Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Katapusan ng Mundo—Kinatatakutan ng Marami

Katapusan ng Mundo—Kinatatakutan ng Marami

BUKOD sa mga haka-haka tungkol sa katapusan ng mundo na binanggit sa naunang artikulo, may mga bagay na dapat seryosong pag-isipan. Marami ang nag-aalala sa paglobo ng populasyon at sa kakapusan sa tubig at pagkain na posibleng ibunga nito. Ang iba ay nababalisa sa magiging resulta ng pangglobong pagbagsak ng ekonomiya. Kumusta naman ang likas na mga sakuna, mga epidemya, o digmaang nuklear? Humantong kaya sa pagkawasak ng mundo ang gayong mga pangyayari?

Talakayin natin sa maikli ang ilang senaryo ng katapusan ng mundo na pinag-uusapan ng marami. Sa mga senaryong ito, maaaring hindi naman malipol ang lahat ng tao, pero waring kaya nitong paglahuin ang ating sibilisasyon. Narito ang ilan.

 Supervolcano

Noong 1991, ang Bundok Pinatubo sa Pilipinas ay pumutok, at mahigit 700 katao ang namatay at mga 100,000 ang nawalan ng tirahan. Isang napakakapal na ulap ng abo ang pumailanlang sa taas na 30 kilometro at saka bumagsak sa lupa, na sumalanta sa mga pananim at nagpabagsak sa mga bubong ng bahay. Maaaring baguhin ng Pinatubo at ng iba pang katulad na bulkan ang klima sa loob ng ilang taon matapos itong pumutok.

Ang mga super eruption, gaya ng mga nangyari noong sinaunang panahon, ay magiging daan-daang beses na mas malakas at mas mapaminsala kaysa sa alinmang napaulat na pagputok ng bulkan. Bukod sa pinsalang idudulot agad ng pagputok na iyon, ang pangglobong pagbabago ng klima ay magiging dahilan ng paghina ng ani at pag-unti ng suplay ng pagkain, na hahantong sa malawakang taggutom.

“Sa karaniwang pagputok ng bulkan, namamatay ang mga halaman at hayop sa paligid; pero sa kaso ng mga supervolcano, nanganganib malipol nang buo ang ilang species dahil babaguhin nito ang klima ng buong planeta.”—National Geographic.

Asteroid

Isang umaga noong 1908, isang lalaki ang nakaupo sa harap ng isang trading post sa Vanavara, Siberia, nang bigla siyang tumilapon mula sa kinauupuan niya dahil sa isang pagsabog. Sa tindi ng init nito, pakiramdam niya’y nagliliyab ang kaniyang damit. Ang sentro ng pagsabog ay nasa layong mga 60 kilometro. Ito’y dahil sa pagbagsak ng isang asteroid na mga 35 metro ang diyametro at may bigat na mga 100 milyong kilo. Matapos itong pumasok sa atmospera ng lupa, ang asteroid ay sumabog dahil sa presyon at init na likha ng pagbulusok nito sa lupa. Naglabas ito ng enerhiya na katumbas ng 1,000 bomba na ibinagsak sa Hiroshima at sinira nito ang mga 2,000 kilometro kuwadrado ng kagubatan ng Siberia. Siyempre pa, ang mas malaking asteroid ay magiging mas mapaminsala at lilikha ng malalaking sunog, na susundan ng mabilis na pagbaba ng temperatura ng globo at ng pagkalipol ng maraming species.

“Sa buong kasaysayan ng lupa, marami nang kometa at asteroid ang bumagsak mula sa kalawakan. Mas madalas itong mangyari noong nagdaang mga panahon, pero mangyayari uli ito. Hindi lang natin alam kung kailan.”—Chris Palma, senior lecturer sa astronomiya at astropisika sa Penn State University.

 Pagbabago ng Klima

Naniniwala ang mga siyentipiko na ang pagtaas ng average na temperatura ng lupa, ang abnormal na lagay ng panahon, ang pagkatunaw ng mga ice cap at glacier, at ang pagkamatay ng mga bahura ng korales at mahahalagang species ay resulta ng pagbabago ng klima ng mundo. Bagaman pinagdedebatihan ang paksang ito, sinasabi ng marami na ito’y dahil gumagamit ng coal, langis, at natural gas—mga fossil fuel na naglalabas ng maraming carbon dioxide sa atmospera—ang mga sasakyan at industriya.

Naniniwala ang ilang eksperto na ang mga emisyong iyon ay may epektong gaya ng sa greenhouse, dahil hinahadlangan nito ang pagtakas ng init mula sa lupa sa gayo’y pinatataas ang temperatura nito. Dahil ang mga puno ay nag-a-absorb ng carbon dioxide, ang malawakang pagkalbo sa kagubatan ay maaaring kasama rin sa mga dahilan ng pagbabago ng klima.

“Kung magpapatuloy ang kasalukuyang bilis ng pag-init ng globo at hindi babawasan ang emisyon ng carbon dioxide, naniniwala ang maraming siyentipiko na ang average na temperatura ng Lupa ay patuloy na tataas, anupat magiging dahilan ng mas malalang pagbabagu-bago ng panahon at ng pagtaas ng level ng tubig sa karagatan na posibleng magsapanganib sa mabababang baybayin kung saan nakatira ang maraming tao.”—A Mind for Tomorrow: Facts, Values, and the Future.

Pangglobong Epidemya

Noong ika-14 na siglo, nilipol ng Black Death ang sangkatlo ng populasyon ng Europa sa loob lang ng dalawang taon. Sa pagitan ng 1918 at 1920, ang trangkaso Espanyola ay pumatay ng di-kukulangin sa 50 milyon katao. Medyo nahadlangan ang pagkalat ng gayong mga sakit dahil wala pang mabibilis na transportasyon noon. Pero ngayong naglalakihan ang mga lunsod at madaling maglakbay sa ibang bansa, ang gayong uri ng sakit ay posibleng kumalat nang napakabilis sa lahat ng kontinente.

Ang gayong epidemya ay maaaring isang likas na sakit. Pero ikinatatakot din ng marami sa ngayon ang mga biological weapon—mga sakit na sinadyang gawin ng tao. Sinasabi ng mga eksperto na ang isang maliit na grupo ng mga tao na may sapat na kaalaman ay maaaring bumili ng mga kagamitan sa Internet at gumawa ng nakamamatay na biological weapon.

“Ang likas na sakit ay malubhang panganib pa rin hanggang ngayon; pero kung isang matalinong kaaway ang magkakalat ng gayong mga pathogen—o kaya’y mga pathogen na [di-tinatablan ng maraming gamot] o ginawa sa artipisyal na paraan—magdudulot ito ng napakalaking kapahamakan.”—The Bipartisan WMD Terrorism Research Center.

 Pagkaubos ng Mahahalagang Species

Sa nakalipas na limang taon, ang mga nag-aalaga ng pukyutan sa Estados Unidos ay nawawalan ng mga 30 porsiyento ng kanilang mga bubuyog kada taon dahil sa colony collapse disorder, isang pangglobong penomeno kung saan buu-buong kolonya ng mga bubuyog ang basta na lang nawawala. Hindi lang pulot-pukyutan ang naibibigay sa atin ng mga bubuyog. Tumutulong din sila para mapertilisa ang mahahalagang pananim gaya ng ubas, mansanas, soybeans, at bulak. Kailangan natin ang mga bubuyog.

Kailangan din natin ang mga phytoplankton. Kung wala ito, wala ring isda. Kung walang bulati na bubuhaghag sa lupa, kaunti lang ang aanihin natin. Kapag naubos ang mahahalagang species na iyan, magkakaroon ng kakapusan sa pagkain at taggutom, na mauuwi naman sa karahasan at mga riot. Ang polusyon, paglobo ng populasyon, pagsaid sa mga likas-yaman, pagsira sa likas na kapaligiran, at pagbabago ng klima ay ilang dahilan ng pagkaubos ng mga species ng hayop na malamang na mga 1,000 beses na mas mabilis kaysa sa normal na pagkaubos.

“Taun-taon, mula 18,000 hanggang 55,000 species ang nalilipol. Ang dahilan: ang mga ginagawa ng tao.”—United Nations Development Program.

Digmaang Nuklear

Sa isa lamang nuklear na pagsabog, puwedeng biglang maglaho ang isang lunsod—isang masaklap na katotohanan na dalawang beses na napatunayan noong Agosto 1945. Napakatindi ng puwersa ng isang nuklear na pagsabog, anupat ang bugso ng presyon, hangin, init, apoy, at radyasyon nito ay nakapipinsala at nakamamatay. Ang radyasyon ay nakakakontamina rin ng pagkain at tubig. Ang isang digmaang nuklear ay magsasabog ng tone-toneladang alikabok sa himpapawid, na haharang sa liwanag ng araw at magpapababa nang husto sa temperatura ng mundo. Mamamatay ang mga pananim at iba pang mga halaman. Kung walang pagkain, mamamatay sa gutom ang mga tao’t hayop. Sinasabing mga siyam na bansa ang may kakayahang maglunsad ng nuklear na pag-atake, at waring may iba pang mga bansa na gumagawa ng sarili nilang mga sandatang nuklear. At gustung-gusto ng mga terorista na makuha ang mga iyon.

“Ang mga sandatang nuklear pa rin ang pinakamatindi at pinakaseryosong banta sa sibilisasyon ng tao. . . . Mayroon pang mga 25,000 sandatang nuklear sa buong mundo . . . Di-magtatagal at makakakuha ng bomba ang mga terorista.”—Union of Concerned Scientists.