabasa ng Kasulatan, at pananalangin. (Nehemias 8:1-8; Colosas 3:16) Itinakda rin ng Kasulatan na isang lupon ng kuwalipikadong mga lalaki ang mangunguna sa kongregasyon.—1 Timoteo 3:1-10.

Mga Pakinabang ng Pagsamba sa Diyos Bilang Isang Kongregasyon

Batay sa mga halimbawang ito sa Bibliya, makatuwirang sabihin na sa ngayon, inaasahan din ng Diyos na sasambahin siya sa organisadong paraan ng mga taong gustong maging malapít sa kaniya. At talagang makikinabang tayo kung sasambahin natin ang Diyos kasama ng isang kongregasyon.

Halimbawa, inihahambing ng Kasulatan ang isang tunay na mananamba sa taong naglalakbay sa makipot na daan; at sa ibang talata naman, sa mananakbo sa isang takbuhan. (Mateo 7:14; 1 Corinto 9:24-27) Kapag tumatakbo sa mahaba at baku-bakong daan, ang mananakbo ay maaaring mapagod agad at sa kalauna’y sumuko na. Pero kadalasa’y magpupursigi siya nang husto kung may magpapasigla sa kaniya. Sa katulad na paraan, ang isang taong palaisip sa espirituwal ay makapag-iingat ng kaniyang kaugnayan sa Diyos sa kabila ng mga pagsubok kung patitibayin siya ng ibang mananamba.

Kaya naman ganito ang sinasabi ng Bibliya sa Hebreo 10:24, 25: “Isaalang-alang natin ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa, na hindi pinababayaan ang ating  pagtitipon.” Sa katunayan, sinasabi sa Kasulatan na ang mga tunay na mananamba ay sasamba bilang magkakapatid, na nagkakaisa na parang isang katawan.

Dapat mo bang tanggihan ang lahat ng organisadong relihiyon?

Sinasabi sa Bibliya na ang katawang iyon, o kongregasyon, ay binubuklod ng pag-ibig at kapayapaan. Halimbawa, sa Efeso 4:2, 3, pinapayuhan ang mga tunay na mananamba na gumawi nang “may buong kababaan ng pag-iisip at kahinahunan, na may mahabang pagtitiis, na pinagtitiisan ang isa’t isa sa pag-ibig, na marubdob na pinagsisikapang ingatan ang pagkakaisa ng espiritu sa nagbubuklod na bigkis ng kapayapaan.” Paano mo masusunod ang payong ito kung hindi ka naman kabilang sa isang grupo ng mananamba?

Gusto ng Diyos na ang mga tunay na mananamba ay maging isang matalik na grupo ng mga tunay na mananamba sa halip na basta magkakakilala lang. Pinapayuhan ng Bibliya ang mga mananamba na magsalita nang magkakasuwato, umiwas sa pagkakabaha-bahagi, at “lubos [na] magkaisa sa iisang pag-iisip at sa iisang takbo ng kaisipan.” (1 Corinto 1:10) Walang saysay ang pananalitang ito kung ang gusto ng Diyos ay sambahin siya ng mga tao nang solo-solo lang.

Maliwanag na ipinakikita ng Bibliya na ang organisadong pagsamba ang siyang sinasang-ayunan ng Diyos. At ang organisadong relihiyon na inilalarawan sa Kasulatan, na kinalulugdan ng Diyos, ay makatutulong sa iyo na masapatan ang iyong espirituwal na mga pangangailangan.—Mateo 5:3.

Totoo, maraming organisadong relihiyon sa ngayon ang mapagpaimbabaw at sangkot sa masasamang gawain. Pero hindi mo dapat tanggihan ang lahat ng organisadong relihiyon. Tiyak na may isang relihiyong inorganisa para magpakita ng pag-ibig sa lahat ng tao—isang relihiyong inorganisa para magturo sa iba tungkol sa mga pamantayang moral ng Diyos. Sa tulong ng gayong relihiyon, magkakaroon ka ng tunay na pananampalataya. Sinasabi sa Bibliya ang mga palatandaan na makatutulong para makilala mo ang organisadong relihiyon na sinasang-ayunan ng Diyos.