Katapusan ng Mundo—Maaaring Iba sa Iniisip Mo
BUKOD sa pagiging masyadong pesimistiko, ang tinalakay na mga senaryo ng katapusan ng mundo ay pare-pareho sa tatlong aspekto. Una, ang mga ito ay batay lang sa espekulasyon, at ang mga tao ay madalas sumablay sa paghula ng mangyayari sa hinaharap. Ikalawa, ang pagkaligtas ng tao, kung posible man, ay tsambahan lang. Ikatlo, ang mga makaliligtas ay mahihirapang manatiling buháy.
Kabaligtaran nito, ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa hinaharap ay mas makatuwiran. Ayon sa Bibliya, talagang may darating na malaking pagbabago. Pero tinitiyak nito na maliligtas ang lahat ng gumagawa ng kalooban ng Diyos. Isa pa, hindi inihuhula ng Bibliya na ang lupa ay matutupok sa apoy o kaya’y mababalot ng yelo. Sinasabi nito na magiging paraiso ang buong mundo.
Pero maraming tao ang nahihirapang maniwala sa gayong mga hula ng Bibliya. Sinasabi ng mga mapag-alinlangan na kathang-isip lang ang mga turo ng Bibliya tungkol sa malaking kapighatian, Armagedon, milenyo, at Paraiso. Ang mga ideyang ito ay laging pinag-uusapan, pinagtatalunan, at binibigyan ng pakahulugan ng mga teologo. Ang mga teoriya nila ay iba-iba at nagkakasalungatan. Tungkol sa katapusan ng mundo, ang awtor na si Bruce A. Robinson ay nagsabi: “Malamang na mas maraming malalabong teolohikal na akda ang naisulat tungkol sa paksang ito kaysa sa iba pang paniniwala ng Sangkakristiyanuhan.” Ang resulta ay kalituhan.
Sa kabaligtaran, ang Bibliya ay hindi mahirap maintindihan. Ito ay mensahe ng Diyos, at ayaw niyang malito tayo tungkol sa mangyayari sa hinaharap. Isaalang-alang ang ilang tanong na nasa isip ng marami at ang sagot ng Bibliya. Kung gusto mong matuto nang higit pa, humiling ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
Mawawasak ba ang lupa at malilipol ang lahat ng tao?
“Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.”—Awit 37:29.
May mga tao bang mamamatay?
“Ang mga matuwid ang siyang tatahan sa lupa, at ang mga walang kapintasan ang siyang maiiwan dito. Kung tungkol sa mga balakyot, lilipulin sila mula sa mismong lupa; at kung tungkol sa mga mapandaya, bubunutin sila mula rito.”—Kawikaan 2:21, 22.
May ginawa na ba ang Diyos na paglipol sa masasamang tao noong sinaunang panahon?
Ang Diyos ay “hindi . . . nagpigil sa pagpaparusa sa sinaunang sanlibutan, kundi iningatang ligtas si Noe, isang mangangaral ng katuwiran, kasama ng pitong iba pa nang magpasapit siya ng delubyo sa isang sanlibutan ng mga taong di-makadiyos; at sa pagpapaging-abo sa mga lunsod ng Sodoma at Gomorra ay hinatulan niya sila, na naglalagay ng isang parisan para sa mga taong di-makadiyos tungkol sa mga bagay na darating.”—2 Pedro 2:5, 6.
Puwede ba nating malaman ang petsa ng paghatol ng Diyos?
“May kinalaman sa araw at oras na iyon ay walang sinuman ang nakaaalam, kahit ang mga anghel sa mga langit kahit ang Anak, kundi ang Ama lamang. Sapagkat kung paano ang mga araw ni Noe, magiging gayon ang pagkanaririto ng Anak ng tao. Sapagkat gaya nila noong mga araw na iyon bago ang baha, na kumakain at umiinom, ang mga lalaki ay nag-aasawa at ang mga babae ay ibinibigay sa pag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa arka; at hindi sila nagbigay-pansin hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat, magiging gayon ang pagkanaririto ng Anak ng tao.”—Mateo 24:36-39.
May palatandaan ba na malapit na ang wakas?
“Sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan. Sapagkat ang mga tao ay magiging mga maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, mga mapagmapuri sa sarili, mga palalo, mga mamumusong, mga masuwayin sa mga magulang, mga walang utang-na-loob, mga di-matapat, mga walang likas na pagmamahal, mga hindi bukás sa anumang kasunduan, mga maninirang-puri, mga walang pagpipigil sa sarili, mga mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan, mga mapagkanulo, mga matigas ang ulo, mga mapagmalaki, mga maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos, na may anyo ng makadiyos na debosyon ngunit nagbubulaan sa kapangyarihan nito.”—2 Timoteo 3:1-5.
Ano ang magiging kinabukasan ng mga tao sa lupa?
“Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”—Apocalipsis 21:4.
‘Papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata’
Bagaman hindi sinasabi sa Bibliya ang lahat ng mangyayari sa hinaharap, tinitiyak nito na hindi malilipol ang tao. Napakaganda ng kinabukasang naghihintay sa atin—higit pa sa maaaring iniisip natin. Makaaasa kang matutupad iyan dahil kayang gawin ng Diyos na Jehova ang lahat ng ipinangako niya.